"SUMAKAY na kasi tayo!" nagpapapadyak na pamimilit ni Liziel. Nakasimangot at salubong na salubong ang mga kilay. Kanina pa niya kami pinipilit na sumakay sa ferris wheel.
Kabado kong tiningnan si Dion Felix sa tabi ko. Agad din siyang lumingon sa akin. "Ayoko," umiiling at mahina kong ani
"Ayaw nga raw ni Asher. Kayo na lang ni Jayrald," baling niya kay Liziel.
"Bakit ba kasi ayaw mo?" nakangusong ani Liziel sa akin. "Mas masaya nga kung lahat tayo sasakay."
Tiningala ko ang malahiganteng bilog sa harapan namin. Nakatigil pa iyon at tinitingnan ko pa lang pero iba na ang kabang nararamdaman ko.
"Ayoko!" mariing tanggi ko muli.
"Huwag ka na mamilit, Liziel. Ayaw nga ni Asher, eh," ani Jayrald na umalis sa pagkakasandal sa barikada at lumapit sa amin.
Malalim ang naging pagbuga ni Liziel ng hangin. Nakasimangot habang matalim ang tingin sa akin.
"Sige na. Kayo na lang muna. Hihintayin na lang namin kayo rito," ani Dion sa kanila.
Hinawakan ako ni Dion sa siko at bahagya akong hinila pagilid. Nakasimangot pa rin si Liziel nang lampasan nila kami at nagtungo na sa pila.
Nakagat ko ang ibabang labi at malalim na napabuntong-hininga habang tinitingnan sina Liziel sa pila. Nakatingin pa ito sa akin. Nakasimangot at panay ang tango sa akin. Iling naman ang isinagot ko kaya humarap na siya sa unahan nila.
Muli kong tiningala ang ferris wheel.
"Last rides na ito pero hindi ko pa napagbigyan si Liziel.""Okay lang iyan, Asher. Naiintindihan ka no'n."
Bumuntong-hininga ako.
"May fear of heights ka ba, Asher?"
Ibinaba ko ang tingin kay Dion saka ako umiling. "Wala."
"Eh, bakit ayaw mong sumakay?"
"Ayoko lang."
Gamit ang hintuturo ay kinamot niya ang pisngi, kunot ang noo.
"Natatakot ka?" muli niyang tanong.
"Hindi, ah!"
Pailalim niya akong tiningnan habang nakalabi. Alam kong hindi siya naniniwala.
"'Yong totoo?"
Panay lang ang iling ko at hindi ko siya sinagot.
"Sige na, sabihin mo. Okay lang iyan." Bahagya siyang lumapit sa akin at nakangiting bumulong, "Ako lang makakaaalam."
Bumuntong-hininga ako. "O-Oo na." Napatungo ako pagkasabi niyon. "Pakiramdam ko kapag sumakay ako roon at nag-umpisa 'yong umandar panay lang takot ang mararamdaman ko at hindi rin ma-e-enjoy."
Napaangat ang tingin ko sa kanya nang hawakan niya ako sa braso.
"Tara, sasakay tayo, Asher."
Nanlaki ang mga mata ko. "Ayoko nga!"
"Minsan ayaw nating tumikhim ng pagkain kasi natatakot tayong baka hindi naman masarap."
"Ano namang connect niyan?" Nakataas ang kilay kong tanong.
"Na palagi nating inuuna ang takot kaysa sumubok. Paano mo masasabi na kaya mo pala kung wala kang gagawing hakbang? Kaya harapin mo ang takot mo at labanan mo 'yon, Asher. Kahit umupo ka lang muna doon at pumikit. Unang hakbang na iyon."
Nag-aalangan ko siyang tiningnan.
"Paano kung kahit nakaupo..."
"Kasama mo naman ako, eh." Ang ngiti niya parang sinasabing kaya ko iyon. Humugot ako ng hangin at ibinuga iyon.
BINABASA MO ANG
The Unfinished Love Story: Felix and Asher
Genel Kurgu"Walang istorya ang hindi nagtatapos. Kaya bibigyan ko ng wakas ang ating pagmamahalan. Masayang wakas." Matalik na kaibigan, iyan si Dion Felix Romano sa buhay ni Tamara Asher Ligayu. Nang malaman ang nararamdaman sa isa't isa ay ipinahinatid ng b...