Kabanata 16

20 1 1
                                    

ANG akala kong darating na mga bagong araw sa amin nila mama ay magiging miserable matapos mawala ni papa. Ngunit para bang sa bawat oras ay wala kaming sakit na iniinda.

Muling nagtrabaho si Mama bilang isang manager sa isang malaking hardware para matustusan ang pag-aaral namin ni Theo. Nagpatuloy ang pag-aaral namin ng kapatid ko sa Maynila at nanatili naman ang komunikasyon naming dalawa ni Felix kahit pa para sa akin ay hindi masyadong naging maganda ang pag-uusap namin bago siya bumalik sa Santa Isabela.

"Huwag mo akong hintayin, Felix."

Ramdam ko ang pagtitig na ginagawa niya ngayon. Nanatili lang ang tingin ko sa nakaukit na pangalan ni papa sa puting marmol.

"A-Ayaw mo... Ayaw mo na bang... hintayin kita, Asher?"

Malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ko. Pinatatag ko ang sarili para hindi madala sa sakit na mababakas sa boses niya. "Oo sana, Felix. Wala na rin namang kasiguraduhan kung makakabalik pa ako sa Santa Isabela. At hindi ko pa magagawang pumasok sa relasyon ngayon. Sa totoo lang, nawala na 'yon sa isip ko. Ang gusto ko na lang muna ngayon ay samahan si Mama sa paghilom sa sakit na nararamdaman niya. Kailangan niya rin ako bilang katuwang kay Theo."

Hindi ko siya magawang lingunin habang sinasabi ang mga salitang iyon. Natatakot akong baka kapag nakita ko ang mukha niya ay bumuhos ang luha ko. Dahil sa totoo lang ay gusto ko pang hintayin niya ako. Pero mayroong takot sa puso ko na baka nasasayang lang ang oras niya sa akin.

"Hindi ko naman ipipilit na sagutin mo agad ako. Hindi naman ako nagmamadali, Asher."

Doon ko pa lamang siya nilingon. Na sana pala ay hindi ko na lang din ginawa. Dahil nang makita ko ang lungkot sa kanyang mukha ay parang gusto kong bawiin ang mga sinabi ko. Pero kailangan kong manindigan sa mga salitang binitawan ko. Alang-alang sa kanya.

"Wala kang kasiguraduhan sa akin, Felix. Hindi ko alam kung kailan ko maibibigay sa 'yo ang sagot ko."

Naramdaman ko ang paglapat ng kamay niya sa aking mga kamay. Ngumiti siya na nagpapasingkit sa mga mata niya at nagpasilay sa biloy niya.

"Hindi naman ako mananatili dahil lang may kasiguraduhan, Asher. Kahit wala, gusto kong malaman mo na narito lang ako."

"Pero, Felix, baka kasi mayroon pang mas mabibigyan ka ng oras. 'Yung malapit sa 'yo at nakakasama mo. Hindi tulad ko na... h-hindi tulad ko na malayo sa 'yo."

"Ikaw ang gusto ko, Asher," may diing aniya. Kahit ang mga mata niya ay nagsasabi niyon."Unahin mo na sila Tita, kahit huli na ako sa paglaanan mo ng oras. Okay lang 'yon sa akin dahil alam kong mas mahalaga sila. Pero mananatili ako, Asher. Please, huwag mong sabihin na mayroon pang iba dahil ikaw lang ang gusto ko."

Hindi na nagpapigil ang luha ko. Masaya ako na handa siyang maghintay at mayroon ding nalulungkot para sa kanya. "Bakit ba ang kulit mo?"

"Wala, eh. Ikaw ang gusto nito." Turo niya sa kaliwang dibdib.

"Mas natatakot akong baka mapagod ka, Felix, kaysa sundin ang sinasabi kong tumigil na lang." Napatungo ako matapos aminin ang katotohanang iyon.

"Hindi ba't sinabi ko sa 'yong hindi napapagod ang taong nagmamahal?" aniya habang pinupunasan ang mga luha ko. "Hindi ako mapapagod, Asher."

The Unfinished Love Story: Felix and AsherTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon