𝙼𝚊𝚢 𝟸𝟶𝟸𝟷, 𝙿𝚛𝚎𝚜𝚎𝚗𝚝
“SIGURADO ka bang okay lang na mag-isa ka papunta roon, Tamara? Pwede kong pasamahin si Theodore.”
Mula sa tinutuping damit ay nag-angat ako ng tingin kay mama. Naka-krus ang mga braso nito habang nakasandal sa hamba ng pinto ng kwarto ko. Makikita ang lungkot sa kanyang malamlam na mga mata at nakasimangot na labi. Mahina akong natawa na lalo niyang ikinasimangot.
“Okay nga lang po ako, 'Ma. 'Wag mo na pong abalahin si Theo dahil busy ang isang 'yon sa thesis."
Malalim na buntong-hininga ang sunod na narinig ko sa kanya. Umalis siya sa pagkakasandal sa dingding at naglakad palapit sa akin. Pagilid akong umurong nang maupo siya sa tabi ko rito sa aking kama.
“Mag-iingat ka roon, anak. Matagal-tagal din noong huli kang nakauwi roon. Baka manibago ka kaya tumawag ka, ha?” Habang sinasabi iyon ay marahan niyang hinahaplos ang likod ng ulo ko.
“Opo, 'Ma.”
Tipid ang ngiti ko nang mahinang kinabig ni mama ang ulo ko at isinandal sa kanyang dibdib. Ipinulupot ko ang mga braso sa kanyang may katabaang bewang. Naramdaman ko ang kapanatagan sa puso na sa kanyang yakap ko lang nararamdaman. Ibang iba sa kapanatagan na ibinibigay ng iba.
“Mamimiss ka namin, anak.”
“Si Mama talaga, oh! Two weeks lang naman ako roon,” natatawa kong ani.
Nawala ang ngiti ko nang singhot ang sunod kong narinig mula sa kanya. Hindi ko iniangat ang ulo ko. Alam kong ayaw niyang makita ko na umiiyak siya. Ayoko ring makita 'yon dahil paniguradong mga mata ko naman ang mababasa.
Hindi ko alam kung bakit ganito ang reaksyon niya gayong hindi naman ito ang unang beses na mapapalayo ako sa kanila. Ganoon nga siguro ang mga magulang, kahit saglit na panahon lang naman malalayo sa kanilang tabi ang anak ay nalulungkot na sila. Totoo ngang may pusong mamon sila lalo na ang mga ina.
Nang tumahan si Mama ay nagpaalam na ito na matutulog na.
“Magpahinga ka na 'pag katapos mo,” bilin niya na tinanguan ko.
Nang makaalis si Mama ay ipinagpatuloy ko na ang pag-e-empake ng mga dadalhin bukas patungo sa Santa Isabela, ang probinsiya nila mama. Napagpasyahan kong umuwi roon para mabisita ang bahay nila Lola Rita. Matagal na silang wala ni Lolo Hymn pero hindi pinapabayaan ng mga anak nila ang bahay na iyon kahit pa halos lahat sila ay narito sa Maynila tulad namin.
Natapos ako sa pag-e-empake bandang alas onse ng gabi. Itinulak ko ang itim kong maleta patungo sa gilid ng pinto. Sa ibabaw niyon ay ipinatong ko ang aking black knapsack. Nang wala ng maisip na nakalimutan ay bumaba ako at dumiretso sa kusina. Kahit maaga ang alis bukas ay hindi ko pa rin magawang matulog.
Mag-isa akong nakaupo sa pang-apatan naming lamesa. Itinukod ko ang mga siko roon, dinadama sa mga kamay ang init na dulot ng hawak na tasa; tulala habang dahan-dahang humihigop ng umuusok pang kape. Ramdam ko ang init niyon sa aking bibig na mas lalo pang nakakapagpalalim sa aking pag-iisip.
Tumatakbo sa isip ko ang bubungad sa akin bukas. Ganoon pa rin kaya roon? May nagbago kaya sa lugar? 'Yong mga kaibigan at kakilala ko kaya na ilang taon ding hindi nakadaupang palad ay matandaan pa ako? At... makita ko kaya siya?
Dapat ay kasabikan na madarama dahil sa wakas ay makakauwing muli sa santa Isabela ngunit kaba ang nabubuhay sa aking puso.
Alas singko kinabukasan ay nakahanda na ako sa pag-alis. Ramdam ko ang hapdi sa mga mata dahil sa halos ta-tatlong oras na tulog. Siguro’y babawi na lamang ako mamaya sa biyahe.
BINABASA MO ANG
The Unfinished Love Story: Felix and Asher
General Fiction"Walang istorya ang hindi nagtatapos. Kaya bibigyan ko ng wakas ang ating pagmamahalan. Masayang wakas." Matalik na kaibigan, iyan si Dion Felix Romano sa buhay ni Tamara Asher Ligayu. Nang malaman ang nararamdaman sa isa't isa ay ipinahinatid ng b...