/ML-18/

10 8 8
                                    

ELEANOR

Sinalubong kami ng maliwang na sinag ng araw. Panibagong araw na naman ng pananatili namin sa lugar na 'to at magpahanggang ngayon, hindi pa rin kami makaalis.

Siguro nga dito na kami mamamatay. Dito na magwawakas ang buhay namin. Walang pag-asa na makabalik pa.

Kung alam ko lang na ganito ang mangyayari sa'min, sana hindi na lang ako sumama o kaya ay pinigilan ko ang mga kaibigan ko sa balak nila.

Pero hindi ko naman alam ang mangyayari. Hindi ko hawak ang kapalaran ko o kahit ng mga kaibigan ko.

Kung dito na nga kami mamamatay, ayos lang dahil hindi naman ako mawawala ng mag-isa dahil may mga kasama ako.

Ang kaso lang, mananatili ang kaluluwa ko sa rito at hindi mananahimik dahil sa mapait na sinapit sa lugar na 'to.

Napangiti na lang ako ng mapait. Heto ako, hindi pa man ako patay ay iniisip ko na ang posibilidad ng kamatayan namin.

Mukhang nilalamon na ng masamang aura ang isip ko. Dapat hindi ako nag-iisip ng ganito.

Kahit pa marami na kaming pinagdaanan, dapat hindi ako sumuko para sa mga kaibigan ko at para na rin makaalis sa impyernong 'to.

Pero hindi ko kasi mapigilan ang sarili. Sa tuwing naiisip ko ang nangyari kina Enzo, Gaia at Henry lahat ng naiisip kong positibong bagay ay naglalaho.

Parang nawawalan ako ng pag-asa at babalik na naman sa pagiging mahina.

Napatingala ako sa langit. Tumatama ang init ng araw sa balat ko. Katamtaman lang ang init ng araw dahil napapalibutan ito ng ulap.

Kung sa ordinaryong senaryo ay ma-e-enjoy ko ang ganito pero kabaligtaran no'n. Kung ang simbolo ng araw ay bagong pag-asa, para sa'kin isa itong panibagong problema para sa'min.

Kaya kahit labag sa loob ko ang lahat ng nangyayari sa'min, pinilit kong patatagin ang loob ko at hinarap sina Mason at Tinley.

Walang mangyayari sa'min kung ganito kami. Wala kaming mapapala kung tutunganga kami rito.

"Mason, Tinley, alam kong masakit ang loob niyo pero kailangan nating kumilos dahil kailangan..." panimula ko.

Dahan-dahang tumingin sa'kin si Tinley na may luha sa mata. Kanina pa pala siya umiiyak pero tahimik lang.

Tumayo siya at pinantayan ako saka tiningnan ako sa mga mata.

"Paano, El? Tatlo na lang tayo! Tingnan mo nga kung nasan tayo. Nandito lang naman tayo sa lintik na impyernong 'to na hindi makaalis-alis. El, tatlong kaibigan natin ang namatay kaya tayong natitira ay dito rin mamamatay. Tanggapin mo na wala na tayong pag-asa. Wala!"

Naaawa akong napatingin sa kaniya. Naiintindihan ko siya. Alam na alam ko ang nararamdaman niya dahil parehas lang kami. Parehas kaming nawalan ng kaibigan. Pero hindi ko naman siya masisisi dahil nasasaktan siya.

"Dahil kailangan! Sa tingin mo ba matutuwa ang mga kaibigan natin kung ganito tayo? Na nawalan na ng pag-asa? Sa tingin mo gusto nilang mamatay tayo sa lugar na 'to katulad nila? Hindi! Dahil sa dami nating pinagdaanan hindi tayo puwedeng sumuko. I mean, what worse could have happen to us? Kaya hangga't nabubuhay tayo, hahanap tayo ng paraan para makaalis dito."

Pagkatapos ng sinabi ko ay tuluyan na siyang humagulgol at napayuko. Lumapit ako sa kaniya at hinawakan ang balikat niya para sabihing hindi siya tuluyang nag-iisa.

"Tinley, alam kong mahirap pero kailangan. Alang-alang sa mga kaibigan natin. Kahit wala na sila, alam kong gugustuhin pa rin nilang makaalis tayo rito. Pangako ko sa'yo, malalagpasan din natin 'to..."

Monsterland (On-Hold)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon