Book 4 (Riza & Roi) - Chapter 6

866 50 3
                                    

MADILIM ang mukhang hinarap ni Roi ang ina. "Iuuwi ko si Angel, Mama."

Tumiim ang anyo nito, hindi nagustuhan ang narinig. "Follow me, Roi. Mag-usap muna tayo." Hindi na ito naghintay ng tugon at kagyat nang tumalikod.

Walang kibong sumunod siya. He was thankful at hindi sila nagsagutan ng ina sa harap ng yaya ng anak. Alam niyang mauuwi sa sagutan ang argumento base sa ekspresyon nito.

Sa master's bedroom ito pumasok. Sadya nitong iniwang nakabukas ang pinto.

"Roi, you can't bring your son home." Pormal ang tinig nito, nasa tono na hindi mababali ang sinabi.

Ngunit parang wala siyang narinig. "Of course, I can. Anak ko si Angel. Nasa akin ang karapatan."

"Do you think inaalisan kita ng karapatan? Hindi, Roi. Ang inaalala ko lang ay si Angel. Sa ngayon ay hindi ko siya mapapayagang iuwi mo."

"Iuuwi ko si Angel, Mama. Kahit na anong mangyari," mariin niyang wika.

Malungkot na ngumiti ang kanyang ina. "See? Nag-aapura kang iuwi ang anak mo for no reason at all—"

"I don't need any reason!" padabog na putol niya. "He's my son and I want to bring him home!"

"Kung naipakita mo lang sa akin na kaya mong alagaan ang anak mo, why not? Roi, hindi ko ipagkakait sa iyo ang anak mo. Ang kaso ay ni wala kang panahon para sa sarili mo. Inuubos mo ang oras mo sa pagmumukmok. Paano maalagaan nang husto ang apo ko?"

Tumaas ang sulok ng kanyang mga labi. "Ipinamumukha mo ba sa akin na naalagaan dito nang husto si Angel?" paasik na tanong niya.

Naglapat ang mga labi ng ina. Sa ilang sandali ay dumaan ang katahimikan sa pagitan nila. "I'm still your mother, Roi. Huwag mong kakalimutan iyan."

"Mama," aniyang nagbaba ng tono. "Please, payagan mo akong iuwi si Angel. I'm missing him so much."

Pinagmasdan nito ang kanyang anyo. Alam nitong nagsasabi siya ng totoo. Ngunit tila mas matimbang pa rin ang pag-aalala nito sa apo.

He might be missing his son ngunit hindi kasingkahulugan iyon na kaya na niyang gampanan ang pagiging ama niya sa anak.

He was still grieving for Carmela at wala pa siya sa puntong kaya nang arugain nang husto ang anak. Marahil ay nakikita ng ina na ipapasa lamang niya sa katulong ang pag-aalaga sa anak.

Gayunpaman, hindi naman maaaring ipagkait ng kanyang mama ang apo sa tunay nitong ama. Napabuntung-hininga ito.

"All right, Roi. But on one condition."

"What?" Hindi pa man naririnig ay bumakas na ang pagtutol sa mukha niya.

"Roi, gusto ko lang matiyak ang kalagayan ni Angel kapag iniuwi mo."

Marahas siyang napabunot ng hininga. "My God, Mama! Wala kayong tiwala sa akin samantalang ako ang mismong ama?"

"It's not that—"

"Come on," naniningkit ang mga matang sansala niya. Unti-unti ay humuhulagpos na naman ang kanyang pagtitimpi. "I think I was cheated! Hindi ko inaasahang sa yaya rin ang bagsak ng anak ko rito!"

May sundot ng panunumbat sa tono niyang iyon. Ngunit mas pinili ng kanyang inang magpakahinahon. "Hindi ko basta iniaasa na lang sa yaya ang anak mo. At hindi rin basta-bastang yaya ang kinuha ko. She is a nurse by profession. At nagagampanan niyang mabuti ang pag-aalaga sa anak mo."

"Mama, ang alam ko ay kayo ang mag-aalaga kay Angel kaya pilit ninyong kinuha sa akin. Kung yaya rin lang ang mag-aalaga ay kaya ko ring kumuha ng yaya. At isa pa, kilala ba ninyo ang babaeng iyon?"

Sometimes You Just Know - Volume 3Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon