Kabanata 4

14 1 0
                                    

WALA akong ginawa kung 'di ngumanga habang nagmamasid sa ganda ng karagatan. Asul na asul ang tubig at ilang maliliit na isla ang nakikita namin. Marahan ang alon kaya nawala na ang kaba na nararamdaman ko kanina habang sumasakay ng bangka. At nasa harapan ko rin naman si Dion.

Napanganga ako nang makita ang higanteng bato na parang si Hesus. Sa paanan niyon ay may butas na para bang kuweba.

"Iyan ang Isla Pueblo," ani Dion. "Isa sa dinadayo rito sa Santa Isabela. Sigurado akong magugustuhan mo rito," nakangiting dugtong niya.

Dumoble ang nararamdaman kong excitement. Mas nababali sa pagtingala ang leeg ko habang papalapit kami nang papalapit doon. Tumigil kami sa paanan ng higanteng bato na isang paikot na hagdan. Sa paligid ay may ilang bangkang nakatigil.

Naunang bumaba si Dion saka siya naglahad ng kamay at tinulungan ako sa pagbaba ng bangka. Tiningala ko ang imaheng iyon ng Panginoon. Nakakalula!

"Ang ganda, Dion!"

"Mas maganda pa sa loob, Asher. Tara!"

Sabay-sabay kaming naglakad papasok. Kung namangha ako habang nasa labas, dumoble iyon nang makapasok kami. Para 'yong simbahan, nga lang ay nasa loob ng kweba.

Dumiretso si Lolo Cristobal at ang pinsan ni Dion na si Rio sa gitna kung nasaan ang mga upuan. Nakuha naman ang atensyon ko ang dingding ng kweba. Umikot ako habang tinitingnan ang bawat nakaukit. Magmula iyon nang ipanganak si Jesus, noong kasama Niya ang labindalawang apostol, habang nilalatigo Siya, noong buhat-buhat Niya ang krus at noong ipinapako Siya roon. Parang inukit sa buong palibot ng dingding ng kweba ang buong buhay Niya.

"Nagustuhan mo ba rito?"

Nilingon ko si Dion na kanina pa tahimik na nakasunod sa akin. "Sobra, Dion! Sobrang ganda rito kaso..." Nilingon ko ang ilang kumukuha ng litrato. Nanghihinayang ako na hindi ko nadala ang camera ni papa. Sa sobrang excited ko kanina ay hindi ko na naisip iyon.

"May ibang pagkakataon pa naman, Asher. Makakapunta ulit tayo rito at makakakuha ng pictures," pang-aalo ni Dion na mukhang nabasa ang naiisip ko.

"Pero ito ang first time na nakapunta ako rito," nakasimangot kong ani.

"Tanda mo naman ang mga nakita mo, Asher, at ang pakiramdam nang makita mo ang mga iyon. Iyon naman ang importante, 'di ba?"

Napahinga ako nang malalim dahil may punto siya roon.

"Hayaan mo sa susunod nating punta rito magdadala ako ng camera. Pupunuin natin 'yon ng pictures."

"Sabi mo 'yan, ha?"

Lumapad ang pagkakangiti niya. "Promise!" aniya na nagtaas pa ng kanang kamay.

"Okay," ani ko at tipid akong ngumiti.

"Tara doon?" Turo niya sa gitna.

Tumango ako.

Pumwesto kami sa unahan kaya kitang kita ko ang nakaukit sa dingding, ang image ni Hesus na nakapako sa krus.

Inilibot ko ang paningin sa aking likuran. Maraming tao ang nakatungo at nakapikit. Tila ba nananalangin. Nang tingnan ko si Dion ay nakapikit din ito. Ang magkasalikop na mga kamay ay nasa tapat ng dibdib.

Humarap ako sa unahan at ginaya siya. Taos-puso akong nanalangin. Nang matapos ay nakangiti akong napabuntong-hininga.

"Anong ipinapanalangin mo?" tanong ni Dion.

"Na sana matapos na nila mama ang ginagawa nila sa Maynila. "

"Para makauwi na kayo?"

Nakangiti akong tumango. Nangunot ang noo ko nang marinig ang malalim niyang pagbuga ng hangin.

The Unfinished Love Story: Felix and AsherTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon