Chapter 1

855 23 6
                                    

Her POV

"Bakit hindi ka sumabay sa mga pinsan mo kanina para magpa-enroll?"

Kumakain kami ng hapunan ngayon nang itanong iyon sa akin ni Papa. Kauuwi niya lang galing sa trabaho. Bakas sa kaniyang mga daliri ang dumikit na semento at ilang maliliit na sugat.

Natigil naman sa pagnguya ang katabi niyang si Kuya Henry. Naka-long sleeve shirt pa ito na hanggang siko ang tupi, kagagaling lang din sa trabaho. Si Ate Ericka naman ay nasa sala, tapos nang kumain at nilalaro ang kaniyang anak.

"Ang sabi ni Nika ay maghahanap ka raw ng trabaho?"

Napatingin ako kay Papa. "Opo, para sa pangtustos ko sa tuition, Pa."

Isang buntong hininga ang pinakawalan niya. "Shayne naman, hindi ba napag-usapan na nating sa public ka mag-aaral? Kahit na makahanap ka ng trabaho, hindi iyan sasapat para mabayaran ang kulang-kulang dalawang libong monthly mo."

"Pero, Pa, gusto ko pong magtapos doon." Pinigilan kong itaas ang tono ng boses ko.

"At sa tingin mo, Shayne, magiging sosyal at mukhang mayaman ka kung doon ka magtatapos?" Biglang sumangat si Ate Ericka sa usapan. "Eh, pinapahirapan mo lang kami, e!"

Pinigilan ko ang sarili at kinalma iyon. "Ako ang magtatrabaho, Ate."

Sarkastiko siyang tumawa. "Sigurado ka? Makakaya mong pagsabayin ang pag-aaral at pagtatrabaho?"

Hindi ako natinag sa sinabi niya at pilit siyang hinarap. "Nakahanap na akong ng part time job, sa computer shop sa tapat lang ng school namin. Doon ako magtatrabaho."

Nakita ko ang pag-iling ni Papa. "Mahirap pagsabayin ang pag-aaral at pagtatrabaho, Shayne. Huwag nalang."

"Kaya ko, Pa," matapang kong sambit.

Nasasaktan ako sa mga naririnig mula sa kanila. Bakit ba hindi nalang nila ako suportahan sa desisyon ko? Ganoon ba kahirap iyon? Kung iniisip nila na baka tuluyan kaming maghirap dahil sa pag-aaral ko sa isang pribadong paaralan, hindi nila kailangang ipangamba iyon dahil ako naman ang magtatrabaho. Ako ang mahihirapan. Hindi ko sila aabalahin dahil ako ang gagawa ng paraan.

"Pa, hayaan niyo na si Shayne. Madiskarte 'yan. Kaya niya 'yan."

Kahit papaano ay nabuhayan ako sa sinabi ni Kuya. Nginitian niya ako nang magkatinginan kami.

"Oh, eh paano si Chen, Henry? Sinong mag-aalaga sa kaniya rito?" tanong naman ni Ate Ericka, kalong ang kaniyang anak.

"Bakit, ate? Hindi ba ikaw?" naguguluhang tanong ko.

Muli ko siyang naabutang umirap. Inalo niya ang umiiyak na si Chen.

"Nakahanap na ako ng trabaho sa bayan. Mas pinili kong magsakripisyong hindi maalagaan ang anak ko para makatulong kay Papa, Shayne," saad niya na may bahid ng pagmamayabang.

Tinignan niya ako ng may bahid na ngisi sa labi. Nanatili akong walang reaksyon.

"Kaya kung gusto mong makatulong, alagaan mo si Chen," dagdag niya pa.

Kuha ko na ang punto niya. "Kailan ba ang pasok mo, ate?"

"Sabado't linggo."

Napakagat ako sa laman sa loob ng aking bibig. Iyon ang mga araw na wala kaming pasok at malaya akong makapagtatrabaho. Sinasadya niya ba iyon?

"Sige, aalagan ko si Chen, pero magtatrabaho pa rin ako," mariin kong saad.

Gagawa nalang ako ng paraan para doon. Siguro ay tuwing pagkatapos ng klase ako magtatrabaho, at sa weekend ay sa bahay ako para maalagan si Chen.

When Two Universes Collide (High School Series #3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon