Chapter 15

157 11 2
                                    

Maaga akong nagising kinabukasan.
Hindi ko na nagawang ayusin pa ang mga gamit ko sa cabinet kaya naisip kong mamaya na lang pagkauwi ko. Buti nga, half day lang ang klase ngayon.

Iba siguro talaga kapag sa syudad ka nag-aaral dahil sa Peterborough buong araw ang klase do’n.

Napatigil ako sa pag-aayos ng sarili nang mapatingin sa salamin sa harap ko. Naramdaman ko ang pagbigat ng dibdib ko dahil nakikita ko namang nando’n pa rin ang isang mata ko pero madilim na ang paningin kong 'yon.

"G-good morning . . ."

Napalingon ako sa taong bumati sa akin at nakita ang maliit na babae na nakasuot ng uniporme. Napatingin naman ako sa suot ko—civillian. Hindi pa kasi ako nakakabili ng uniporme ko kaya nga ipinagpapasalamat ko na hindi buong maghapon ang klase. May oras pa para makabili ng mga kakailanganin ko.

"Good morning din," bati ko pabalik.
"I-ikaw pala yung bagong roommate ko. K-kailan ka pa dumating?"

Gusto ko mang punahin ay nagtataka lang ako. Bakit kapag nagsasalita siya, para siya laging nagkakamali?

"Kahapon lang. Nakatulog kasi ako. Papasok ka na?"

Tumango naman siya. "I-ikaw rin ba? S-saan yung eskuwelahan mo?"
"Sa South Ville," tukoy ko sa eskuwelahan na nasa tapat lang ng dorm namin. "Ikaw rin, di ba? Nasabi ng landlady natin kahapon.

"O-oo."

Napangiti na lang ako. Hindi ko alam kung kailan ko naranasang ngumiti talaga ng totoo matapos lahat ng nangyari sa amin ng pamilya ko at sa mga naranasan ko dati sa Peterborough.
Ito kasi ang unang beses na may kumausap talaga sa akin ng ganito. Yung tipong kaya akong harapin na walang takot.

"Gusto mo bang sabay na tayo? Maaga pa naman siguro, 'no? Mag-aayos lang ako."

Mabilis siyang umiling na ikinataka ko.
"H-hindi na. H-hindi mo gugustuhing makitang kasama ako."

Kumunot ang noo ko. "Bakit naman? Hindi naman—"

"M-mas mabuti nang hindi mo ako kasama. M-mas ligtas ka."

Hindi na ako nakaangal nang kuhanin niya ang bag niya at mabilis na tinalikuran ako para lumabas.

Medyo bumaba ang confidence ko na magkakaroon ako ng chance na makahanap ng mga kaibigan dito.

Bumuntonghininga na lamang ako at pinagpatuloy na punasan ang basang buhok ko. Kinuha ko rin ang eye patch na binili ko.

Nandoon pa rin yung lungkot at hirap tanggapin dahil kinailangan pang mabulag ng isa kong mata para lang malayo sa magulong mundo na iniwan ko sa Peterborough.

Pero ano pa bang magagawa ko?

Nangyari na.

Siguro nga kahit alam kong tanggap na ako ng pamilya ko. Hindi ko pa rin maiwasang hindi isipin kung may lugar ba talaga ang mga gaya ko rito lalo na noong sinabi ni Airi sa akin na hindi ako nababagay sa mundong 'to.

Huminga lang ako nang malalim habang pinagmamasdan ang sarili sa harap ng salamin. Agad kong isinuot sa kaliwang mata ko ang eye patch at lumayo na doon.

Ayoko muna isipin lahat ng iyon.

***

Kung may mga gusto man akong gawin habang nandito sa syudad, iyon ay ang makadiskubre ng mga bagay na hindi ko nadiskubre noon.

Anong klaseng mundo ang dapat kong i-expect ngayon?

Makakaya ko kayang tagalan ang mundong 'to ngayon?

"Attention, everyone. You have a new classmate."

Natigilan ang lahat nang makita ang pagpasok ko sa loob ng classroom. At muli ay hindi ko maiwasang mapaisip kung ano ang iniisip nila ngayon sa akin?

Tumingin sa akin ang bagong adviser ko. "Introduce Yourself in the class, Ms. Morrigan."

Iba’t ibang klaseng tingin ang ibinibigay nila. Mayroong mukhang natutuwa, may kuryoso, at may mukhang walang pakialam dahil may sarili silang mundo.

Tumango ako at pinilit na ngumiti sa kanilang lahat. "Hello, my name is Keres Esmeray Morrigan."

Nagsipalakpakan ang mga kaklase kong talagang nakinig sa pagpapakilala ko kung talagang pagpapakilala ang ginawa ko.

Napalunok ako dahil wala akong ibang maalala kundi ang klase ng palakpakan na puno nang pagkatuwang pagtulungan ako sa Peterborough noon.

Agad kong sinuway ang sarili. Wala ka na sa Peterborough, Keres. Kumalma ka.

"You can sit at the back, Keres," wika ng adviser ko.

Tumango naman ako at sinunod ang sinabi niya. Napatingin pa ako sa mga upuan kung saan puwedeng maupo nang makita ko ang karoommate ko na walang ibang katabi.

Agad akong lumapit sa kaniya at doon naupo sa tabi niya.

Napansin ko naman kaagad ang kakaibang titig sa amin ng mga kaklase ko.

"Hello . . . kaklase pala kita?" panimula ko nang makaupo.

Pero hindi niya ako pinansin.

May problema kaya?

Napakagat ako ng pang ibabang labi at inayos na lang ang bag ko sa upuan.
Nagsimula na ang klase namin.

Your Eyes TellTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon