Labag man sa loob kong aminin subalit hindi ko magawang ilihim sa sarili na nakuha talaga ng sakristan na 'yon ang atensyon ko. Siya rin ang dahilan kung bakit tuloy hindi ko nagawang pakinggan ang buong homily ng pari kanina.
Bakit ba kasi siya pa yung nasa harapan? Nakita ko tuloy at hindi ko na magawang alisan ng tingin.
Tapos... mukha pang mabango at malinis sa katawan. Nangangamoy mahirap mapasa'kin.
"Tulala ka d'yan, beh? Uuwi na tayo," ani Ate Aubrey na bahagyang hinampas ang balikat ko na nagpabalik sa aking wisyo.
Narinig kong humalakhak si Pamela. "Sabi ko naman sa inyo, hindi kayang tanggapin ng katawan niya ang kabanalan kaya ayan, nanigas."
Umirap lamang ako at imbes na sagutin siya ay inilibot ang tingin sa loob ng simbahan. Marami pang tao sa loob na abala sa pagkuha ng mga larawan at pagmamano kaya't hindi ko siya masumpungan.
"Sinong hinahanap mo?" may pagtataka sa tonong tanong ni Ate.
Bumuntonghininga ako. "Wala. Tara na."
Siguro nasa likod pa? Nakita kong pumasok sila doon pagkatapos ng misa e.
Mukhang hindi ko na siya makikita ulit ngayong araw.
Sa paglalakad namin pauwi ay tahimik ako, nag-iisip ng paraan kung paano ko ba makikilala ang lalaking 'yon. Ayoko pa munang sabihin kay Pamela dahil siguradong iinisin ako no'n. Mas lalo na kay Ate Gia na sumbongera.
Malapit na naming marating ang bahay nang may isang batang humarang sa amin at nagmano sa akin. Napapalatak ako nang makilala ang batang lalaking ito.
"Merry Christmas, Ate Ninang!"
Napangiwi ako at sumenyas sa mga kasama na mauna na. Angat ang isang kilay na ibinaba ko ang tingin sa bata.
"Wow ah? 'Pag hindi pasko, Sharik lang ang tawag mo sa akin? Tapos ngayon, Ate Ninang?" kumpronta ko. Kaagad na sumimangot ito.
"Siyempre kapag pasko, kailangan ng aguinaldo," depensa niya. "At saka bakit pa kita tatawaging Ate? Ang bata pa kaya ng itsura mo. Babyface!"
"Ay aba, nambola ka pa. Ito ang sasabihin ko sa'yo, Jeyco, wala pang trabaho ang ninang mo. Magdidisi-otso pa lang ako kaya tiyaka ka na bumawi ha?"
Sinamaan ako nito ng tingin. "Ano ba 'yan?! Ano pang silbi ng ninang kung hindi mo naman ako bibigyan?"
Ikinabigla ko ang pasigaw na buwelta nito. Aba't marunong pang sumagot? Hindi ko tuloy napigilang kalabitin ang noo nito.
"Oh ba't sa akin mo tinatanong? Tanungin mo sa nanay mong kinuha akong ninang e alam namang wala pa akong trabaho!"
"Sabihin mo buraot ka lang!"
"Aba't na-"
"Awat na, awat na. Paskung-pasko ha."
Sabay kaming napatingin ni Jeyco sa biglang pumagitna sa amin. Hinawakan ng bagong dating ang magkabila kong braso upang pigilang patulan nang pasalita ang inaanak.
"Oh ayan," ani Micko at inabutan ng singkuwenta ang batang mukhang aguinaldo. "Umuwi ka na sa inyo at huwag nang guluhin pa ang Ate Sharik mo."
The boy immediately snatched the bill from Micko's hand and ran away right after without saying thank you or goodbye. That ungrateful little punk.
"Bakit mo ginawa 'yon? Bibigyan naman din ni Papa ng aguinaldo 'yon mamaya e," sita ko kay Micko.
"'Yan agad? Hindi ba puwedeng Merry Christmas muna?"
"Pasalamat ka pasko." Pinagkrus ko ang aking mga braso. "Merry Christmas."
He smirked. "Merry Christmas, mahal kong Sharik!"
BINABASA MO ANG
Meet Me In Your Sanctuary (4th District Series #1)
Teen Fiction4th District Series #1 If being devoted to public worship's a part of the criteria to be considered as a religious person, then Sharina Aerika Villares long crossed that out of the rubric. She's the type of person who finds eucharistic celebrations...