21. Paalala

49 2 0
                                    

(Nov 2020)

Paano kung sa gitna ng byahe ko kasama ang iba,
matagpuan ang sariling hinahanap ka?

Matagal, oo, napakatagal na
Nang huli kong amining ika'y mahal pa
Hindi naman tayo nagsamang talaga,
Kung tutuusin ay napakabilis pa nga
Panahong ginugol nating dalawa
Dahil nang nahulog sa iyo,
Hindi mo naman ako pinili, di ba?

Pero ang maikling oras na iyon ay nag-iwan ng marka,
Napakalalim at napakatalim
Mahabang panahon man ang lumipas
Ngunit tila hindi pa rin makaalpas
Hindi pa rin nalilimot maging ang paborito mong prutas,
Ikaw pa rin ang nagiging patalastas,
Ng isip kong punong puno ng iyong bakas.

Sigurado naman akong mahal ko siya,
Sigurado naman akong siya ang gustong makasama,
Pero kapag sa isip ika'y sumasagi na,
Napapatanong na lang akong bigla,
Mahal ko ba siya o mahal pa rin kita?
Mas mabigat pa ba ang iyong mga alaala
Sa apat na taon naming pagsasama?

Ngayon naiintindihan ko na,
Kung bakit una pa lang ako'y pinagbawalan na niya,
Na sa iyo'y manatiling malapit pa,
Dahil ika niya, "bakit, mahal mo pa ba siya?"
Giit ko naman ay kaibigan pa rin kita
Dahil iyon na lang naman dapat di ba?
Hindi na dapat ako nag-iisip pa ng iba.

Kaya naman noong una, nilayuan na kita
Kayang-kaya ko naman, nakita mo di ba?
Pero bakit muli ka pang nakipaglapit
Sabi mo ay kukumustahin lang akong saglit,
At tinanggap ko naman ang iyong isinambit,
Dahil oo nga, magkaibigan tayong malapit,
Kaya kinausap kita, kahit ito'y ipinagbabawal niyang mahigpit.

At muli, natagpuan ang sarili,
Nasasanay sa parehong sandali
Hinahanap-hanap parehong taong kumakandili,
Ngunit hindi na maari,
Ayaw ko na ng ganitong mga pangyayari,
Ako na mismo ang kusang kikitil,
Maling tayo'y muling magkalapit

Ngunit sa ikalawang pagkakataon,
Nagparamdam ka na naman,
Nandito ka na naman,
Personal pa akong pinuntahan,
Ni hindi nga ako makatingin sa iyo nang diretsahan,
Hindi rin nakadagdag pag-amin mo ng iyong tunay na nararamdaman,
Ngunit ano itong nadaramang kasiyahan?

Sabi mo, ngayon ay kaya mo nang sabihin,
Na noon pa man ay nahulog ka rin sa akin,
Ngunit hindi kaya ng iyong damdamin,
Ang sasabihin ng mga tao sa atin
Sapagkat kaibigan ko ang inibig mong huli
Kaya pinili na lamang na durugin
Ang anumang naguumpisa sa atin.

Sabi mo dapat ay wala na iyon ngayon sa akin
Dahil may iba nang sa akin ay umaangkin,
At ikaw ay may iba na ring napupusuan
Pero sana'y alam mo na lalo lang nitong ginulo ang aking isipan,
Ako? Na dati ay nasasaktan sa iyong harapan,
Sasabihin mong iyo rin palang nagustuhan?
Bakit hindi mo ipinaglaban?

Ngunit mahalaga pa bang iyon ay aking malaman?
Siguro nga ako ay nakadama ng kasiyahan,
Dahil sa isang banda, hindi naman pala ako nag-iisa
Hindi lang naman pala ako ang umibig
Ngunit palayain na natin ang isa't isa
Sa atin ay naraming nagbago na.
Isara na natin ang kwento nating dalawa.

Hindi tayo para sa isa't-isa.
Maaaring sa maraming bagay tayo ay magkatugma,
Maaaring sa maraming pagkakataon tayo'y magkatulad
At maaaring sa maraming pangyayari ay mas kilala natin ang isa't-isa,
Ngunit hindi pa rin tayo para sa isa't-isa.
Naniniwala akong may taong sa pagkatao mo ay magiging swak talaga,
Ngunit iba ang itinalaga ng Diyos na makasama mo hanggang malagot ang iyong hininga.

Maswerte ang mga taong nahanap ito sa iisang katauhan,
Ngunit ako, ay hindi para sa iyo.
Hindi na kita mahal, sadyang naiwan lang ang mga alaala
Na kailanma'y hindi natin lilimutin,
Sapagkat ang kwento natin ay maituturing
Na muntikan na, ngunit mabuting hindi na
Muntikan nang magkaugnayan, ngunit mabuting hindi na sinubukan

Mahal ko siya, sabi ko naman sa iyo di ba?
At alam ko namang ikaw ay mayroon na ring iba.
Kaya kung sa kalagitnaan ng byahe naming dalawa,
Ay matagpuan ang sariling hinahanap ka,
Marahil ay isa na lamang iyong paalala,
Na minsan sa buhay ang pinakamabuting iyong inakala,
Ay hindi naman para sa iyong talaga.

Ikaw ang magiging patunay,
Na kahit sa akin ay parang ikaw ang pinakabagay,
Wala pa ring papantay sa biyayang Kaniyang ibibigay,
Sapagkat doon mo lang madarama,
Kasiyang tunay na kanyang itinalaga.

Kaya't salamat dahil sa buhay ko'y dumaan ka,
Hindi ko lilimutin na minsan ay minahal kita,
Ngunit ngayon ang kwento nati'y tapos na.

Thoughts turned into PoetriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon