DALAWANG linggo na si Riza sa New Manila. Dalawang linggo na ring tahimik ang buhay niya. Ang sabi ng boarder niya ay walang tigil si Bill sa pangungulit kung nasaan siya. Their lips were sealed na siya namang inaasahan niya.
Para sa kanya ay tapos na ang kanilang relasyon. Na kay Bill na lang iyon kung gusto pa nitong umasa. Ngunit pinal na ang salitang binitiwan niya nang huli silang magkausap. Ayaw na niya.
Sa buong panahong nasa bago siyang trabaho ay hindi siya nag-aalala kay Bill.
Bahala siya sa buhay niya! Basta nag-e-enjoy siya sa pag-aalaga sa cute na si Angel.
Lubos ang tiwala sa kanya ni Roselle at ang apo naman nito kina Juniel at Bernadette ang madalas nitong dalawin. Kagaya ngayon. Silang dalawa lamang ni Angel ang nasa mansion maliban sa mga katulong.
Ang mag-asawang Frederick at Roselle ay nasa Alabang at kinalolokohan naman ang bagong apo. Isinasama sana sila ni Angel, kaso ay tulog pa ang alaga niya kanina. Hindi naman niya gustong gisingin ito dahil magta-tantrums ito sa buong maghapon kapag nasira ang tulog.
Sanay na sa kanya si Angel. Bagama't nag-e-enjoy siyang kasama ito ay naaawa rin siya rito. Hindi pa ito dinalaw ng mga magulang.
Ngayon ay alam na niya kung sino ang mga magulang nito. Nakita niya ang wedding picture sa loob ng study room.
Roi and Carmela seemed perfect for each other. Guwapo at maganda. Iyon nga lang, hindi na naitago ng wedding gown ang umbok ng tiyan ng babae.
Pilya siyang napangiti. Mabilis pala sa babae ang kanyang crush.
Sa litrato pa lang din niya nakita sina Juniel at Bernadette. Both had smiling faces, parang walang problemang maaaring magtagumpay sa pagsasama ng dalawa.
Nakilala na rin niya si Rei. Ngunit dahil subsob ito sa pag-aaral ay minsan lang yata niyang nakausap ito nang matagal.
Maliban kay Mrs. Ortega, wala na siyang ibang taong matagal na nakakausap sa mansion. Ang mga katulong ay umiiwas na magkuwento ng kahit na anong bagay tungkol sa pamilya. Bale-wala naman sa kanya iyon dahil mas nakatuon ang atensiyon niya sa pag-aalaga kay Angel.
Wala naman siyang reklamo. Para lang siyang nakikipaglaro sa bata. At hindi pa ito iyakin. Naisip niya, kung siya siguro ang ina ni Angel ay baka gustuhin pa niyang sa bahay na lang kaysa magtrabaho. After all, maalwan ang status sa buhay ng mga Ortega.
Mas masarap pa nga ang buhay niya ngayon. Dati ay tinitipid niya ang sarili sa pagkain ng espesyal na putahe pero ngayon ay pangkaraniwan na iyon. In between meals ay may meryenda. Kung gugustuhin niyang mag-midnight snack ay puwede rin.
Air-conditioned ang silid niya at may sarili pang banyo. May connecting door iyon sa kuwarto ni Angel. At hindi naman niya isinasara sa gabi para agad siyang magising kapag umingit ang bata.
So far ay hindi pa nagligalig ang bata. Palaging mahimbing ang tulog nito.
Binigyan siya ni Mrs. Ortega ng apat na araw na off sa loob ng isang buwan. Nasa kanya kung anong araw iyon basta ipaalam lang niya nang mas maaga para hindi makasabay sa anumang lakad nito.
Pero sa ginhawa ng buhay niya ngayon, kahit wala na siyang off ay walang problema sa kanya. Malayo sa kanya ang boredom. Kung gusto niyang aliwin ang sarili ay malaya siyang gumamit ng video room at manood ng gusto niyang pelikula.
Kompleto rin sa subscription ng leisure magazine si Mrs. Ortega. Ang lahat ng makikita niya sa mall ay nasa glossy ads na ng magazine. Hindi na niya kailangang sagupain ang traffic sa paglabas.
BINABASA MO ANG
Sometimes You Just Know - Volume 3
RomanceWalang salitang pumasok si Riza sa kuwarto. Halos balyahin pa nga niya ang pagkakabara ni Roi sa pinto. Isa lang ang concern niya: ang daluhan ang batang alaga niya. Matapos palitan ng diaper ay sinubuan na rin niya ng dede ang sanggol. Ipinaghele p...