Kabanata 27

886 52 2
                                    

Every 17th

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Every 17th

•••

NATAPOS ANG USAPAN NAMIN NI RAFAEL AT NAIWAN AKONG TULIRO DAHIL DOON. Kung kailan unti-unti ko nang natatanggap ang pagkakaiba ng pagtingin n’ya sa’kin, ay doon naman s’ya aamin. Ngunit kahit umamin man s’ya, ay parang tinatanggi n’ya pa rin ako sa dahilan na hindi ko kailanman binigyan ng pansin.

Ano ba talaga, Rafael? Mahal mo ba talaga ‘ko? Gusto ko iyon tanungin sa kan’ya kung makapal lang siguro ang mukha ko.

Dinagdagan n’ya lang ang pasanin ko na kukulit sa’kin gabi-gabi tuwing matutulog na ‘ko. 

Ngayong umaga ay nagbabalak akong pumunta kina Rafael para naman ipaalam sa kan’ya na maayos na kami. Hindi ko p’wedeng isantabi na lang ang pagkakaibigan namin dahil sa nangyari. At iyon naman ang hiling ko sa kan’ya—ang bumalik kami sa dati. Ako na lang siguro ang hinihintay n’yang magkumpirma na maayos na ulit kami. 

Habang naglalakad sa sala para hanapin si Papa at magpaalam na aalis ako ay narinig ko na nag-uusap sila ni Ninong sa may kusina. Huminto ako sa paglalakad, at naghintay sa isang gilid papasok ng kusina para hindi makasagabal sa usapan nila. Sa tono kasi nilang dalawa ay mukhang seryoso ang pinag-uusapan nila, gano’n pa man, hindi ko maiwasang makinig nang patago. 

“Pagbawalan mo muna si Yngrid na pumunta o kitain sila Rafael, mahirap na,” ang bilin ni Ninong kay Papa.

“Pagsasabihan ko, pero ikaw, mag-ingat ka rin,” ang naging tugon naman ni Papa.

Lumago ang pagkalito sa’kin. Ano’ng mayroon at bakit bawal akong bumisita na naman sa lugar nila Rafael? At bakit kailangang mag-ingat ni Ninong? May hindi ba magandang nangyayari sa kanila? Naiinis ako sa kadahilanang wala akong kaalam-alam.

Nagitla ako nang biglang may magsalita sa gilid ko, mabuti na lang ay hindi ako napasigaw at napigilan ko ang sarili ko na gumawa ng ingay.

“Yngrid my dear, kanina pa kita hinahanap,” bulabog ni Tita Ning sa’kin. Naka arko pataas ang isang manipis n’yang kilay at mukhang pinag-aaralan ang kung anong ginagawa ko.

“Bakit gan’yan ang itsura mo? Sinong sinisilip mo d’yan, ha?” huli n’ya sa’kin. Sisilip na sana s’ya sa loob ng kusina pero mabilis ko itong pinigilan gamit ang paghatak sa kamay n’ya.

“T-Tita,” bakas ang nginig sa tono ko na itinago ko na lang gamit ang paggawad ng kabadong ngiti sa kan’ya. “Sabi mo, mag sha-shopping ka, ‘di ba? P’wede ba ‘kong sumama?” palusot ko sa kan’ya kahit wala naman s’yang nababanggit sa’kin tungkol doon.

Sumingkit ang mga mata n’ya, mukhang hindi umuubra ang pagsisinungaling ko rito. Iba ang women’s instinct talaga. “At saan naman ako mag sha-shopping dito? Sa palengke?”

“Tita, pero sabi mo...sabi mo sa’kin kahapon aalis ka ngayon. Sama mo na ‘ko, please? Gusto kong lumabas ngayon,” pagmamakaawa ko rito.

“Dear, I don’t remember mentioning anything about me going shopping. Pero kung mapilit ka, p’wede naman tayong pumunta sa bayan. Kung sabagay, may mga kailangan din naman akong bilhin,” pagpayag n’ya sa wakas. Akala ko ay hindi ko s’ya mapipikot, buti na lang ay pumapanig sa’kin ang pagkakataon.

Kung sa bayan pupunta si Tita Ning, madadaanan namin ang lugar nila Rafael. Makakapuslit ako kay Papa kung sakali, at makakausap ko rin ang kaibigan ko patungkol sa kung ano ba’ng nangyayari. Sumilip ako sa kusina kung nasaan nag-uusap pa rin sila, tama na ‘tong timing na ‘to para tumakas.

“Halika na, Tita. Baka gabihin pa tayo,” pagmamadali ko. Hawak-hawak ang kamay niya at ginawi paalis sa kinalalagyan namin. Hindi na ‘ko nag-abala pang magpaalam kay Papa dahil si Tita naman ang kasama ko.

“Wait, dear. Masisira ang poise ko!” 

🎶🎵🎶

INIHINTO NI TITA NING ANG KOTSE SA GILID NG KALSADA MALAPIT SA KUBO NILA RAFAEL. Agad-agad kong inalis ang seatbelt na suot-suot ko at itinuon ang tingin kay Tita.

“Sasaglit lang po ako, babalik din ako agad,” saad ko kay Tita.

Inikot nito ang mga mata n’ya, nalaman naman n’ya ang balak ko sa pagsama sa lakad n’ya habang bumabyahe kami kanina. Pero hindi ko na pinaalam sa kan’ya na pinagbabawalan ako nila Papa na bumisita rito. Paniguradong mismong s’ya rin ang pipigil sa kagustuhan ko. “Bilisan mo, hindi tayo p’wedeng gabihin.”

Tumango ako at diretso bukas ng kotse para hanapin kung nasaan si Rafael. Una kong pinuntahan ang kubo nila, at nang wala akong makitang pigura n’ya roon ay nagmadali akong umalis para hanapin naman s’ya sa bukid nila.

Mabuti na lang ay mabilis ko naman s’yang nakita sa ilalim ng mataas at tapat na araw, nag-aararo. Sa punto kasi ngayon ang mga lupa na naapektuhan ng sunog ay tinatrabaho nila para ibalik sa dati. Hindi naman p’wedeng huminto na lang ang kabuhayan nila. 

“Paeng!” tawag ko sa palayaw n’ya bago lumakad papalapit.

Natigilan s’ya sa pagta-trabaho at lumakad din sa gawi ko para salubungin ako. Nang magkaharap na kami ay bumungad ang namilog n’yang mga mata at biglang pagkaputla ng mga labi n’ya. Mabilis din n’yang iginala ang mga tingin sa paligid kaya naman nagtaka ako.

“Ano’ng ginagawa mo rito?” bungad n’yang tanong. Bago pa ‘ko makasagot ay nagsalita ulit s’ya, “sandali, doon tayo,” utos nito at inunahan na ‘ko ng lakad papunta sa kubo nila.

Sinundan ko lang ang mga yapak ni Rafael hanggang sa makapasok kami sa kubo, alam ko na hindi naman s’ya galit, bagkus ay mukhang nag-aalala s’ya. Sa kinikilos n’ya ay para kaming may pinagtataguan.

“Binibisita lang kita,” sagot ko. “Ano’ng meron? Masama ba?” 

Umiling s’ya at napasuklay sa buhok n’ya gamit ang mga daliri n’ya. “Hindi sa gano’n,” tanggi n’ya. “Pero mas mabuti pa na huwag ka munang bumisita rito, okay?” 

“At bakit? Bakit bawal akong bumisita? Ano ba ang meron na hindi ko alam?” tukoy ko rin sa narinig kong usapan nila Papa at Ninong.

Pinatigil n’ya ‘ko gamit ang dalawang palad n’ya na dumapo sa magkabilang balikat ko. “Basta. Ako na lang ang bibisita sa’yo.”

Tinitigan ko lang ang mga mata n’ya, naghihintay na magpaliwanag s’ya, pero sa huli ay napa-oo rin ako at napatango. “Siguraduhin mo na bibisitahin mo ‘ko,” kondisyon ko.

“‘Wag kang mag-alala, pupuntahan kita sa inyo araw-araw.”

“Simula bukas?”

“Simula bukas.”

Napapihit ang ulo ko sa labas ng kubo nila Rafael nang marinig ko ang pagbusina ng kotse ni Tita Ning.

“Si Tita ‘yon,” pagbigay alam ko sa kan’ya. “Kailangan ko na rin umalis. Kitain mo ‘ko bukas.” 

Sa tensyon na mayroon ngayon ay nagawa pa rin n’ya ‘kong bigyan ng ngiti. Kahit pa nag-aalala ako sa sitwasyon na pinagdadaanan nila ngayon ay ibinalik ko ang ngiti na ginawad n’ya sa’kin. 

“Huwag kang mag-alala, susulpot ako bukas,” kumpirma n’ya. 

Bumaba ang mga palad n’ya patungo sa mga palad ko upang hawakan iyon at bigyan nang banayad na pisil. Tinanguan ko s’ya bago ako umalis ng kubo nila habang ramdam ko ang mga nakasunod na tingin n’ya.

•••

Every 17thTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon