“Ayoko lang masaktan ka… Malakas akong mambola, hindi ako santoOOO!”
“Mr. Dela Peña.”
“PERO PARA SAYOOOOO—“
“MR. ANTONIO DELA PEÑA!” Sigaw ng prof namin.
“Sir!” Nagulat ako. Dali-dali kong inalis ang earphones ko. Shit! Napalakas ata ang kanta ko. Shit!
Salubong ang kilay ni Goliath. Nakatingin sa akin ang lahat ng kaklase ko. Hinayupak. Ginalit ko si Goliath.
“What’s our subject right now?!” Madiin niyang sinabi. Kung nasa pelikula siguro ako ngayon, malamang umuusok na ang tenga niya.
“Digital Signals and Processing, sir.” Tik…Tak… Tangina! Ba’t ang bagal ng oras?! Tila tumigil ang lahat sa paligid ko at kaming dalawa na lamang ang gumagalaw.
“And what’s that singing supposed to do with this subject?” Naramdaman ko bigla na tila binabalot ng kakaibang lamig ang buong katawan ko. Ganito ata ang nararamdaman ng mga tao bago sila mamatay.
“Nothing, sir…” Guilty kong sagot.
“Do you know where the music building is located?”
Parang alam ko na ang susunod na mangyayari.
“Sa katabing building po.”
“Well then, go there Mr. Dela Peña.” Sabi na nga ba. Nanginginig na sinabi ni Goliath. Parang natanggalan ng dila ang lahat ng kaklase ko. Sa totoo lang gusto kong sumigaw at magmura. Gusto ko ring matawa... matawa nang malakas. Ewan. Sa mga ganitong seryosong pagkakataon, parang inuutusan ako ng utak ko na tumawa. SHHHH utak. SHHH.
“Yes… sir...” Ayan nalang ang naisagot ko. Wala e, baka mamaya ipalapa ako ng unibersidad na ito sa mga mababangis na hayop kapag nagtapang-tapangan ako. 4th year na pa naman ako, sayang din yun.
Hahakbang na sana ako…
KRRRRRRRRRRRRIIIIIIIIIIIIIIINNNNNNNGGGGGGGGGGGGGGGGG!!!!
Phew! Saved by the bell. Tangina! Muntik na ako doon!
“I am warning you Mr. Dela Peña.” Padabog niyang nililigpit ang mga kagamitan niya. Isa siyang perpektong depinisyon ng lalaking may dalaw. “And class, if you aren’t interested in this subject, it’s not my loss. But please don’t show to me even your freaking shadows!” Sabay alis. Tinignan ko pa talaga kung natagusan na ba siya e at maniniwala na talaga akong meron siya ngayon.
Pahamak na Parokya ni Edgar.
Parang ngayon ko lang natanto ang ginhawa ng makahinga ka nang maayos. Nawala na ang kakaibang lamig na bumalot sa katawan ko na sumisimbolo ng kamatayan. Nagsibalikan din ang mga natanggal na dila ng mga kaklase ko. Karamihan sa kanila, binibiro ako. Eksena nga naman kasi yun. Para akong nakipagbanggaan sa pader... higanteng pader. ‘Di natitinag.
“Gago na, brad. Songist ka kasi e.” Pabirong sinabi ni Robert. “Akala ko magpapalit-anyo na siya e.”
“Akala ko nga rin, brad. E nag-bell. Sayang ‘di nakumpleto ang transformation ni Goliath.”
Dumating na ang susunod na prof. Sa totoo lang, tinamad ako bigla. Tsk. Isang oras pa sa Thermodynamics. Sa room namin, nasanay na walang permanenteng upuan. Kada subject pwedeng mag-iba ang katabi mo.
Aba, tumabi sakin si Risa. Kaklase ko na siya mula third year pero ngayon ko lang yata siya nakatabi. Sa harapan kasi siya palaging pumupuwesto. Mas matangkad ako sa kanya nang kaunti. Hindi siya yung tipong matatawag mong ‘chick.’ Para siyang lumang tao. Ang ibig kong sabihin, para siyang ‘classic.’ Yung mga nabuhay noong 80’s. Ganun.
“Noooice one, Ton! Concert ang peg mo ah! Badshot ka nga lang kay sir. Malamang sa malamang, ibabagsak ka nun. Condolence, Ton!” Pang-aasar ni Risa.
‘Di ko inaasahan ang mga sinabi niya. Mukha kasi siyang tahimik kaya nga ngayon ko pa lang siya nakausap. Pero nakikita ko namang maligalig siya kapag kasama ang mga kaibigan niya.
“Aba. Ayun ang hinding hindi niya maaaring gawin sa henyong tulad ko.” Sumakay ako. Pero sa totoo lang, nababahala rin ako e. Si Goliath yun e. Walang sinasanto. Pero saka ko nalang siya poproblemahin.
“Henyo mo mukha mo. Suot ka nalang ng shades tapos kanta ka dun sa Quiapo. Natuwa pa ‘ko.” Sinabi niya habang tumatawa.
“Awwww… Teka, may tanong pala ako.”
“Ano iyon?”
“Crush mo ba talaga si Robert?” Wala e. Curious ako e. Bali-balita kasi nung third year kami na may gusto siya kay Robert. Sige na masama na ako pero naisip ko noon na ang malas naman ni Robert kung totoo iyon.
Ngumiti siya.
“Ganito kasi iyon… Nang maging magkakaklase tayo noong third year, nasabi ko, ‘May hitsura iyon oh. Pagkatapos nun, inaasar na nila ako.”
Tumango-tango ako. Pero natanto ko na hindi niya sinagot ang itinanong ko. Pero ayoko na ulit itanong. Bahala siya.
Hindi ko namalayan pero ang dami na pala naming napag-usapan. Kung anu-ano. Hindi na namin nagawang makinig kay prof Luke. Nakakatuwa naman pala siyang kausap. Hindi boring.
Napansin ko nalang na pinagtitinginan na kami ng mga kaklase namin. Nakangiting-aso sila. Mga mukhang kinikilig. Hula ko binibigyan nila ng malisya ang pag-uusap namin. Oo na, ako na weirdo pero bakit natutuwa ako sa mga reaksyon nila?
Paksyet.
to be continued...
(c) charm L.
BINABASA MO ANG
Hoy Tuod!
RomanceIstorya ng isang tuod na nagmahal sa mundo ng mga tuod. Ang tanong, bakit nagiging tuod ka kapag nariyan siya?