Sinamahan ako ni kuya AN sa ospital upang magpacheck up at kung anu-ano ang kanilang ginawa nila sa akin. Matapos ang paghihintay ay nilapitan na kami ng doktor at sinabi sa amin ang kondisyon ko. Nanlumo ako sa nalaman ko dahil hindi lang kakambal ko ang aalalahanin ko kung hindi pati sarili ko.
Leukemia ang posibleng sakit ko pero para raw mas masigurado ay kailangan ko ng bone marrow biopsy dahil sobrang hindi normal raw ang white blood cell count ko. Pumayag na lamang ako dahil para masabi ko kaagad kay nanay at magawan ko kaagad ng paraan.
Chronic myelogenous leukemia.
Stage two.
Iyon ang sabi ng doktor hindi raw lumalabas ang mga sintomas nito kaagad kapag stage one pa lang ng cancer at isa raw itong rare disease sa edad ko dahil madalas ito sa mga matatanda.
Tumango na lamang ako sa doctor at si kuya AN na ang nagsalita ng nagsalita. Pagkauwi namin sa bahay ay dumiretso na ako sa kwarto at nadatnan ko ang kakambal ko.
Sa nakalipas na isang taon ay unti-unti na niyang natatanggap na may tumor siya sa utak at hinahayaan na lang niya ang mga bagay bagay pero ako, ngayon ko lang nalaman at medyo malala na pala.
"May problema ba?" Tanong sa akin ni DJ. Inabot ko naman sa kanya ang mga reseta ko at napakunot ang noo niya.
"Chronic myelogenous leukemia. Stage two." Bulong ko.
"Ano? May pwede ba tayong gawin?"
"Chemotherapy pero suggestion nila bone marrow transplant. Pero kailangan malaman muna saang bone marrow nanggaling ang cancer cell." Paliwanag ko. Iyon ang pagkakaintindi ko sa sinabi ng doktor pero sana naman tama yung paliwanag ko kay DJ.
"Ang hilig mo sa bulalo tapos bulalo mo may problema." Iiling ni DJ at alam kong pinapatawa niya ko. "Gumanti ang mga baka sayo kakakuha mo raw ng bulalo nila." Natawa na lamang ako sa sinabi ni DJ. Maya-maya ay nagsalita muli siya. "Alam mo, mahirap tanggapin na maaari kang mamatay pero napag-isip isip ko lahat naman tayo mamatay. Gawin na lang natin ang lahat ng makakaya natin habang buhay tayo. Ako kahit makapagtapos ng pag-aaral lang si EM okay na ko."
"Hindi mo gustong mag-asawa?" Tanong ko sa kanya.
"Gusto pero kung ayaw naman ng Diyos ang gagawin ko, hindi ko rin naman makukuha. Gusto kong magkaroon ng anak na kambal at sana maging tulad natin na malapit sa isa't isa hindi yung may sakit." Natatawa niyang sabi.
"Gusto ko triplet para isang irihan na lang ng asawa ko." Sabi ko habang humiga sa kama.
"Gusto mo lang ng record breaking sa pamilya." Natatawa na sabi ni DJ at sinabayan ko siya ng tawa. Kahit papaano gumaang ang pakiramdam ko.
Sa dagdaang ilang araw ay tahimik si nanay tuwing nakikita niya kami ni DJ at nalaman kong nasabi na ni kuya AN ang kondisyon ko. Napagalaman rin namin na maaaring mawalan ng trabaho si nanay dahil ibibigay na ni Sir Alex ang posisyon nito sa anak niya.
Sa nagdaang araw ay nararamdaman ko ang panginginig ng aking mga buto-buto pero hindi ko ito iniinda hanggang sa napansin ng anak ni Sir Alex ng minsang pumunta ako sa bahay nila upang ibigay ang mga kakailanganin naming magkapatid sa eskwela.
"You okay?" Tanong nito.
"Yes, sir." Sabi ko na naman. Medyo mahirap makipag-usap sa anak ni Sir Alex dahil lumaki ito sa Europa at lumipat lamang sila rito ng ilang taong gulang na siya.
"No, you are not." Tinignan niya ako mula ulo hanggang paa. "You are wobbly. And I can sense something is wrong." Pagpuna nito sa akin. Hindi naman ako magtataka kung mapuna niya dahil ilang taon pa lamang ito pero nasa high school na.
"Just don't tell your father, he did a lot from us." Iyon na lamang ang sinabi ko at tumango naman ito.
Dumaan ang anim na taon at halos makakapagtapos na rin kami ni DJ habang si EM naman ay nasa ikalawang taon na sa kolehiyo. Nang matapos si kuya AN sa kanyang kurso at nakapasa sa board exam ay tinulungan niya kaagad si nanay sa gastusin sa bahay at gamutin namin habang kami ay nag-aaral at pinipilit gumaling.
Si nanay hindi pa rin niya sinasabi kay Sir Alex ang kondisyon namin pero mukhang nakakahalata na ito dahil halos dalawang taon kaming hindi nakapag-aral dahil na rin sa hindi naminkinaya ang sunod-sunod na chemotherapy.
Ngayong taon rin kami na ngangamba dahil makakapagtapos na ngayon taon ang anak ni Sir Alex at kapag ito nakapasa ng board exam ay marahil papalitan na nito ang kanyang ama.
Pupunta kami ngayon ni DJ sa opisina ni nanay dahil gusto raw kaming kausapin ni Sir Alex pero hanggang ngayon ay nasa meeting pa rin ito at wala rin si nanay dahil kasama siya sa meeting.
"Pwede kayang maglibot?" Tanong sa akin ni DJ. Nagkibit-balikat naman ako dahil hindi ko alam kung pwedeng maglibot.
Kapag narito si nanay pwede kaming maglibot dahil tinutulungan namin siya sa pagpasa ng mga kailangan pero ngayon wala siya hindi ko alam kung papayagan kami. Mas mabuting narito kami sa lugar lang ni nanay baka pagalitan pa kami ng may ari talaga ng kompanya - yung pamangkin ni Sir Alex.
"Wala si tita Ruth." Sabi ng isang babae.
Napakunot ang noo ko dahil kilala ko ang mukhang ito. Nakilala ko na siya dati. Biluging mukha, mukhang mataray ang hubog ng mukha pero pala ngiti.
"Wala, eh. Nasa meeting kasama si Sir Alex." Sabi ni DJ.
"Ganun ba? Sige, salamat. Pakisabi na lang dumaan ako, yung sekretary ni Sir Kenji." Sabi nito at aalis na sana ng binigkas ko ang isang pangalang hinding-hindi ko makakalimutan.
"Aimee?"
Lumingon siya na may ngiti sa kanyang labi at kitang-kita ang kislap sa kanyang mga mata. "Yes?"
"Nice seeing you again." Sabi ko na lamang. Halatang nagulat siya at nagtataka, "2006 sa harap nitong building. Kasama mo pa si Erika." Pagpapaalala ko na lamang sa kanya at nakita kong lumapad ang kanyang ngiti dahil mukhang naalala na niya ako.
"Uy! Ikaw pala yan." Sabi niya at tinignan niya si DJ na may ngiti sa labi. "Okay ka na ba?" Sabi nito kay DJ.
Hindi alam ni DJ kung anong sasabihin niya kaya tumango na lamang siya. Hindi ko nga pala sa kanya nasabi na kaya namin nalamang may tumor siya dahil sinakripisyo nitong anghel na ito ang kanyang pambayad para sa isang concert.
BINABASA MO ANG
Mananatili
Ficção GeralMananatili ka ba kung alam mong hindi buo ang pagkatao ko? Mananatili ka ba kung alam mong maaari akong mawala? Mananatili ka ba kung sakalin sumusuko na ako? Ako si John Dela Cruz at ito ang storya ng buhay ko.