Every 17th
•••
NAGTAGAL ANG PAG-UUSAP NAMIN NI RAFAEL na hindi ko namamalayan ang takbo ng oras. Gustuhin ko man na dumalo s'ya sa handaan na magaganap mamayang hapon ay hindi s'ya pupwede. Iyon na rin ang paliwanag kung bakit maaga s'yang tumungo sa bahay para batiin ako.
Nahuli ko si Tita Ning na matiyagang naghihintay sa gate, at nakikinig sa usapan namin nang makapasok ako. Madalang man akong mainis dito, ay sinalubong ko s'ya ng mga matang naniningkit at pares ng kilay na magkasalubong.
"Tita," sambit ko sa tonong nagtitimpi.
"What's with the face? Hindi ka ba masaya na bati na kayo?" tanong n'ya.
Napahawi ako sa buhok ko na kanina pa 'ko naiinitan dahil nakadikit sila sa mukha ko. Nangawit na rin ako kakahalukipkip para lang maitago ang dapat itago.
"Pinalabas mo 'ko ng wala akong bra!" bulalas ko, tila kumawala ang gigil sa bawat salita.
Napa-awang ang bibig n'ya, pero mabilis din n'ya iyon itinukom. Natuon ang tingin n'ya sa dibdib ko na parang pinag-aaralan iyon.
Napapihit s'ya ng ulo bago sabihing, "Hindi naman halata, e."
Dala ng insulto ay nanalinsik lalo ang mga mata ko. "Tita!" tawag ko sa kan'ya bilang suway.
"What? I'm just being honest here."
Para maiwasan na magkaroon ng karagdagan pang argumento ay lumakad na 'ko papasok ng bahay para iwanan s'ya. Kakalimutan ko na lang ang nangyari dahil masyado pang maaga para uminit ang ulo ko, at isa pa, maayos na ulit kami ni Rafael kaya dapat ay masaya ako. Birthday gift na rin na maituturing 'yon kung tutuusin.
Pinalipas ko ang umaga at tanghali para may sapat akong sigla kapag dumating na ang hapon kung saan may mga bisita akong kailangan na asikasuhin. Maliit na kasiyahan lang din naman ang gagawin kagaya nang nakasanayan na namin. Maliban lang sa ngayong taon ay hindi makakadalo si Mama dahil nagamit na n'ya ang vacation leave n'ya noong graduation ko.
Nagsimula ang inihandang party nila papa at tita nang matiwasay. Kagaya ng lahat ng kasiyahan na ginaganap dito ay sa bakuran ulit namin nakalatag ang mahabang mesa, at may mga dekorasyon din na lobo na napapangiwi ako kapag nakikita ko. Malayo na kasi ang edad ko para maglagay pa sila ng dekorasyon na bata lang ang matutuwang makita. Kahit nga si Ian ay walang sabik na ipinapakita sa mga makukulay na lobong nakasabit.
Kakangiti sa mga bisitang bumabati sa'kin ay ramdam ko na ang ngawit at ang pagdating ng pagod sa katawan ko. Kaya para maibsan iyon ay naupo na lang ako sa bandang sulok ng bakuran kung saan hindi ako gaanong mapapansin ng mga dumalo ngayong hapon.
Pumalumbaba ako, hinihiling na sana ay bumilis ang ikot ng oras para makabalik na 'ko sa loob ng bahay. Ngayon ko kasi napagtanto na sa party ko na 'to ay wala naman ang ibang mga taong gusto kong kasalo; si Mama, si Miran, at si Rafael.
BINABASA MO ANG
Every 17th
Teen FictionWATTYS 2021 WINNER (YOUNG ADULT CATEGORY) Country girl Yngrid Bartolome only wanted two simple things: 1. To enjoy music 2. To enjoy music together with her best friend Rafael Castro Yngrid knew that deep inside her, Rafael holds a more important...