MAG-ISA na lamang si Marra sa silid kinabukasang magising siya.Matamlay siyang bumangon. Nang matapos siyang maligo ay namili siya ng maisusuot. Muling sinakmal ng kirot ang dibdib niya nang kumuha siya ng sanitary pads.
Wala nang rason para manatili pa siya sa piling ng asawa.
Nagpasya siyang pumanaog na. Hindi niya alam kung pakiramdam lamang niya ang nagdidikta sa kanya ngunit mapanglaw ang buong bahay nang ikutin niya ito ng tingin.
"Si Tody ho?" tanong niya sa katulong nang bumungad siya sa kusina.
"Aba'y maagang umalis. May aayusin daw," tugon nito. "Maupo ka na at maghahain ako ng almusal mo."
"Kape na lang ho. Wala pa akong gana," kulang sa siglang sabi niya.
Matatapos na niyang inumin ang kape nang mamalayan niya ang pagdating ng sasakyan. Malakas ang kutob niyang si Tody iyon. Iniwan na niya ang mesa para salubungin ito.
"Tody..." Natigilan siya dahil hindi na niya alam kung ano pa ang susunod na sasabihin. Tila siya namatanda at nakatingin na lamang sa paglapit nito sa kanya.
Blanko ang ekspresyon nito habang titig na titig sa mukha niya. Huminto ito sa mismong tapat niya. Tumaas ang kamay nito at anyong hahaplusin ang mukha niya subalit tila nagbago ang isip. Bumaba ang kamay nito.
"Let's talk," mahinang sabi nito.
Wala sa loob na tumango siya. Nasundan na lamang niya ito nang tingin. Nauna na itong humakbang. Patungo ito sa study room.
Nasa tapat na ito ng study room nang ipasya niyang sumunod dito.
"DESIDIDO ka bang umalis?" pormal na tanong ni Tody sa kanya. Nasa likod ito ng mesa. Isang susi ang isinuksok nito sa drawer at binuksan iyon.
"N-nasabi ko na kagabi," tila may bikig sa lalamunang sagot niya.
Marahas itong bumuntunghininga. Yumuko ito at may kinuha sa drawer. Nakita niya ang kanyang passport.
Awtomatikong lumapit siya rito para kunin ang passport. Subalit mabilis nitong iniiwas ang kamay.
"Hindi pa tayo nag-uusap," anito.
Napabuntunghininga siya. "Tody, meron pa ba tayong pag-uusapan?"
"There is!" mariing sabi nito. "Marra, listen. Tapusin na natin ang mga kalokohan natin. It's been three years na sinayang natin. You'll stay with me and I'll stay with you."
"How? Hindi ba't iniiwan mo ako rito? Hindi ko alam kung sino ang kasama mo sa Maynila. You treated me like a prisoner here. Babalikan lang para tingnan kung ano ang kalagayan ko..."
"Alam mo ba kung bakit ko ginawa iyon... ang pansamantalang iwan ka rito? We need distance for the meantime. Iyong pareho tayong makakapag-isip-isip."
Natahimik siya.
"Kung buntis ka man o hindi ay hindi na kita papayagang umalis uli. Dito ka lang sa piling ko."
"At si Jamie..." Bakas ang sarkasmo sa mga mata niya.
Kumunot ang noo nito. "What about her?"
"Hindi ba't kayo..." Hindi niya nagawang ituloy ang sasabihin. Lalabas kasing pinagseselosan niya ang babae.
Amused na ngumiti ito. "She's just a friend."
"I don't believe you."
Naging pormal ang anyo nito. "Tell me, bakit ka umiinom ng pills noon?" May pagdaramdam sa tono nito. "Hindi mo gustong magkaanak."
BINABASA MO ANG
Sometimes You Just Know - Volume 3
RomanceWalang salitang pumasok si Riza sa kuwarto. Halos balyahin pa nga niya ang pagkakabara ni Roi sa pinto. Isa lang ang concern niya: ang daluhan ang batang alaga niya. Matapos palitan ng diaper ay sinubuan na rin niya ng dede ang sanggol. Ipinaghele p...