Her POV
Gaya ng sinabi ni Bell, binigay ni Vince ang allowance makukuha ko sa pagsali sa vlog series ng school. Laking tuwa ko rin nang matanggap ko ang sweldo ko sa computer shop ni Kuya Omar sa parehas na araw.
Nagbayad ako nang mas maaga para sa monthly ng buwan ng Agosto at ang natira ay ibinigay ko kay Papa para kahit papaano ay makatulong ako sa mga gastusin sa bahay. Mas lalo akong nabigyan ng lakas dahil doon. Kaya kahit nahihirapan at napapagod ako, hindi na ako titigil.
Nakasilip ako ngayon sa bintana. Maingay at maraming tao sa labas hindi katulad ng dati. 18th birthday kasi ng anak ni Tita Jean na si Paula.
Ang dalawang nakatayong tolda ang sumakop sa buong kalsada ng compound. May mahabang kurtina at tarpulin'g nakasabit na may mukha at pangalan ni Paula. Sa puwesto ring iyon ay may mahabang lamesang puno ng pagkain. Dalawang speaker sa magkabilang tabi at nagkalat na mga upuan at lamesa para sa mga bisita.
"Halikayo! Pasok!"
Malaking ngiti ni Tita Jean ang bumubungad sa mga dumarating na bisita.
Natanaw ko ang naka-pink gown na si Paula na naka-upo sa harapan, kumakaway sa mga kaibigan niya.
"Tignan mo 'yang pamilya ni Papa. Tuwing may kasiyahan, hindi tayo kilala pero kapag may bayarin sa bahay, tayo ang unang naaalala."
Napunta ang tingin ko kay Ate Ericka na kalong si Chen, hawak ang bote at pinapadede ang hindi makatulog niyang anak dahil sa ingay sa labas.
"Kung maka-asta pa sila, feeling sa kanilang lupa, eh kay Papa naman talaga 'to. Nagtayo ng tolda, sakop na sakop ang buong labas natin. Mabait pa rin si Papa dahil hinayaan lang niya ang mga walang utang na loob niyang mga kapatid na magtayo ng bahay sa kaniyang lupa."
Sumulyap muli ako sa bintana. Rinig mula rito ang kasiyahan sa labas. Kumirot ng dibdib ko habang naiisip ang kalagayan ni Papa sa kaniyang pamilya.
Naalala ko ang kuwento niya sa amin noong buhay kabataan niya. Wala siyang ibang ginawa kung hindi mag-aral ng mabuti kasabay ng pagtatrabaho para may ipangtustos sa kaniyang baon at may maibigay kahit papaano sa kaniyang mga magulang.
Simula pagkabata niya ay hindi na siya nakaranas na maglaro o magsaya man lang. Sa pag-aaral at trabaho umikot ang buhay niya upang matulungan ang kaniyang pamilyang naghihirap noon.
Pinag-aral niya sina Tita Jean at Tita Rackel hanggang sa makapagtapos sila, nagkaroon ng trabaho si Tito June, ang isa pang kapatid ni Papa, dahil rin sa kanya, at pinagpatayo niya rin ng bahay sa tabi namin sila lolo at lola upang kahit papaano ay mabatayan sila.
Kinarga ni Ate ang anak niya nang mas lalo pa itong umiyak.
"Tapos sasabihing masama at madamot si Papa kahit halos ibigay na niya ang lupa sa mga 'yun. Bakit hindi nalang sila dalhin ng mga asawa nila? Umupa ng matitirhan? Wala yata talagang balak na bumukod dahil alam nilang ayos na sila rito. Nakalibre ng lupa, eh," natawa siya ng mapakla.
"Hayaan mo na, Ate. Wala na naman iyon kay Papa," saad ko para nalang matigil siya dahil baka may makarinig pa sa mga sinasabi niya.
"Hindi, Shayne, eh. Nakaka-inis lang kasi tuwing lalabas ako, maaabutan kong pinagtsi-tsimisan tayo, pati si Papa, nung mga bruha niyang kapatid. Tuwang-tuwa pa tuwing makikita tayong nagkakanda-utang-utang at namo-mroblema!" singhal ni Ate.
Naiintindihan ko ang mga sinsabi niya dahil nakikita ko iyon mismong ginagawa ng mga tita at tito ko, kahit na si Lola.
May araw na naabutan kong nag-aaway si Papa at ang mga kapatid niya. Mas kinampihan ni Lola sila Tito June kahit na ang nasa tama ay si Papa.
BINABASA MO ANG
When Two Universes Collide (High School Series #3)
Novela JuvenilVinaux Gabriel Monteverde is one of the hottest stars living in his universe who is admired by many students because of his talent and visual. He's the guitarist of a popular band on campus. Living in a different universe, a dedicated high school st...