Kabanata XIII. Rape

16 1 0
                                    

Anak ng kangkong na Kaye 'to.

Ano na naman kayang trip niya?

Bumangon ako sa kama. Nagpalit ako ng damit. Kinuha ko yung unang damit na nakapa ko sa cabinet. Pumunta ako sa kusina pagkatapos. Hindi kalakihan ang kusina namin, Saktong lababo at lutuan lang. Nakakatakot talaga ang kusinang 'to sa gabi. Tanaw mo pa yung pintuan ng banyo mula dito, lalong nakakatakot. Para bang laging may nakatingin sa'yo. Tumingin ako sa salamin na nakasabit sa dingding kapag nakatayo ka sa kung saan naroon ang lababo. Ang gulo ng buhok ko, parang bagong gising pero di bale na. Nagsipilyo nalang ako nang mabilisan at umalis ng bahay.

Lumiko ako sa unang kanto sa kanan. Ito yung kanto sa lugar namin na walang street lights. Mukha pa itong magubat. Bagaman wala namang nababalitang krimen dito, delikado talaga kay Kaye na maglakad dito nang mag-isa. Kaya mabuti na ring nagpapahatid siya palagi sa tricycle driver kahit na may dagdag bayad. Patuloy ako sa paglalakad. Umihip ang hangin. Malamig... Dahil siguro Nobyembre na, ber month eh. Nakalimutan kong isuot ang jacket ko. Ipinasok ko na lamang ang dalawang kamay ko sa mga bulsa ng shorts ko. Sa paglalakad ko, dalawang tindahan lang ang nakabukas. Lalong dumidilim ang paligid habang papalapit ako kila Kaye. Sa totoo lang, tinatakot ko na ang sarili ko nang dahil sa kung anu-anong nai-imagine ko.

Pagdating ko sa gate nila, nag-doorbell ako pero walang lumabas. Pipindutin ko na sana ulit ang doorbell nang bumukas ang ilaw sa labas. Nakarinig ako ng tunog ng tsinelas na papalapit. Lumangitngit ang gate at bumukas ito.

"Pasok, Ton."

Ton? Totoo ba yung narinig ko? 'Ton' at hindi 'ungas' ang tinawag niya sa akin. Balak ko sanang magreklamo sa pagpunta ko dito ng dis-oras ng gabi pero palalampasin ko nalang.

"Upo ka muna diyan."

Pinaupo niya ako sa isang sofa na katapat ng salamin na isang metro ang haba. Naka-pajama ngayon si Kaye na pink at blue polka dots at oversized T-shirt. Pumunta siya sa kusina nila. Nahinuha ko na nagtitimpla siya ng kape base sa tunog ng banggaan ng kutsara at tasa na naririnig ko.

"Kaye, nasaan na yung mga kapatid mo?" tanong ko.

Tatlo silang magkakapatid. Siya ang panganay. Babae ang sumunod sa kanya na ngayon ay nasa unang taon sa kolehiyo. Karmina ang pangalan. Maganda rin ang kapatid niya. Mas mahaba ang buhok kaysa sa kanya, mga hanggang ribs. Makinis rin ang kutis. Mas malaking babae nga lang iyon kumpara sa kanya. Sa unang tingin nga e aakalain mong hindi sila magkapatid. O kaya naman ay iisipin mong si Karmina ang panganay. Mas masipag din iyon pagdating sa mga gawaing bahay at higit sa lahat, mas mabait! Kung may bagay man na kinasisipagan 'tong si Kaye, yun ay ang pagluluto. Ang alam ko talaga pangarap niya maging chef. Mas praktikal nga lang daw mag-engineering sa panahon ngayon.

Ang bunso naman ay lalaki, si Karlo. Sampung taong gulang palang yata. Gwapo talaga ang bunso nila, tapos ang boses, husky. Matalino ang batang iyon. Minsan nga ay inaasar ko si Kaye na mas mature pa mag-isip ang kapatid niya kaysa sa kanya. Paperdolls ang napaglilibangan nun kung minsan. Baka lumaki siyang sirena, hindi ko alam. Inaanak ko rin pala iyon.

Ang mama niya naman ay nasa abroad, sa Dubai. Matagal na rin siyang nagtatrabaho doon. Unang taon palang yata namin sa kolehiyo ay lumuwas na siya. Kung may pinagmanahan man si Kaye ng pisikal na kaanyuan, ang mama niya na iyon. Ewan ko nga lang kung bakit hindi niya minana yung kabaitan ng mama niya. Pati kabaitan ng papa niya, di niya minana e. Tulog yata siya noong nagsabog ng kabaitan si Lord. O kaya naman gising siya pero di niya lang talaga sinalo.

Patay na ang papa niya. Unang taon din namin sa kolehiyo noon. Nagulat nalang ako nang magtext siya sa akin na patay na ang papa niya. Dead on arrival daw sa Lung Center of the Philippines. Pero nakapagtext pa raw sa kanya bago mamatay. Nagsasabi na hindi na raw niya kaya, na mag-ingat daw sila ng mama at mga kapatid niya, wag daw silang pababayaan. Nagulat talaga ako kasi mukhang healthy ang papa niya e. Saka ni minsan, di ko nabalitaang nagkasakit siya. Siguro, dahil sa paninigarilyo? O kaya naman, baka hindi kinaya yung pagka-miss sa asawa niya. Nalungkot ako noon, nalungkot ako para kay Kaye. Naisip ko kung paano kaya kung sa akin nangyari iyon, hindi ko siguro agad agad na kakayanin. Pero matagal na rin iyon, naka-move on na kami kahit papaano.

"Kaye, nasaan na yung mga kapatid mo?" inulit ko ang tanong ko. Hindi niya yata narinig.

"Malamang tulog na!" isinagot ni Kaye sa tanong ko.

"Anong meron, ha? 'Wag mong sabihing re-rape-in mo 'ko?!" Sinabi ko sabay takip sa dibdib ko.

"Tanga! Chill ka lang dyan!" Iniaabot niya sa akin ang kape.

Itinaas ko na ang mga paa ko sa sofa, aktong takot na takot. "Ano yan, ha? May pampatulog yan 'no?! Please po, wag. 'Wag niyo pong dungisan ang purity ko."

"E kung ibuhos ko kaya 'to sayo nang madungisan ka talaga?" handa na siyang ibuhos sa akin ang kape.

"Sige ka! Sisigaw ako! Rape! Mga kapitbahay! Raaaaaaaaaaaaaaaaape! AAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAHHHHHHHHHHHHHHHHHHH!"

Dali-dali niyang inilapag ang tasa ng kape sa lamesita at tinakpan ng nadampot niyang unan sa sofa ang bibig ko. "Hoy! Ano ka ba? Magigising mga kapatid ko." Pero natatawa siya.

"Sorry na. Ito naman, 'Di mabiro." Umayos na ako ng upo at kinuha ang tinimpla niyang kape. Inamoy ko muna ito. "Bango ah?" Ininom ko ito. Tamang tama lang ang lasa. "Kabisado mo pa timpla ko ah? Ayos ah? Gusto ko yan ah?"

"Malamang, ganyan na rin gusto kong timpla eh. Para kang sakit, nakakahawa." sagot niya.

"Ang sabihin mo, masarap naman talaga."

"Tse, oo na!"

"Alin? Yung kape? O ako?"

Namula siya.

"Hoy Kaye! Tigil-tigilan mo 'ko sa pamumula mo ah. Sige ka, baka isipin kong may gusto ka sakin." Biro ko.

"Bobo! Hindi ako namula, ambisyoso!"

Inubos ko na ang kape. Kumakain lang siya ng brownies.

"Uy Kaye. Bakit nga ba parang biglaan naman 'tong pagpapapunta mo sa'kin? Anong meron? May problema ba?" Inilapag ko na ang tasa sa katabing lamesita. "Salamat nga pala sa kape. Masarap."

"You're welcome." sagot niya.

"Oh ano na? Tunganga na tayo dito?"

"Hindi, ganito kasi, may ginagantsilyo akong sweater. Para sana kay Robert. Surprise sana eh. Kaso hindi ko alam ang sukat niya. E magkaparehas naman kayo ng sukat 'di ba? Ikaw nalang pagbabasehan ko, ayos lang? Sorry pinapunta pa kita dito, Ton, kahit alas tres na ng madaling araw. Sinisipag kasi talaga ako ngayon tapos hindi pa ako makatulog, gusto ko na sanang matapos kaagad." pagpapaliwanag niya.

"Ano pa nga bang magagawa ko, eh nandito na ako?" biro ko. Tinawag niya ulit akong 'Ton.' Kaya niya pala ako tinawag na ganyan, kasi may kailangan. Sabi na nga ba, weird eh.

"Okay. Sige."

"Pwesto ka muna doon." Nakaturo siya sa monoblock sa mismong harapan ng salamin.

"Okay, boss." Pumunta ako doon at umupo. Umalis ulit siya.

"Kunin ko lang yung ginagantsilyo ko, ah?"

Nakatingin lang ako sa salamin. Ang gulo nga talaga ng buhok ko. Pero parang mas bagay sa akin. Bumalik rin agad siya dala ang tinatahi niya. Kulay puti ito, paborito kong kulay. Ipinuwesto niya ito sa likuran ko, aktong sinusukat.

"Ang swerte naman ni Robert, 'no? Sakto lumalamig na pa naman ang panahon." Sabi ko. Pero hindi siya umimik. Siguro dahil busy siya sa pagsusukat?

"Ton." Aniya.

"Oh?"

"Kumusta kayo ni Risa?"

"Mahabang kwento, eh."

"Hindi ka na nagkukwento." Tila nagtatampo siya.

"Mahabang kwento talaga." Tahimik lang si Kaye. Nagtampo na yata talaga. Ikukwento ko nalang. "Naalala mo nung nagkita kami sa parke, nagtapat na ako sa kanya nun."

"Anong sagot niya?"

"Hindi ko agad nakuha ang sagot niya. Kanina lang. Na-paranoid pa nga ako kakaisip."

"Kaya ka pala lutang nitong mga nakaraang araw."

"Oo."

"Ano nang sagot niya?"

"Pareho kami ng nararamdaman. Hindi ako makapaniwala."

"Seryoso? Nasabi niya na? Buti pa siya."

"Anong ibig mong sabihin?"

"Halata naman kasi. Manhid ka lang talaga. Ugok."

"Aray naman?"

"Ano ba namang hindi mamahalin sa'yo?"

"Yan ang gusto ko sa'yo, eh. Bilib ka sa koya mo, eh. Baka koya mo 'yan?!" Pagbibiro ko. Pero parang seryoso si Kaye. "Uy? Joke lang. Pero Kaye, kami na... kanina lang." Hindi pa rin siya nagsasalita. Tinignan ko ang imahe niya sa salamin. Nagkatinginan kami doon. Umikot ako at humarap sa kanya. Tumutulo na ang mga luha niya. Pinagpapalo niya ako sa dibdib. Pinipigilan ko siya dahil masisira ang ginagantsilyo niya at baka mahulog na rin ako sa monoblock.

"Kaye, tama na uy?" Natigilan nalang ako nang halikan niya ako... Hinalikan niya ako sa labi. Hindi ko namalayan. Mabilis ang mga pangyayari.

"Ton..." Humihikbi na siya. "Ton, pansinin mo rin naman ako." Patuloy pa rin ang pagtulo ng mga luha niya, sunod-sunod.

"Hindi... hindi ko maintindihan, Kaye? Ano 'to?" Hindi ko alam kung ano ang gagawin. Naging estatwa ako sa monoblock na 'to.

"'Wag mo namang sabihin yan, oh?" Napaluhod nalang siya sa pagpupunas at takip ng mukha niya.

"I'm sorry..." Lumuhod rin ako at niyakap ko siya. Lalo siyang napahagulgol.

"Umuwi ka nalang muna, please? Pasensya ka na sa nangyari."

"Pero Kaye-"

"Ton... please?"

"I'm sorry." Inilagay ko ang panyo ko sa kamay niya at marahang pinisil ito. Tumayo ako at umalis na. Ayaw niya sigurong nakikita ko siyang ganoon. Ngayon ko lang siya nakitang ganoon. Masakit sa aking makitang nasasaktan siya. Hindi ko matanggap na ako pa ang dahilan. Hindi ko kayang basta nalang umalis nang alam kong nahihirapan siya. Wala akong lakas na maglakad pabalik sa bahay namin sa ganitong sitwasyon. Dito nalang muna ako sa labas ng gate nila. Bahala na. Sumandal ako sa gate. Maraming tanong ang pumapasok ngayon sa isipan ko.

Kailan pa? E si Robert? Ugh. Naguguluhan talaga ako. Paano na? Naiinis na ako sa sarili ko.

Mag aalas-singko na. At alam kong anumang oras ay makakatulog na ako. Sobrang bigat na ng mga mata ko. Napansin kong pinatay na niya ang ilaw sa sala nila. Pero bukas pa ang sa kwarto niya. Ngayon pa lang din siguro siya matutulog.

Kaye, anong pwede kong gawin?

Bago pa man tuluyang lumiwanag ulit ang kalangitan ay nakatulog na ako. Nakatulog ako nang nakaupo at nakasandal sa gate nila. Nagising ako bandang alas-nuwebe sa kakatahol sa akin ng mga aso ni Kaye. May mga tutang puti rin. Napaka-cute ng mga ito. Hindi niya yata nabanggit sa'kin na nanganak na ang aso nila? Nakasilip ito sa metal grills sa ibaba ng gate nila. Kinusot ko ang mga mata ko. Medyo bangag pa ako. Mabilis na lumangitngit ang gate at bumukas ito. Muntik pa akong mapahiga sa sahig.

"Oh Ton? Anong ginagawa mo dito? 'Wag mong sabihing hindi ka umuwi?" Gulat na sinabi ni Kaye. Namumugto ang mga mata niya. Nakabihis na siya ng uniporme namin. May dala rin siyang bag at paper bag. Ang aga niya yatang papasok ngayon? Ang alam ko ay alas-dos pa ang simula ng klase namin.

Tumayo ako at hinarap ko siya. "Kaye, kailangan nating mag-usap."

Iniabot niya sa akin ang paper bag.

"Hindi ba para kay Robert 'to?"

"Ginantsilyo ko talaga 'yan para sa'yo. Sana kahit ito nalang tanggapin mo." Ngumiti siya. Ngiting may halong kalungkutan. Nakapagtatakang natapos niya ito kaagad samantalang kaninang madaling araw niya lamang ako nasukatan. Matagal mag-gantsilyo. Kung ganoon, hindi siya natulog?

"Salamat... Maraming salamat. Nag-abala ka pa talaga."

"Ton." Tumahimik siya ng ilang sandali. Naghihintay lamang ako. "Ayaw muna kitang makausap."

"Pero Kaye-"

"Sinusubukan kong kalimutan 'to." Nakatikom ang kanang kamay niya at ipinukpok sa dibdib niya. "Oo, mahirap na 'di ka mahalin. Mas mahirap pa sa kaya mong isipin. Pero wala kang kasalanan dito. Choice ko lahat ng 'to. Ayoko ring masira kayong dalawa ni Risa. Sorry at salamat." Sabay alis.

Nagawa ko pang hawakan siya sa braso. "Kaye!" Pero hindi siya tumingin sa akin. Humigpit ang hawak ko sa braso niya.

"Masakit, Ton... masakit." Nakita kong pumatak ang luha sa gilid ng pisngi niya. Binitawan ko na siya. Tumakbo siya papalayo.

Sinipa ko ang kalsada. Sinuntok ko ang pader. Pakiramdam ko nawalan ako ng taong napakahalaga sa akin. Shit! Putang ina! Wala akong magawa! Patuloy pa rin akong tinatahulan ng aso nila na lalong nakapang-init ng ulo ko. Hindi ko na matanaw si Kaye. Bumalik na lamang ako sa bahay namin.

"O ba't ngayon ka lang yata umuwi?"

"Sorry, ma. Mamaya na lang po tayo mag-usap." Nagmano ako, dumiretso sa kwarto at nagtalukbong ng kumot. Kumalma na ako kahit papaano. Na-blangko ang isip ko. Matagal rin akong nakatunganga.

"Malambot." Hinawakan ko ang mga labi ko.

"Takte ano ba 'tong pinag-iisip ko??" Wala akong kwenta. Wala akong kwenta. Wala akong kwenta. Paulit-ulit na sinasabi ko.



"Anak, gising na. Diba alas-dos klase niyo? Alas-dose na oh. Maliligo ka pa, kakain ka pa. Babyahe ka pa, aba."

Nakatulog pala ako. Ayoko sanang pumasok pero ang kulit ni mama. Kaya bumangon na ako.



Na-late ako ng 15 minutes. Mabuti at naunahan ko pa rin ang prof namin. Nakita kong nakatingin sa akin si Risa at nakangiti. Ngumiti rin ako. Bakante ang upuan sa tabi niya. Lumapit ako.

"Wala pa bang may-ari nito? Ayos lang dito ako maupo?" pagtatanong ko.

"All yours." sagot niya.

Umupo ako at tumingin tingin sa paligid. Hindi ko makita si Kaye. Dapat nandito na siya. Ang aga niyang umalis kanina.

"Sinong hinahanap mo?" tanong ni Risa.

"Ah, wala."

"Huu, may hinahanap ka, eh."

"Napansin mo ba si Kaye? Nakita mo ba siya ngayong araw?"

"Hindi, halos kararating ko lang din. Bakit?"

"Nasa kanya kasi yung ballpen ko."

Tumawa si Risa. "'Kala ko naman kung ano." Binuksan niya ang zipper ng bag niya at may hinanap. Pagkatapos ng ilang sandali ay iniabot niya sa'kin ang isang ballpen. "Oh, sa'yo na 'to. 'Di ko naman ginagamit."

"Ay, salamat ha?"

Dumating na ang propesor namin. Tumayo na kaming lahat at nagsimulang magdasal. Pagkatapos ay isa-isa niya kaming tinawag para sa attendance. Absent talaga si Kaye. Saan naman kaya siya nagpunta? Nag-aalala na ako.

"Ton, gets mo ba 'tong Reduced Instruction Set Computing?" tanong ni Risa habang nakaturo sa notes niya.

"Ah, bale ganito yan, diba.." Tinuro ko sa kanya. Mabuti nalang at alam ko ang topic na 'to. Tinuro turo ko ang whiteboard habang ipinapaliwanag ko sa kanya.

"Mr. dela Peña, please answer number 2." Sabay sabay na nagsabi ng "ayiee" ang mga kaklase namin. Napansin pala kami ng propesor namin. Pero mabait naman itong si sir Olisa. Tumayo ako at sinagot ang tanong. Mabuti nalang talaga at alam ko ang topic na 'to. Pagkatapos ay bumalik ako sa tabi ni Risa.

"Sorry, Ton. Natawag ka pa tuloy."

"Wala yun, 'no. Lakas mo sa'kin, eh."

Ngumiti siya. Nakinig nalang ulit kami. Nasa harapan kasi kaming dalawa. May kahirapang mag-usap. Nang mag-ring ang bell para sa breaktime, napagdesisyunan kong hanapin na muna si Kaye. Baka napa'no na siya.

"Risa, aalis na muna ako. Baka hindi na ako makapasok sa susunod na subject. Emergency lang talaga."

"'Di ka ba muna kakain?"

"Hindi na muna. Pasensya ka na, ah?"

"Ayos lang. Mag-ingat ka."

Lumapit ako sakanya at bumulong. "Mahal kita." Namula siya, ngumiti at sabay tango ng pagpayag. Lumabas na ako ng klasrum. Bababa na ako ng hagdan.


"Brad." Si robert iyon.

"Uy brad, bakit hindi pumasok si Kaye? Alam mo ba kung nasa'n ang babaeng iyon?"

"Teka, saan ka pupunta?"

"Hanapin ko sana siya."

Tumingin siya sa bintana. Malakas ang simoy ng hangin ngayon. "Nagtapat na siya sa'yo, ano?" Tumingin siya muli sa akin.

Ha? Lalo akong naguluhan. Alam niya?

Mababaliw na ako. Shit naman, shit!




(to be continued...)

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jul 05, 2015 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Hoy Tuod!Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon