Kabanata 32

1.1K 57 7
                                    

Every 17th

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Every 17th

•••

TATLONG BUWAN NA ANG NAKALIPAS nang hindi ko na ulit nakita si Rafael sa Idiyanale. At sa tatlong buwan na lumipas, kinaya kong bumangon kahit na pakiramdam ko ay pare-pareho lang ang pangyayari sa araw-araw.

Hindi ako natuloy sa kolehiyo. Napagdesisyunan nila Papa na mas mabuti kung ipapahinga ko ang isang taon para pag-isipan ang mga bagay-bagay at makapag pahinga ako. Pribilehiyo man ang kakayahan na mag gap year, malaki na rin ang pasasalamat ko rito. Alam ko sa sarili ko na hindi ko magagawang pagtuonan ang pag-aaral ko matapos ang nangyari. 

Iba ang trauma na idinulot sa’kin ng lahat. Ni hindi ko magawang tumapak sa bukid nila Rafael dahil maaalala ko lang ang trahedya na parang kahapon lang naganap. 

Ngunit ngayong araw, kailangan kong tumungo roon para makita at masaksihan ang mga magsasaka ang pagkapanalo sa laban nila. Ngayong araw ay makukuha na nila ang sarili nilang titulo ng lupa. Ang dahilan ng lahat. 

Umusad ang kaso at bumilis ito nang pagbigyang pansin ng media. Kahit pa nanganib ang buhay ni Ninong Isagani, ay tinuloy n’ya ang pagtatrabaho sa kaso. Kinailangan n’yang lumuwas papuntang Maynila at doon magpagaling gawa ng aksidente, mas mabuti na rin na nandoon s’ya para sa proteksyon na kailangan n’ya. 

Matagumpay man ang inaasam nila para sa lupa, ay hindi pa rin nahahanap ang mga salarin sa pamamaril kina Rafael at dahilan ng aksidente ng sinasakyan nila noong gabing iyon. Mukha mang malabo na mabigyan ng hustisya iyon, ayokong putulin ang natitirang pag-asa ko. Iisa at iisa lang naman ang salarin na nasa isip ng lahat, pero mahirap itong maidiin at masakdal.

Kagaya nang nakasanayan ko mula pagkabata, hawak-hawak ang manibela ng bisikleta, inilagay ko ang mixtape sa basket na nakatakdang ibigay ko kay Rafael para sa ngayong buwan. Kung tinupad n’ya ang ipinangako n’ya sa’kin, tutuparin ko rin ang ipinangako ko sa kan’ya na ibigay ang mixtape ngayong ika-labing pitong araw ng Setyembre. 

Sumakay ako sa bisikleta ko na matagal ko ring hindi nagawa, at sa ilalim ng tirik na sinag ng araw ay pumadyak ako patungo sa bukid—patungo sa kan’ya.

Bumungad sa’kin ang ganda nang malawak na tanimam, ang tahanan n’ya na naging pangalawang tahanan ko na. Naibalik ang dati nitong itsura, at makikita rin ang mga magsasaka na bumalik sa dating pamumuhay nila. Sa ibang parte ng bukid ay may karatulang nakapwesto, pero hindi katulad ng dati na patungkol sa protesta ang nakasulat sa mga ito, bagkus ay ang pangalan ng nagmamay-ari ng lupa at ang sukat ng lupain na napa sa kanila.

May saya man na kumakatok sa puso ko, nananaig pa rin ang pait sa’kin na pumipigil na maglabas ako ng kahit kakarampot lang na mga ngiti. 

Ang buhay nila Rafael ang naging kapalit para mapagtuonan ng pansin mapakinggan ang hinaing nila.

Naiintindihan ko na, na hindi n’ya pinili ang madaling daan dahil iyon lang naman ang natatanging paraan. Ibinuhos n’ya ang lahat ng tapang n’ya hindi lang para sa kan’ya kundi para sa mga magsasaka na naapektuhan. 

Nilagpasan ko ang parte ng bukid na iyon para tumungo kay Manang Tinay. Muli, hihingi ako ng bulaklak sa kan’ya. 

“Dayang…” may gulat na banggit nito nang makita ako. 

Umalis muna ako sa bisikleta ko bago s’ya batiin. “Manang…” saglit akong natahimik para hanapin ang mga salita. “Pasensya na po at ngayon na lang ulit ako nadalaw.”

Bumagsak ang mga balikat ni Manang Tinay, kagaya ko, hindi rin s’ya makangiti at walang sigla pareho ang mga tinig namin. Ayokong tuluyan s’yang hawaan ng enerhiya ko pati na ng nararamdaman ko, kaya binigyan ko s’ya ng pilit na mga ngiti. Hinayaan ko ang sarili ko na ibalik ang Dayang na lagi n’yang nadadatnan dati.

“Nandito po ulit ako para manghingi ng bulaklak,” ang sabi ko. 

Nang dahil sa sinabi ko ay lalo lang lumungkot ang mga mata ni Manang Tinay, gano’n pa man ay nagawa n’yang tumango. “Anong bulaklak pala ang gusto mo?” tanong n’ya na hinaluan na n’ya nang nagbibigay panatag na ngiti.

Napa-isip ako, wala namang partikular na bulaklak akong gusto, kaya binanggit ko na lang ang mga bulaklak na hawak-hawak ngayon ni Manang Tinay. “Chrysanthemums po.”

Dumapo ang mga tingin ni Manang sa mga bulaklak na hawak-hawak n’ya. Hindi na s’ya nag-aksaya pa ng oras at inabot na iyon sa’kin, at kasama noon ay ang paghawak ng mga palad n’ya sa palad ko.

“Kahit araw-araw ka pa humingi, bibigyan kita palagi,” wika n’ya.

“Salamat po,” tugon ko. “Mauuna na po ako.”

Hindi ko mabanggit kay Manang na sa ngayon, ito na ang huling beses na hihingi ako. Kinabukasan ay aalis na ‘ko ng Idiyanale papuntang Maynila.

Maingat kong inilagay ang mga bulaklak sa basket ng bisikleta ko kasama ang mixtape at ang walkman. Naisipan ko na imbis na sakyan ang bisikleta ay lalakad na lang ako habang akay-akay ito. Tutal ito na rin ang huli kong araw sa Idiyanale, mas maganda nang magpaalam ako sa bukid, sa lugar na minahal ko.

Habang ginagawa iyon, bumalik sa’kin ang lahat; mula sa paghahabulan namin no’ng mga bata kami, ang pagbibisikleta ng sabay, ang pagtatawanan habang patungo kami sa kubo nila, at ang masiglang pagtawag n’ya sa’kin ng Dayang sa malalim n’yang tinig. Lahat ng iyon, nakikita ko at naririnig ko na parang nandito pa rin s’ya.

Huminto ako kung saan malinaw kong natatanaw ang kubo nila Rafael. Matatag pa rin itong nakatayo roon, kahit pa wala nang umuuwi rito, wala ng tao ang nagsasabing tahanan nila iyon. Kung siguro, kung sinuwerte lang ako, mula sa labas ng kubo na ‘yon, may makikita akong Rafael na nakangiti at kakaway sa’kin. 

Patuloy na ‘kong lumakad. Nagpapaalam sa lugar na ‘to nang tahimik humihiling na sana, kung muli man akong babalik dito sa Idiyanale, mananatilimg mapayapa ang mababalikan ko.

🎶🎵🎶

TAHIMIK AKONG NAKATITIG SA HANTUNGAN N’YA, nakaupo sa damuhan habang tumutugtog ang mixtape mula sa walkman ko. Ito na lang ang paraan para mapakinggan n’ya ang musika at ang nakapaloob na mensahe roon. 

Nang magbigay na ng katahimikan ang walkman, nag-udyok na ‘to para ako naman na ang magsalita.

“Miss na miss na kita, Paeng,” ang kusang lumabas sa mga bibig ko. Inayos ko ang pagkaka-ayos ng mga piraso ng chrysanthemum sa lapida n’ya.

“Sorry, kung sa tinagal-tagal, ngayon lang ako bumisita sa’yo,” saad ko. “Hindi ko kaya, e. Ang hirap-hirap tanggapin na dito na lang kita makikita.”

“Pero hindi ako nandito para magtampo sa’yo. Nandito ako para sabihin na, tapos na…napakinggan na kayo sa wakas, Paeng. Hindi nauwi sa wala ang lahat. Sadyang madaya lang ang mundo dahil pinagkait pa nitong ipakita ‘yon sa inyo ni Tiyang Rosa,

“At sorry din, dahil hindi ko pala kayang magtagal pa sa Idiyanale. Luluwas na ‘ko papuntang Maynila bukas kasama ni Tita Ning. Doon muna ako mamamalagi. Kasi kahit mahal na mahal ko ang lugar na ‘to, ‘yon ang kailangan ko. Kailangan kong lumayo sa lugar na ‘to para maghilom,

“Aalis man ako, hindi ako magpapaalam sa’yo. Alam ko na magkikita pa tayo, hindi man ngayon, hindi man bukas, hindi man sa madaling panahon. Ikaw ang greatest love ko, Rafael. At kung magmamahal man ako ulit, ikaw pa rin iyon nang paulit-ulit. Kaya hintayin mo ko d’yan, dahil kapag tama na ang panahon, magkikita tayo muli. Pero sa ngayon kailangan kong maghilom…kailangan kong umusad ng wala ka, kaya ngayon...pinapakawalan na rin kita.”

Umihip ang hangin, para akong niyayakap nito. Hinawakan ko ang lapida niya dahil matagal ko ‘tong hindi magagawa. 

Ngumiti ako sa kan’ya. “P’wede ka nang mamahinga, Rafael.”

•••

Every 17thTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon