Kabanata XII. Back-to-School Blues

11 0 0
                                    

"Risa, mahal kita."

Patuloy pa rin ang tugtugin. Natigilan siya. Nakatingin sa akin. Mata sa mata. Ang dati niyang mga matang nangungusap, nagsasabi ng lahat, ngayon ay wala akong mabasa. Hindi ko mawari kung ano ang nasa isip niya.

Lumapit siya sa akin. Patuloy ang tugtugin. Inilagay niya ang ulo niya sa dibdib ko.

"Mahal... mo ako?" Tanong niya.

"Oo."

Magkadikit na ang aming mga tuhod.

"Sabihin mo ulit," bulong niya.

"Mahal kita." Niyakap ko siya. Tumingin siya sa akin. Umiiyak. Luha... Ang lalaki ng mga luha niya.

"Uuwi na ako, Ton," aniya. Inaya kong ihatid siya ngunit tumanggi siya. Nagpumilit ako ngunit kaya na raw niya ang sarili niya. Pinilit ko pa rin siya pero naisip kong kailangan niya sigurong mapag-isa muna kaya pumayag na rin ako.

Natapos ang gabing iyon nang lumuluha siya. Hindi ko alam kung bakit. Nasaktan ko ba siya? May mali ba akong ginawa? Naguguluhan ako. Iniwan niya akong gulong-gulo.



Natapos ang sembreak at muling nagsimula ang klase. Nakatambay na naman ang mga estudyanteng naninigarilyo sa labas ng campus. May mga estudyante rin sa mga upuan sa tapat ng building namin, maging sa mga pavilion. Ang iba naman ay kasama ang mga magulang nila. Freshman siguro ang mga iyon o kaya ay ngayon lamang mag-eenroll. Sa gate, syempre nakaabang pa rin ang mga gwardiya sa monitor kung saan ini-swipe ang ID. Bagong gupit siya ngayon. Halos wala na siyang buhok. Ang hirap sigurong maging gwardiya. Paano ba naman e maghapong nakatayo, paulit ulit na naririnig ang 'ding!' na tunog sa tuwing may estudyanteng papasok ng gate. Siguro ang nakakapagpa-aliw nalang sa kanila ay ang pagtripan sa utak nila ang mga larawan ng mga estudyante na ipina-flash sa monitor sa pagpasok sa gate. Kahit ako, mukha akong gago sa ID picture ko. Pa'no ba naman kasi, ito na ang litrato ko mula pa noong first year ako. Haggard pa dahil pagkatapos ng nakakapagod na proseso ng enrollment ang ID picture taking.

Sa ikaapat na palapag pa rin ang mga klase ko. Dumiretso ako sa elevator pero sa haba ng pila, nag-hagdan nalang ako. Ehersisyo na rin. Pagpasok ko ng room, agad na hinanap ng mga mata ko si Risa. Gusto ko siyang makausap. Naguguluhan pa rin ako sa naging reaksyon niya. Ni hindi ko naibigay ang regalo ko sa kanya. Pero wala si Risa. Late lang siguro siya? Weird. Hindi kasi nale-late ang babaeng iyon.

Umupo ako sa gitna, sa huling hanay. Tumabi sa akin si Kaye at Robert. Muntik ko nang makalimutan ang lovebirds na ito. Mukha namang nagka-ayos na silang dalawa.

"Ungas! Musta sembreak? Huling dalaw mo nung nagpapasuggest ka ng ireregalo ah? Ano nangyari sa date niyo? Ni hindi ka man lang nagkwento. Ang daya mo!" sabi ni Kaye.

"Oo nga, brad. Ano bang nangyari sayo? Nag-sembreak lang, eh, mukhang kinalimutan mo na kami." ani ni Robert.

Pero hindi ako sumagot. Ewan, wala akong masabi. Wala rin ako sa mood. Gusto ko nalang umuwi. Tumigil din sila sa pagsasalita nang mapansin nilang hindi ako sumasagot. Hinayaan nalang siguro nila ako.



Ilang oras ang lumipas pero hindi pumasok ang mga propesor. Wala rin si Risa. Lalo akong hindi mapakali. Huling subject ko na ng 7-9 ng gabi. Pero mukhang hindi naman ulit papasok ang propesor. Hindi siya pumasok sa ibang seksyon kanina eh. Nakakawalang gana. Umalis na ako ng room. Gusto ko na talagang umuwi. Naglakad na ako palabas ng gusali. Ayun pa rin naman ang dinadaanan ko pero tumigil ako sa may fountain. Ito yung fountain na may estatwa ng babae sa gitna na may hawak na mukhang mangkok kung saan lumalabas ang tubig. Napalilibutan siya ng apat na usa na tila umiinom sa batis. Nakakarelax itong tignan. Gusto ko munang magmuni-muni dito. Tiyak na mahirap pa namang humanap ng masasakyan pauwi dahil rush hour pa. Tatayo lang din naman ako sa gilid ng kalsada kakalanghap ng mga usok mula sa mga sasakyan.

Tumingala ako. Sayang walang mga bituin. Ewan ko ba kung malabo lang ang mga mata ko o sadyang wala talagang mga bituin sa langit ngayong gabi. Siguro naman sasabayan ni Robert si Kaye umuwi ngayong gabi?

'Kaye, d muna ko ssabay muwi. Ssabayan kb ni Robert umuwi? Kung d, ssabayan kita't bka mapano k png mokong k.' Text ko kay Kaye.

'Ayos lng ako, ungas! Take ur time.' Reply niya.

Hindi muna ako sasabay umuwi sa kanya. Mas ayos siguro kung mag-isa muna ako at baka madamay ko pa siya.


Wala na akong ibang maisip. Si Risa lang nang si Risa. Parang gusto kong pagsisihan na sinabi ko pa sa kanya ang nararamdaman ko. Siguro kung hindi ko sinabi ay walang magbabago. Hindi mangyayari ang lahat ng ito. Pero hindi ko alam, siguro mas pagsisisihan ko kung hindi ko man lang naipaalam sa kanya. Natapos ang isang buong unang linggo ng klase ngunit hindi pumasok si Risa. Tinanong ko na rin si Monica pero wala rin daw siyang balita. Nag-aalala na nga rin daw siya. Pero baka tinamad lang daw iyon. Bakit hindi siya pumapasok? Gusto ko siyang tawagan pero hindi ko magawa. Gusto ko siyang puntahan sa kanila pero paano kung ayaw niya pa muna akong makausap?

'Risa, sana makapag-usap tayo.' tinext ko na lamang siya.



Dumating muli ang Lunes. Pumasok na siya. Pumasok na si Risa. Pero bakit ganoon? Kung kumilos siya ay parang wala lang nangyari. Ganoon pa rin siya, maligalig, palangiti. hindi ko alam kung anong dapat kong maramdaman. Pumasok na ang mga propesor ngayong linggo. Noong nakaraan, walang pumasok eh. Balik sa buhay estudyante pero hindi pa ako makapag-focus. Nababagabag ako kay Risa.

"Ba't hindi ka pumasok sa klase nung nakaraang linggo, Risa?" tanong ng isa naming kamag-aral sa kanya. Narinig ko.

"Ah, for sure hindi naman papasok mga prof eh!" Sagot niya.

"Aw, hindi nga sila pumasok, madaya ka!" sabi sa kanya.

Ayun lang ba 'yon? Ayun lang ba kung bakit hindi siya pumasok? Nagsulat ako sa isang kapiraso ng papel. 'Risa. Uwian. Fountain. Maghihintay ako. - Ton' Inipit ko sa notebook niya. Yung tipong makikita niya kaagad. Nang mag-ring ang bell ng 9pm, lumabas na ako ng room. Hihintayin ko si Risa sa fountain. Maghihintay ako kahit gaano katagal. Kailangan ko siyang makausap. Umupo ako sa gilid ng fountain.

"Uy!"

"Risa!" Lumingon ako. Pero hindi si Risa. Si Kaye iyon.

"Aray naman! Ako yung nasa harap pero si Risa ang hanap." ani Kaye.

"Sorry Kaye. Akala ko kasi..."

"Akala mo si Risa? Hinihintay mo siya? Anong meron, magde-date kayo? Naks naman, binata na ang ungas! At dito pa sa fountain! Boy romantiko!" sabay kiliti sa akin.


"Ano ka ba, hindi 'no. May kailangan lang kaming pag-usapan."

"Seryoso naman nito. Bakit parang lutang ka ata nitong mga nakaraang araw? May problema ba?"

"Mahabang kwento." sagot ko.

"Damot! 'Di ka sasabay ng uwi niyan?"

"Hindi muna. Pasensya ka na ah? Nasaan si Robert?"

"Basta! O sige na baka dumating na yung ka-date mo. Ingat kayo. Wag dito. Gumamit ng proteksyon, okay?" Sabay kindat.

Loko talaga 'tong si Kaye. Kung anu-anong pinagsasabi.

"Loko! Ingat Kaye. Salamat."

"Anong sala-salamat, may utang ka saking kwento! K bye bitch!" sabay alis niya.


9:30pm na pero wala pa rin si Risa. Nabasa niya kaya ang sinulat ko? Ayaw niya kaya talaga akong kausapin? Umuwi na kaya siya? Sana pumunta siya. Lord, please, malakas naman po ako sa Inyo. 'di ba? May mga bituin ngayong gabi. Sa wala akong magawa, binilang ko na lamang ang mga iyon. Bawat minutong lumilipas, parang isang oras sa tagal. Parang kada minuto, pakiramdam ko inilalayo ako kay Risa kaysa sa inilalapit ako sa kanya.



"Iho, magsasara na ang unibersidad." sabi sa akin ng gwardiya. Napatingin ako sa relo. Alas-diyes na pala.

"Ay sige ho. Pasensya na." Walang Risa na dumating. Siguro nga umuwi na siya. Sa lungkot ko, gusto kong sapakin yung gwardiya. Pero hindi pwede. Tumayo na ako at nagsimulang maglakad papunta sa dulong gate. Para akong papel na naglalakad, walang kasigla-sigla. Paglabas ko ng gate, may tumatakbo papalapit sa akin.

"Ton!" Sumenyas siya. Sandali lang daw. Hinahabol niya ang kanyang hininga. Hingal na hingal siya.

"Ton," muli niyang sinabi. "Ton, I'm sorry." Si Risa iyon. Dumating siya! At hinihingal. Hinihingal pa rin siya.

"Risa! Anong nangyari sa'yo?"

"Ton, sandali." Nakahawak siya sa dibdib niya.

"O mamaya ka na magsalita. Bakit kasi nagtatatakbo ka?" Inaya ko siyang maupo muna sa mga upuan sa labas ng unibersidad.

Nang kumalma na siya, muli siyang nagsalita. "Sa bahay ko na nabasa yung sinulat mo. Naisip kong siguro nandito ka pa rin at naghihintay kaya naman nagmadali akong bumalik. Hindi ko kayang may naghihintay sa akin. Ang bobo ko nga e. Pwede namang itext nalang kita pero hindi ko na naisip yun sa pagmamadali."

"Ayos lang iyon. Kaya naman kitang hinta--"

"Anong ayos doon?!" Naputol niya ang pagsasalita ko. "Hindi ayos 'yon Ton. Alam ko kung anong pakiramdam. Pakiramdam ng paghihintay. Lalo na kung wala ka namang kasiguraduhan kung dadating. Na para bang isang oras ang bawat minuto." Bumuntong-hininga siya. "Masakit. Masakit iyon. Ton, I'm sorry."

"Risa, hindi mo naman kailangang mag-sorry. Pumunta ka lang, mapapawi na lahat ng iyon."

Tumahimik lang siya.

"Salamat sa pagpunta. Salamat talaga, Risa. Gusto ko lang sanang makausap ka, tungkol sa--"

"Alam ko, Ton. Responsibilidad ko ring magpaliwanag sa 'yo. Noong huli tayong magkita, siguradong nagdulot ako ng gulo, gulo sa isip mo. Pasensya ka na doon. Hindi ko intensyong gawin sa'yo lahat ng 'to."

"Isa lang naman ang gusto ko, Risa. Gusto ko lang na maging honest tayo sa isa't isa." sabi ko.

"Napansin mo bang hindi ako pumasok nitong nakaraang linggo? Isa ka sa mga dahilan. Hindi pa kasi kita kayang harapin muna. Hindi ko pa alam kung anong gagawin ko, kung anong sasabihin ko sa 'yo, kung paano ko ipapaliwanag ang lahat. Itong araw na 'to, handa na akong kausapin ka. Pero hindi ko alam kung paano ka lalapitan. Sa totoo lang, hinihintay kong lapitan mo ako, pero hindi nangyari iyon. Naisip ko na galit ka na siguro sa akin. Siguro ayaw mo na akong makausap. Naisip ko na bukas nalang siguro. Kaya nang mabasa ko ang sinulat mo, nagmadali akong pumunta dito. Dasal ako nang dasal na sana nandito ka pa."

Nakikinig lang ako sa kanya. Hindi ko mawari kung ano ang mga susunod na mamumutawi sa mga labi niya.

"Kaya laking tuwa ko nang maabutan kita. Para akong nabunutan ng buto sa lalamunan. Buto talaga, hindi tinik. Siguro kung nahuli pa ako ng isa pang minuto, marahil ay nakaalis ka na nang tuluyan." Tumigil siya saglit. Ngayon lang siya nagsalita ng ganito kahaba. Para siyang kinakabahan na ewan. "Nung huli tayong magkita..."

Shit. Ito na.

"Nung huli tayong magkita, naluha ako... Naluha ako hindi dahil nalungkot ako o nasaktan o kung ano man. Naluha ako dahil masaya ako. Nag-uumapaw ang saya ko, Ton, ng gabing iyon."

Masaya?

"Hindi ko alam kung paano pero kusa na lamang lumabas ang luha sa mga mata ko. Naiinis nga ako sa sarili ko kasi nakita mo akong umiiyak. Hindi ako weak, okay?!" biro niya. "Ano kasi..."

Tinitignan ko lamang siya. Namiss ko si Risa. Buong atensyon ko ay nasa kanya lang.

"Ton, mahal kita."

"Ha?" Nagulat ako.

"Anong ha?"

"Medyo nabingi kasi ako. Mali yata yung rinig ko, sorry."

"Tama yung narinig mo."

"Aling tama?!"

"Na mahal kita. Ton, mahal kita."

Natigilan ako. Hindi ma-process ng utak ko ang mga naririnig ko. Mahal ako ni Risa?? Totoo ba 'to? Lord, pakisampal ako. Wag niyo naman po akong paasahin ng ganito, Lord,

"Uy?! Magsalita ka naman. Aatakehin ako sa puso sayo dito eh."

"Hindi lang kasi ako makapaniwala, Risa. Sorry."

"Naalala mo noong una tayong maging magkatabi. Tumabi ako sa 'yo, 'di ba? Pagkatapos kang pagalitan ni Goliath."

"Naaalala ko iyon, oo." Alalang alala ko iyon. Hindi pwedeng makalimutan ko iyon.

"Matagal ko nang gustong tumabi sa 'yo ng upuan, Ton. Pero ewan, nahihiya lang talaga ako sa 'yo. Parang sasabog dibdib ko kapag malapit ka sa akin. Saka wala rin namang valid reason para tabihan ka. Kaya nung araw na 'yon, chance na 'yon na tumabi sa iyo at makausap ka kaya naman, ayun. Saka yung facebook status ko dati, naaalala mo? Yung parang nagtatapat ako sa 'yo, si Monica talaga nag-post nun. Pero hindi ko dinelete kasi gusto ko rin talagang mabasa mo. Gusto kong magka-ideya ka kahit papaano. Noong unang beses na inihatid mo naman ako sa bahay, nung aaminin natin ang nararamdaman natin sa isa't isa, natakot akong magtapat sa'yo. Natatakot ako, baka hindi tayo pareho ng nararamdaman kaya naman ganoon ang mga nasabi ko. Sa totoo lang, nalungkot talaga ako nang sabihin mo na yung pagmamahal mo sa akin, katulad ng pagmamahal mo kay Kaye at Robert."

"Pero Risa, 'diba si Robert ang gusto mo?"

"Hindi totoo iyon. Hindi si Robert ang gusto ko, Ton. Naalala mo yung sinabi ko na ang kinatatakutan ko ay awkwardness? Naisip ko kasi na kapag nalaman mong ikaw ang gusto ko ay maging awkward tayo sa isa't isa. Ayoko nun. Mas gugustuhin ko pang maisip mong iba ang gusto ko kaysa maging awkward ka sa akin. I'm sorry, Ton. Sorry kung nagawa kong magsinungaling."

"Sssh..." Bago ko pa matanto ay niyakap ko na si Risa. "Hindi mo kailangang mag-sorry. Naiintindihan kita."

Tahimik na si Risa. Mukha na rin siyang natanggalan ng bagabag. Relax na siya ngayon. Inaya ko na rin siyang ihatid sa kanila dahil sa gabi na rin.



"Goodnight, Ton." nakangiting sinabi ni Risa.

"Goodnight din, Risa." Pagkatapos ng ilang sandali, tumalikod na siya para pumasok sa gate.

"Risa, sandali!" nasabi ko. Tumgil siya at muling tumingin sa akin. Lumapit ako. Iniabot ko ang pabangong ireregalo ko dapat sa kanya noong magkasama kami sa parke.

"Ibibigay ko dapat 'yan noong gabing nagtapat ako sa 'yo. Hindi ko nga lang nagawang ibigay noong araw na iyon."

Mababakas ang tuwa sa mukha niya. "Thank you. Nag-abala ka pa. Salamat talaga."

Hinawakan ko ang dalawa niyang kamay.

Risa, hindi mo alam kung gaano ako kasaya ngayong gabi. Akala ko uuwi ako nang malungkot ngayon, pero hindi pala. Mali pala ang mga iniisip ko dati. Mahal kita, Risa. Ikaw ang nakapagpapasaya sa'kin. 'Wag mo sanang kalimutan."

Ngumiti siya. "Mahal din kita, Ton. At hinding hindi ko kalilimutan."

Humigpit ang hawak ko sa mga kamay niya at inilapat ko ang aking mga labi sa mga ito. "Goodnight."

"Goodnight, Ton."

Pumasok na siya sa loob ng kanilang bahay. Ayaw ko mang mahiwalay sa kanya, e hindi maaari. Umuwi na rin ako sa amin.



Hindi ko masukat ngayon ang saya na nararamdaman ko. Na para bang panaginip lang ang lahat. Hindi ako makatulog dahil sa ayaw kong matapos ang araw na ito.

Ngayon lang siguro ang araw na hindi ako mapapamura.

Maya-maya ay nag-ring ang cellphone ko. Naka-idlip na pala ako. Tumingin ako sa orasan. Alas dos na. Sino naman kaya ang tatawag nang ganitong oras ng gabi?

Kaye calling...

Si Kaye??

"Hello Kaye! Aba't natutulog yung tao e, anong petsa na??"

"Ton, kailangan kitang makausap."

"Ha?! Ngayon na?"

"Oo, hihintayin kita dito sa bahay. Kung ayos lang."

"May problema ba?"

"Basta." Binaba na niya.




(to be continued...)

Hoy Tuod!Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon