11. Sa aking Mahal na mga Magulang

95 3 0
                                    

(July 5, 2018)

Aking mahal na mga magulang
Nagpapasalamat ako sa masayang tahanang
Inyong binuo at pinuno ng pagmamahal
Nagpapasalamat ako sa tuwing ako ay uuwi
At sasalubong ang maiinit niyong mga yakap
Patuloy na pinakikinggan ang mga kwentong dala tagumpay man o sawi
Nagagalak man o naluluha, nariyan kayong aakap
At magsasabing, "Anak, andito lang kami"

Aking mahal na mga magulang
Isa kayong biyaya ng Maykapal
Pagmamahal niyo'y walang kapantay
Kaya't ang tanging hangad sa akin ay tagumpay
Opo, aking nauunawaan
Na ang bawat paghigpit at paghindi
Sa mga bagay na alam kong hindi maari
Ay bunga lamang ng inyong pagmamalasakit
Sapagkat ayaw niyong makaramdam ng sakit
Ang puso kong hindi pa sanay sa pananakit

Aking mahal na mga magulang
Mga sakripisyo niyo'y siyang aking pinagkukunang lakas
Paghihirap niyo'y laging may naiiwang bakas
Sa aking isipan, at ang bawat balangkas
Ng kaalaman na matututunan ko sa paaralan
Ay isang hakbang upang maisakatuparan
Ang tagumpay na siyang nais niyong aking kasadlakan

Aking mahal na mga magulang
Nauunawaan ko ang mga bagay na ginagawa niyo
Kung mayroong mga pagkakataong kailangang magkalayo
O maraming pagkakataong may pinagkakaabalahan kayong trabaho
Opo, naiintindihin ko
Sa mga pagkakataong kailangan kong mag isang tumayo
Opo, naiintindihan ko na ito ay para sa aking paglago

Aking mahal na mga magulang,
Sa araw na ito, hindi man nakataas ang kanang kamay ko
Ay ipinapangako, pagbubutihin ang pag aaral ko
Iingatan ang bawat pangaral niyo
Upang kung dumating man ang araw na tuluyan nang magkalayo
Maipagmamalaki kong tagumpay ang nakamit ko
At ito ay dahil sa inyo, maraming salamat po

Thoughts turned into PoetriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon