NOONG ikalawang taon ko sa sekundarya ay roon ako muli nag-aral sa Santa Isabela. Nang umuwi si Mama noong nagdaang bakasyon ay sinabi niya na pwede na kaming bumalik sa Maynila. Tuwang tuwa ako pero agad nabuo ang desisyon kong hindi muna babalik ulit sa Maynila at doon na lamang ipagpatuloy ang pag-aaral sa probinsiya.
Nasanay na kasi ako roon at nalulungkot ako nang maisip na maiiwan muli sina Lolo at Lola rito. Hindi man nila ipakita pero nang sabihin ni mama na pwede na kaming umuwi ay alam kong nalungkot sila. Wala na silang mga anak dito sa probinsiya at ayoko namang iwan din silang dalawa. Nakita ko rin naman ang saya sa mukha nila nang malaman ang desisyon ko. Sa huli ay pumayag naman si Mama at si Theo na lang ang isinama niya pauwi sa Maynila. Hindi iyon inaasahan ni Felix kaya naman masaya siya pero ilang ulit niya rin akong tinanong kung sure ba raw ako.
"Syempre sure na sure!"
"Pero 'di ba gustong gusto mong umuwi noon? Bakit ayaw mo na?"
"Dahil nga kina lolo! Ang kulit mo naman, eh! Ayaw mo bang nandito ako?"
Mahina siyang natawa. "Ang suplada mo. Nagtatanong lang naman ako."
"Eh, kasi paulit-ulit ka, eh," mahina at nakasimangot kong ani.
"Tinatanong ko lang para sure kasi baka mamaya biglang magbago ang isip mo. Ayoko namang may pagsisisihan ka."
Kinulong ko sa mga kamay ko ang mukha niya. "Hindi ako magsisisi, Dion, okay?"
Nakangiti siyang tumango.
Aaminin kong sila na mga kaibigan ko na rito ang isa sa dahilan kung bakit mas pinili ko rito sa probinsiya. Maski ako sa sarili ko hindi ko akalaing gagawa ako ng desisyon na ganoon. Pero masaya akong nandito pa rin. Palagi pa rin naman tumatawag sina Mama at nakakausap ko na rin naman si Papa minsan.
Napangiti ako nang makita si Felix sa labas ng bakuran nina lola. Isang beses kong hinigit paangat sa balikat ang strap ng backpack ko bago nagtatakbo palabas pero hindi pa man ako nakakalapit ay lumingon na siya kaya natigil ako sa pagtakbo at agad na napasimangot.
"Ano ba 'yan! Gugulatin pa kita, eh!" nakanguso kong maktol habang masama ang tingin sa kanya.
Mahina siyang natawa. "Kasalanan mo. Ang ingay mo tumakbo, eh."
Kinuha niya ang maliit na lunch bag sa kamay ko at isinabit iyon sa manibela ng bisikleta niya.
"Nasaan si Angela Joy at Antoinette?" tukoy ko sa dalawa niyang bunsong kapatid. Kambal ang mga ito at grade 5 na. Malimit kasi naming kasabay ang mga iyon pero ngayon ay hindi ko nakikita.
"Nauna na. Excited masyado."
"Sa pagpasok?" natatawa kong ani.
"Sa bagong bisikleta kamo."
Pagkasakay ni Felix sa kanyang bisikleta ay ako naman. Sa likod ako pumwesto. May maliit na upuang bakal doon na ipinasadya niya pang ipalagay simula noong sumasabay na ako sa kanya sa pagpasok. Noon kasing narito pa si Theo ay ipinapahatid-sundo pa kami sa mga tricycle. Kaya naman sinabi ni Felix kay lolo na isasabay na lang ako. Katakot-takot na habilin kay Felix ang ginawa ni lolo.
"Huwag ka munang aandar, ha," paalala ko habang isinusukbit sa isa pang balikat ang isang strap ng bag ko. Nakatukod pa ang kaliwa naming mga paa sa semento para hindi tumumba.
Nilingon niya ako. "Akin na kaya ang bag mo? Siguradong mabigat 'yan."
"Saan mo pa ilalagay, eh, nasa unahan mo na ang bag mo?"
"Isasabit ko rito." Itinuro niya ang gitna ng manibela.
"Huwag na. Hindi rin naman mabigat."
"Mabigat 'yan dahil may mga libro."
BINABASA MO ANG
The Unfinished Love Story: Felix and Asher
General Fiction"Walang istorya ang hindi nagtatapos. Kaya bibigyan ko ng wakas ang ating pagmamahalan. Masayang wakas." Matalik na kaibigan, iyan si Dion Felix Romano sa buhay ni Tamara Asher Ligayu. Nang malaman ang nararamdaman sa isa't isa ay ipinahinatid ng b...