INAANTOK si Riza habang nasa nurse's station. Kung hindi pa sa malakas na pakikipag-usap ng bantay ng pasyente na nakikigamit ng telepono ay baka nakatulog na siya.
Mag-aala-una ng madaling-araw at natural na antukin ang sinumang tao sa mga oras na iyon. Mas lalo na siya. Pangalawang shift na niya iyon sa government hospital na pinapasukan niya sa Parañaque.
Dapat ay kanina pang alas-diyes ng gabi siya nakauwi. Ngunit tumawag ang karelyebo niya at nagsabing hindi makakapasok. Hindi na iyon bago sa kanya.
Alam niyang nag-a-apply ito ng trabaho sa abroad. At priority nito na magpunta sa agency kaysa mag-duty.
Ganoon din sana ang gusto niya. Kaso ay wala siyang pambayad sa placement fee. Ang kakarampot na suweldo niya ay pilit niyang pinagkakasya sa sarili.
Ulilang-lubos na siya noong kinse anyos pa lamang siya. Kinalinga siya ng kapitbahay na si Nanay Lucy, best friend ng nasira niyang ina. Ito ang nagpayo sa kanya na tumanggap siya ng boarders para magkaroon siya ng pantustos sa pag-aaral.
Nagtapos siyang valedictorian noong high school at iyon ang naging passes niya para makapasok na scholar sa pamantasan.
Pinili niya ang kursong Nursing dahil alam niyang in demand iyon sa abroad. Ngunit hanggang ngayon na dalawang taon na siya sa ospital na iyon ay wala pa siyang nagagawa para sa kanyang pangarap.
"Hello?" inaantok na sagot niya nang mag-ring ang telepono. Sinadya niyang huwag banggitin ang pangalan ng ospital. Kadalasan, kapag ganoong dis-oras ay puro mga prank callers ang nakakaengkuwentro niya.
"Kanina pa ako naghihintay sa iyo, iyon pala nandiyan ka pa. Hindi ka man lang tumawag para 'di kami nag-aalala."
Bigla ay parang gusto niyang ibabang muli ang telepono. Nahiling niyang sana ay nakipagtelebabad pa ang naunang gumamit ng telepono.
Humugot muna siya ng malalim na paghinga. "May gumagamit nitong phone kaya hindi ako nakatawag."
"Pati si Nanay, tinatanong ka." Tila walang narinig ang nasa kabilang linya. "At saka may date tayo bukas. Dapat ay hindi ka pumayag na mag-extend ng shift. Hindi na naman tayo matutuloy niyan. Ikakatwiran mo na puyat ka."
Natural.
Hanggang mamayang alas-sais pa ng umaga ang duty niya. Pagdating sa bahay ay matutulog siya ng ilang oras at magdu-duty na naman pagdating ng alas-dos.
"Bill, may emergency," kunwa'y wika niya para maputol na ang pag-uusap nila. Wala siya sa mood na pakinggan ang mga reklamo nito, lalo at inaantok siya.
Pumalatak ito. "Mamayang two huwag ka nang pumasok. Last day na n'ong gusto kong panooring pelikula."
"Bill, kinakawayan na ako ng doktor. 'Bye!" At ibinaba na niya ang telepono bago pa man ito makakibo.
Boyfriend niya si Bill. Anak ito ni Nanay Lucy. At ilang taon din siyang niligawan nito. Kung hindi marahil sa makulit na pagbuyo ng matandang babae ay hindi niya ito sasagutin.
Ngunit naisip na lang niyang wala siyang magiging problema sa magiging biyenan kung ito ang pipiliin niya. Mabait din naman si Bill. Demanding nga lang.
Isa pa, sa pamilya nito ay hindi na rin siya iba. Ito na lang din ang itinuturing niyang pamilya. Kaya kahit na hindi niya maramdaman ang tindi ng pag-ibig sa lalaki ay sinagot na niya.
At least, secured ang pakiramdam niyang hindi siya nito ipagpapalit sa iba. Mismong ina nito ang makakalaban ng lalaki kapag niloko siya.
Sunud-sunod na ang naging paghikab niya. Gusto na niyang yumukayok sa counter. Ipinilig-pilig niya ang ulo at nagpasyang umidlip.
BINABASA MO ANG
Sometimes You Just Know - Volume 3
RomanceWalang salitang pumasok si Riza sa kuwarto. Halos balyahin pa nga niya ang pagkakabara ni Roi sa pinto. Isa lang ang concern niya: ang daluhan ang batang alaga niya. Matapos palitan ng diaper ay sinubuan na rin niya ng dede ang sanggol. Ipinaghele p...