Book 4 (Riza & Roi) - Chapter 7

861 52 2
                                    

NAGISING si Angel bago sila maghapunan. Ang nangyari ay nagsalitan sila ni Roi sa pagkarga sa bata para maayos na makakain ang isa.

Alam ni Riza na kapag ganoong alanganin ang naging gising ng bata ay mahirap na uli itong patulugin.

Alas-diyes na ay pinapatulog pa niya ulit si Angel. Naroon sila sa kabilang kuwarto at nakikipag-kuwentuhan siya kay Dely. Wala naman siyang ibang pupuntahan.

Si Roi ay nagkulong na sa kuwarto matapos ang hapunan. Ipinabahala na nito kay Dely ang pag-aasikaso sa kung anumang pangangailangan niya.

Mabait din naman ang katulong. Habang nagkukuwento ay ito na mismo ang nag-ayos ng higaan niya. Pang-isahan lang talaga ang kama. Hindi sila pupuwedeng magtabi roon.

"Kung gusto mo ay ako na lang sa kutson. Diyan ka na sa kama," alok pa nito.

"Naku, hindi! Salamat pero okay lang naman sa akin sa mattress."

"Tatlo lang ang unan," anito habang nagpapalit ng mga punda. "Dalawa na ang sa iyo. Sabi naman ni Kuya ay ibibili ka ng kama bukas. Tiyak, pati unan, bibili na iyon kaya huwag ka nang mahiyang makigamit ng unan ko."

Napangiti siya. "Salamat uli. Bakit ang bait mo?"

Ngumiti rin ito. "Kasi mukha ka namang mabait. Isa pa, sabik akong magkaroon ng kasama. Kung hindi nga lang maayos ang pasuweldo ni Kuya baka hindi na ako nakatagal dito. Baka namatay na ako sa lungkot."

Tuluy-tuloy na ang kuwento nito. At dito lang din niya nalaman ang tungkol sa pagkamatay ni Carmela.

She was shocked. Hindi niya akalain na mismong araw na iyon mangyayari ang trahedya sa babae. Ang natatandaan niya ay hanggang sa umuwi siya matapos ang duty niya ay nasa ospital pa rin sina Roi at naghi-hintay sa asawa nito.

Parang gusto niyang makonsiyensiya. Siya ang tumawag kay Carmela. Nagkaroon siya ng pagkakataong makausap ito na bagaman sandali lang dahil sinabi lang niya ang nangyari kay Roi ay nabakas niya ang pag-aalala sa tinig ng babae.

Ngayon ay nahahati ang isip niya kung dahil ba sa kanya kaya nangyari iyon kay Carmela.

Ngayon ay hindi na siya magtataka kung tuwing sa mahuhuli niyang nakatingin sa kanya si Roi ay tila naroroon sa mga mata nito ang panunumbat. Siguro nga ay may kasalanan din siya.

Pero agad niyang naisip, kasalanan ba niya kung siya ang nautusan? Sumunod lang naman siya sa ipinag-uutos.

"'Buti nga, nandito na ulit si Angel." Narinig niyang nabago ang paksa ng kuwento ni Dely. Nakahiga na ito sa kama habang tuloy pa rin sa pagsasalita. "Noong ako pa ang nag-aalaga sa kanya, kahit na nahihirapan ako dahil hindi ako masyadong sanay mag-alaga ng bata, hindi ako nagrereklamo."

"Masaya rin naman 'pag may baby. Noon ngang kinuha siya ni Mrs. Ortega, parang gusto kong sabihan si Kuya na huwag pumayag. Wala naman akong nasabi, kasi katulong lang naman ako rito. Ay, tulog na si Angel!" anito na tinutop ang bibig.

"Ililipat ko na sa kabila," sabi niya at saka pumihit.

Nakapinid ang pinto. Nag-alangan tuloy siya sa pagkatok, lalo at naalala ang dahilan ng pagkamatay ni Carmela.

Tinitigan niya si Angel. Hindi naman puwedeng itabi niya ito sa pagtulog. Isa pa ay hinihintay din ni Roi na dalhin niya sa kuwarto nito ang bata kapag nakatulog na.

Dalawang mahinang katok ang ginawa niya. Matagal din bago niya naramdamang may kumilos sa loob. At halatang galing sa pagmumukmok ang itsura ni Roi.

"Tulog na," aniya at tiningnan ang karga.

Niluwangan nito ang pagkakabukas ng pinto at walang kibong tumalikod.

Sometimes You Just Know - Volume 3Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon