Chapter 6 - The Agreement

121 32 164
                                    

Kinabukasan, nagbukas si Eduardo ng TV para manuod ng paborito niyang palabas nang bumungad sa kaniya ang isang masamang balita.

"Kapapasok lang po na balita, isang lady guard sa isang mall sa Binondo, natagpuang walang buhay..."

"Parang mall n'yo 'yan, Señor ah!" Nagulat si Eduardo nang biglang sumulpot si Baste na nakalagay pa rin ang paynetang binili nito sa plaza.

"May kagat ito sa leeg at bali ang buto ng magkabilaang braso ng biktima na indikasyon na pinahirapan muna ito bago pinatay..."

"Pumunta na tayo riyan! Hindi na maganda itong nangyayari!"

Tatayo sana si Eduardo, ngunit pinigilan siya ni Baste.

"Huwag muna, Señor. Marami taga-media ang nandiyan. Nakaabang din sila sa TV station kaya mag-weekend mode ka muna r'yan, Señor. Less talk, less mistake!"

Napabuntong-hininga na lang si Eduardo.

"Pakiramdam ko talaga, mga empleyado ninyong tao ang puntirya ng mga taga Red Eyed Media. Pero bakit puro babae ang biktima nila? Kawawa naman..." Napansin ni Baste na wala na sa tabi niya ang amo na kasalukuyang umalis dala ang sasakyan.

"Ang bilis niya talaga! Sinabi ng huwag nang pumunta muna roon. Ang tigas talaga ng ulo, tsk! Kunsabagay, sinabihan ko na siya noon na mag-move on na kay Carlota, hindi naman niya ginawa."


•••

Pagdating ni Eduardo sa Binondo Mall, napansin niyang madaming usisero, media at mga pulis sa lugar. Hindi muna siya bumaba ng kotse dahil baka dumugin siya ng mga tao. Mula sa kaniyang pwesto, nakita niya na may paparating na motor na kulay sky blue. Pagkaparada, nabighani ulit siya sa itsura ng isang pamilyar na babae nang tanggalin nito ang kaniyang helmet saka tumakbo ito papunta sa loob ng mall.

Gusto niya sanang bumaba para sundan ang babaeng pulis pero, bigla niyang ginising ang sarili at napagpasyahan niyang bumalik sa kaniyang mansyon, dahil naisip niyang tama ang sinabi ni Baste na huwag na siyang tumuloy doon. Ang tanging magagawa niya bilang may-ari ng kumpanya ay magbigay ng tulong pinansyal at funeral assistance sa pamilya ng namatay na empleyado.

Pagpasok naman ni Irene sa loob ng mall, namataan niya sina Tyronne. Nagulat ang binatang pulis nang makita siya.

"Hoy! Bakit nandito ka? Nakaleave ka, di ba?"

Lumapit si Irene sa pinangyarihan ng krimen at nakita nito ang kalunos-lunos na sinapit ng lady guard dahil bali ang magkabilang braso nito.

"Anong nangyayari sa iyo? Bakit namumutla ka?" tudyong tanong ni Tyronne.

"A-anong oras na siyang nandiyan?"

"Mga nasa pagitan ng alas onse hanggang alas dose ng hatinggabi. May kagat din siya sa kanang leeg." Nagulat si Irene na lubusang ipinagtaka ni Tyronne, kaya lumayo muna sila sa mga kasamahang nangungulekta ng mga ebidensya.

"Anong problema?"

"N-napanaginipan ko kasi 'yung nangyari sa kaniya. I-isang lalaking matangkad na maputi. May pangil din siya. Jacinto ang pangalan. Pero hayaan mo na, b-baka nagkataon lang."

"Huwag mong sabihin sa akin nag-aala psychic ka na ngayon?"

"Siraulo!" Hinampas niya ng pabiro si Tyronne sa balikat. "Hindi, pero kinilabutan ako bigla noong napanuod ko sa balita 'yung nangyari sa kaniya. Paanong report ang gagawin natin dito? Pangatlo na 'to! Hindi naman natin pwedeng sabihing bampira agad, wala tayong ebidensya!"

The Vampire's WomanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon