Chapter 14 - Unconditional Love

95 24 123
                                    

Nakarating na sa mansyon sina Eduardo at Irene, pinagbuksan ng binatang bampira ang kanyang nobya matapos siyang bumaba sa kanyang sasakyan.

"Mabuti tumila na ang ulan pero ipagluluto pa rin kita ng pwede nating kainin sa loob," saad ni Eduardo sabay tango ni Irene at magkahawak-kamay silang pumasok sa loob ng mansyon.

Pagdaan nila sa sala, nandoon sila Baste, Mino, Daniel at Yelena na abala sa pag-aaral. Sinalubong sila ng mga ito.

"Good evening, Ate Irene at Sir Eduardo!" bati ni Yelena.

Nagtaka si Irene kung bakit nagmano si Mino kay Eduardo. Napangiti naman si Daniel nang napansin nito na magkahawak kamay ang dalawa. Nagbulungan sila ni Baste.

"Ate, Kuya, kailan pa naging kayo?" tanong ni Daniel.

"Ngayon lang," sagot ni Eduardo sabay ngiti.

"Wow! Mino, aabangan namin ang baby version mo!" Biglang napatakip ng bibig si Yelena saka napatingin sa mga kaharap. Nagtaka lalo si Irene.

"Anong ibig mong sabihin, Yelena?" tanong ni Irene. Nagtinginan ang tatlong magkakaibigan.

"Sorry!" wika ni Yelena.

"Okay lang..." sabay na sabi nina Eduardo at Mino saka nagtinginan.

"Papa, ako na ang bahalang magsabi sa kanya," turan ni Mino saka tumango si Eduardo.

"Magluluto ako ng kakainin nating anim, para mas ganahan kayong apat na mag-aral," wika ni Eduardo.

Natuwa sina Yelena at Daniel samantalang lumabas sina Mino at Irene para mag-usap. Napatingin ang binatang bampira sa dalawa habang papunta siya sa kusina.

Nang nakalabas na ng mansyon sina Irene at Mino...

"Hindi na ako magpapaliguy-ligoy pa, ako ang anak ninyong dalawa ni Mr. Eduardo Yanzon sa future. Matagal ko nang gustong sabihin sa inyo ang lahat, pero sinabihan ako ni Mama Minda na huwag muna kahit noong una ko palang kayong nakita, gustung-gusto ko na kayong yakapin." Biglang tumulo ang luha ni Mino at pinahiran iyon ni Irene.

"Patawarin ninyo po ako kung naglihim ako sa inyo. At saka nu'ng una kaming nagkita ni Papa noong nakaraan, nabasa na niya ang nasa isip ko kaya hindi na rin po ako nakapaglihim sa kanya. Kahit alam na niya ang totoo, hindi niya muna ipinaalam sa inyo dahil gusto niya sa akin manggagaling at alam ko nanliligaw pa siya sa inyo. Pero noong nakita kong magkahawak kayo ng kamay, naisip kong ito na ang tamang oras para sabihin ko sa inyo ang lahat." Dagdag pa ni Mino.

"Patawarin ninyo po ako ulit... Mama."

Niyakap ni Irene si Mino kaya siya lalong naiyak.

"Okay lang 'yon, anak." Naiyak na rin si Irene. "Kaya pala noong una kitang nakita, ang gaan-gaan ng loob ko sa 'yo! Kaya pala parang hindi lang pala basta parang kapatid ang turing ko sa 'yo eh... parang anak kita sa pagkadalaga. Wala pa kasi akong boyfriend noong una kitang nakita noong ipinakilala kayo ni Yelena sa akin ni Daniel eh."

Kumalas na sa pagkakayakap ang dalawa.

"Sandali, maiba nga tayo. Kasama mo ang Mama Minda mo rito galing future, sino siya talaga?" tanong ni Irene habang pinapahiran niya ang luha ni Mino.

"Si Yelena po, siya po ang future Yelena," sagot ni Mino habang pinapahiran din ang mga luha ni Irene.

"Feeling ko hindi naging maganda ang lagay ninyo sa future. Gising pa ba ang Mama Minda mo?" tanong ulit ng babaeng pulis.

"Nandoon po siya sa kwarto niya. Baka tulog na siya."

Hinawakan ni Irene ang magkabilang pisngi ng binata saka tinitigan.

The Vampire's WomanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon