Chapter 23

113 7 1
                                    

Nandito ako ulit sa cafeteria. Tulad noong nakaraan ay pinili ni Christelle na hindi sumama sa akin kaya sa dulong upuan malapit sa pinto ng cafeteria ulit ako pumwesto—kung saan kitang-kita ko ang lahat.

"Girls, tara rito."

Napatigil ako sa paghahalo ng spaghetti na in-order ko nang marinig ang boses ni Summer.

Hindi ako nagpatalo sa kabang nararamdaman ko ngayong alam ko na kung paano siya kakalabitin upang bumigay.

Tumunog ang upuan sa katapat ko at napalunok nang makitang umupo doon si Summer. Nasa magkabilang gilid niya ang dalawang alipores niya.

"Hi, transferee," bati ni Summer.

Kahit ayaw ko pa sanang magkaroon ng gulo ay kailangan kong harapin ang isa sa mga kinatatakutan ko—ang harapin ang mga gaya niya nang hindi kumukurap.

"Anong kailangan mo?"

Humilig si Summer sa lamesa at napatingin sa pagkaing nasa tray ko.

"I see that you're having a feast over a spaghetti," aniya.

Nagsimula nang maglakad sa magkabilang gilid ko ang dalawang alipores niya kaya nakaramdam na ako ng kaba.

I've been through this since middle school . . . I know that I'll get through this.

"Gusto mo bang turuan ka namin ng tamang pagkain niyan?" tanong ng babaeng may hawak ng tray kahapon.

"Alex, kita mo na ngang marunong siya, di ba? Wala ka bang manners?" ani isang babaeng nasa kaliwang bahagi ko.

"Girls, girls. Hindi kasi ganiyan. Nakalimutan mo na ba yung tamang way, Eilou?"

Humigpit ang hawak ko sa tinidor lalo na nang tumayo si Summer at hinawakan ang tray sa harapan ko at walang pasabing binuhos sa uniporme kong binili kahapon ang spaghetti.

Napaatras ako nang tayo at napuno nang halakhakan ang buong cafeteria dahil sa kanilang tatlo.

"Oh, saan ka pupunta? Hindi pa tapos. Dapat iinom ka pa ng tubig pag nabusog ka, di ba?"

Hindi ako nakapalag nang hawakan ako ng dalawang alipores niya sa dalawang braso.

Biglang pumasok ang imahe nina Aya at Irene sa isipan ko nang ginawa rin nila sa akin ito noon.

Splash!

Hindi maubo-ubo ako nang isaboy ng Alex na tinatawag nila ang tubig sa mukha ko.

"'Yan! Tama 'yan! Ngayon, alam mo na kung sinong kinakalaban mo?" tanong sa akin ni Summer.

Wala na akong luha na mailuluha pa. Kaya walang emosyon akong tumingin sa nakangising nakahalukipkip na si Summer.

"Ganiyan ka ba talaga?" mabigat ang boses na tanong ko.

Unti-unting nawala ang ngiti sa labi niya. Natigilan din ang dalawang alipores niya sa pagtawa at nabitiwan ang braso ko.

Tumaas ang kilay niya. "Ano?"

Matagal ko nang gustong itanong ito kay Airi noon. Pero sa takot na baka hindi lang sampal at sipa ang matanggap ko mula sa kaniya ay hindi ko na sinubukan pa.

Siguro nga lahat ng salita pati na rin ang galaw na gusto nating sabihin sa isang tao na hindi natin nagawa noon ay may tamang taong paglalagyan ngayon.

"Duwag? Duwag ka. Hanggang kailan mo balak ipagpatuloy ang ganiyang pag uugali?"

Nakita kong umusok ang ilong niya at napapikit na lang ako nang mag angat siya ng kamay.

Your Eyes TellTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon