TW: loss/death
***
“MAYROONG lung cancer ang papa mo, anak. Stage three na nang malaman namin ang tungkol doon at kinakailangan ng chemotherapy. Wala kaming nagawa, Tamara, kung ‘di iwan muna kayo rito sa probinsiya dahil ayaw niyang malaman ninyo ang kalagayan niya.”
Nakikita ko ang pagpatak ng luha sa hawak kong litrato. Litrato iyon ni papa noong kaarawan niya noong nakaraang buwan. Nakahiga siya sa hospital bed at suot ang puting hospital gown. Nakaupo sa tabi niya ang may tipid na ngiting si Theo at nakatayo naman sa tabi nito si Mama na nakangiti man pero bakas ang lungkot sa mga mata. Pare-pareho silang nakatingin sa camera. Halos buto’t balat na si Papa sa litrato pero makikita pa rin ang kislap sa mga mata niya kahit pa hindi na maingiti nang maayos ang labi niya.
Naninikip ang dibdib ko habang nakatingin sa hawak ko. Parang gusto kong magalit sa sarili ko. Nagsasaya ako rito pero naroon sila Mama, naghihirap. Si Papa na may sakit pero hindi ko man lang alam. Kung bakit hindi ko naisip man lang na alamin ang totoo niyang lagay. Madalang namin siyang makausao noon pa mang bago pa lang kami rito ni Theo. Nag-isip pa ako na magkahiwalay sila ni mama. Iyon pala... Iyon pala...
“Kumusta na po si Papa ngayon, ‘Ma?”
Nang sabihin kanina ni mama na kailangan kami ni papa masama na agad ang naging kutob ko at agad siyang tinanong kung ano’ng problema. Ngayong narinig ko ang kalagayan ni papa, mukhang hindi naging maganda ang naging resulta ng halos dalawang taon na pagpapagamot niya roon sa Maynila.
“Noong nakaraang taon ay bumuti ang lagay niya kaya nakuha ko kayo ni Theo. Pero noong isang buwan lang ay bumagsak na naman ang resistensya niya at mas lalong lumala ang lagay. Ilang ulit na siyang naka-cardiac arrest, anak. At kahapon ang malala dahil... dahil halos hindi na siya bumalik sa atin. P-Pinayuhan na ako ng doktor na ihanda na ang sarili—”
Malakas na humagulgol si Mama bago pa niya matapos ang sinasabi. Agad siyang niyakap ni lola. Kahit ako ay lumala ang iyak dahil sa naririnig na iyak niya at sakit sa bawat naririnig sa kanya. Sa ilang taon kong naging ina si Mama, ngayon ko lang siya nakitang umiyak at nanghihina ng ganito.
“Aalis na po ba tayo ngayon?”
“Hindi na muna, Tamara. Pagpahingahin muna ang ‘yong ina dahil magmamaneho pa ito.” Si Lolo ang sumagot.
“Mabuti pa’y samahan mo muna ang ‘yong ina sa kwarto. Kailangan niya ng tulog,” ani lola.
Tumango naman ako at tumayo. Inalalayan ko ang umiiyak pa ring si Mama papunta sa kwarto ko. Kahit sa paghiga ay naka-alalay ako sa kanya.
“Ma, tahan na po.” Pinahiran ko ang mga luha niya pero akin naman ang pumatak. Kahit anong pagpipigil ang gawin ko napakahirap pala lalo kapag ganitong kasakit ang nalaman ko. Si Papa ko...
Malakas na humagulgol si Mama at bumangon para yakapin ako. “Ang papa mo, anak. Paano na tayo kapag nawala siya. Hindi ko kayang wala ang papa mo, Tamara.”
Hindi ko alam kung paano ipapakita ang kahinaan ko dahil sa nalaman, gayong nakikita kong ganito si Mama. Pakiramdam ko kailangan kong maging malakas para sa kanya. Kailangam niya ng masasandalan at ako iyon. Kailangan kong maging malakas para sa kanila lalo na para kay papa.
Sa kaiiyak ay nakatulog si Mama. Marahan kong hinahaplos ang namumula niyang pisngi habang nakaupo sa tabi niya. Habang pinagmamasdan siya napansin kong nangangayayat din siya kaya naman lalo akong nahahabag. Gusto kong humingi ng tawad sa kanya dahil sa ilang buwang pabalik-balik niya rito para lang madalaw ako. Kung alam ko lang na ganoon ang sitwasyon sa Maynila, sana pala hindi na ako nagdadamdam kapag sinasabi niyang baka hindi siya makakauwi. Sana pala tiniis ko na lang muna ang pangungulila ko sa kanila. Kung alam ko lang sana pala sumama na lang din ako noong sabihin niyang pwede na kaming bumalik sa Maynila. Sana pala hindi na ako nagmatigas nang mga panahong ‘yon. Sana pala mas marami pang oras na nakasama ko sa papa.
BINABASA MO ANG
The Unfinished Love Story: Felix and Asher
Ficción General"Walang istorya ang hindi nagtatapos. Kaya bibigyan ko ng wakas ang ating pagmamahalan. Masayang wakas." Matalik na kaibigan, iyan si Dion Felix Romano sa buhay ni Tamara Asher Ligayu. Nang malaman ang nararamdaman sa isa't isa ay ipinahinatid ng b...