19. "Sorry, nakatulog ako"

84 4 0
                                    

(June 4, 2020)

"Sorry, nakatulog ako"

Tuwing umaga, iyan ang reply mo
Tatlong kataga na para bang,
Sa pamamagitan nito ay maglalaho
Lahat ng paghihintay ko
Na para bang maibabalik nito
Mga sandaling wasak dahil sa'yo

Sa tuwing nariyan na ang gabi,
Tiyak, sasapit na naman ang malulungkot na sandali
Hindi alam kung matutuwa ba dahil finally,
May mababasa na akong reply galing sa'yo
O malulungkot dahil, sa hinaba-haba ng araw mo,
Ngayon lang ba ako sumagi sa isip mo?

Pero sige itutuloy ko lang,
Magrereply at maglilibang
Makikipagtawanan at magpapalinlang
Kikiligin at mabubuang
Dahil kaunting sandali na lang,
Magugulo ang kaninang payapa lang

Heto na naman ako sa maling biro
O kaya naman sa paglalambing ay maling istilo
Akala ko ba masaya lang tayo?
Nagalit ka naman agad pero
Pero, pero, pero, pero
Hindi na pinakinggan kahit anong pagsusumamo

Ilang minuto pa ang pinalipas sa paghihintay
Nang di makatiis ay tumawag na ulit
Ilang ring pa pero ikaw ay 'di na sumagot
Sige tawag pa, sige lang sa pagpilit
Kaya lang, sana ay hindi na lang ulit
Kung alam ko lang na ito'y magiging masakit

Sa wakas ay sinagot mo na,
Pero sa kabilang linya'y wala nang nagsalita pa
"Nakatulog ka na ba?"
Sana naman, sa akin ay sabihin mo muna
Na kung ayaw makipag-usap, edi hindi na
Para hindi parang tanga na naghihintay pa

Pero nagsalita ka, "hindi pa"
Ayon at nabuhay ang pag-asa
Kinulit kulit ka para makipagbati na
Pero nagsungit uli kaya paano na
Nakakapikon ka na,
Papatayan mo na naman ba?

Ilan pang tawag ang iyong sinagot,
Pero puro katahimikan lang ang bumabalot,
Sa gabing kay lungkot,
Kailan kaya ito matatapos?
Nagsasawa ka na ba dahil magulo?
Nakakasawa ba ang paulit ulit na pakikipag-ayos?

Kaya siguro natulog na,
Ang pananahimik ay napunta sa antok
Nang 'di makatiis ay natulog
Pero sana ay iyo munang dinulog
Ang puso kong naghihimutok
Bago man lang sumuong sa pagtulog

Ilang oras na ang lumipas,
Pero ako ay hindi pa rin makaalpas
Sa sakit na dala ng pambabalewala
Kahit ilang beses ko pang ipaalala,
Lambing lang naman ang gusto ko pero wala
Laging ipinapaalala na isa akong abala

Sa tuwing nariyan na ang gabi,
Tiyak, sasapit na naman ang malulungkot na sandali
Nariyan kang nagtatanong at magdududa
Ano nga ba ang aking halaga?
Hindi naman ako nagkulang sa pag-unawa
Patawad na sa mali kong nagawa

"Sorry, nakatulog ako." at sana naitulog ko rin
Ang malungkot na gabing iyong dulot,
Sana nakita mo ang puso kong nadurog
Pero kay dali mong ipinalampas,
Isang gabi ay dali-daling lumipas
Ngunit sa akin, ang sakit ay hindi kumupas

Maaring sa pagtulog mo ay hindi mo nadama
Pero sa'yo ako ay nangungulila,
Sana sa susunod ay mapagbigyan na
Huwag na sanang matulugan nang nagdadamdam pa
Iparamdam mo namang ako'y mahalaga
At ayaw mong nasasaktan pa

Kaya nireplyan kita,
"Okay lang, nakatulog na rin naman ako."
Kahit hindi naman talaga.

Thoughts turned into PoetriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon