Book 4 (Riza & Roi) - Chapter 9

925 56 4
                                    


"KUMAIN na tayo," ani Dely. "Karaniwan nang gabi kung umuwi si Kuya. At madalas na hindi na iyon naghahapunan."

Kumain na nga sila. Matatapos na sila nang dumating si Roi. Parang gusto pa niyang ma-guilty dahil inabutan sila nitong kumakain. Obvious na hindi nila ito hinintay.

Siya na ang tumayo at nagdagdag ng plato sa mesa.

"I won't eat," anito nang makita ang ginawa niya. "Si Angel?"

"Nasa kuwarto... maagang nakatulog," aniya. Hindi niya malaman kung paano itutuloy ang pagkain samantalang si Dely ay patuloy sa pagsubo. Ni alok ay hindi nito ginawa sa amo.

Parang bale-wala naman iyon kay Roi. Diretso na nitong tinungo ang kuwarto.

"Sabi ko sa iyo, eh," sabi Dely nang sila na lang uli.



KAHIT na nahihiya siya sa pagbili ni Roi ng bagong kama, pabor naman sa kanya iyon.

Komportable na siyang nahiga at agad na nakatulog. Likas nga lang na mababaw ang tulog niya. Nang makarinig ng iyak ni Angel ay agad siyang naalimpungatan.

Nakiramdam siya habang nakahiga. Kagaya kagabi ay hindi agad ito tumahan. Hinagilap na niya ang tsinelas at tumungo sa kabila.

Eksakto sa pagbukas ang dalawang pinto.

Matapos ang saglit na pagpapalitan ng tingin ay walang kibong kinuha niya sa bisig ni Roi si Angel. Isinayaw-sayaw niya ito para patulugin uli. Ngunit sadya marahil na nagliligalig ang bata. Parang tuksong ayaw nitong tumahan.

Naupo sa isang silya si Roi habang nakamasid sa kanila.

Matagal bago niya napatahan ang alaga. Nang tumahan ito, groge na sa antok si Roi.

Nasulyapan niya ito. Halatang antok na antok na ito ngunit hindi naman makahiga.

He was wearing shorts and white sando. Wala sa loob na napatitig siya rito. Maagang na-develop ang muscles sa katawan nito at ngayon ay kabigha-bighaning tingnan.

Kay Dely niya nalaman na hindi sila naglalayo ng edad ng lalaki. Maaga lamang itong nakapag-asawa. Sad to say, maaga ring naulila ng napangasawa.

Sinulyapan niya ito. At parang gusto niyang maawa. Sa halip na relaxed ang mukha nito sa pagkakapikit ay malalim pa ang gatla roon. Halatang-halata iyon, lalo at tila matiim ang pagkakalapat ng mga labi nito.

Tiniyak niyang maayos na uli si Angel bago siya nagpasyang bumalik sa sarili niyang silid.

Wala na sana siyang balak na magpaalam. Roi was almost sleeping at hindi na niya gustong gambalain pa ito. Pero naisip niyang dapat ay lumipat na rin ito sa kama para komportableng makahiga.

"Roi..." She fought the urge to touch him. Gayon man ay nagulat siya sa sariling madulas sa dila niya ang pagbigkas sa pangalan nito.

Siguro ay dahil utos din naman nito iyon, katwiran niya sa sarili.

Hindi ito tuminag. Nahimbing na nga sa ganoong posisyon.

"Roi," aniya sa mas malakas na tinig.

Ungol ang isinagot nito sa kanya.

"Roi!" ulit niya. Noon pa lang ito tila nagulat. "Tulog na uli si Angel. Bumalik ka na sa kama mo. Lalabas na ako."

Alam niyang gising na ito. Hindi na niya hinintay na kumibo at tumalikod na siya.

Sometimes You Just Know - Volume 3Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon