Kabanata 25

7 0 0
                                    

𝙿𝚛𝚎𝚜𝚎𝚗𝚝

"NAKAKAMISS ‘to," nakangiting sabi ko habang nakatitig sa karagatan.

"Ako o itong lugar?"

Nakangiti siya nang lingunin ko.

"Ako?" nanunuksong tanong niya pa ulit.

"Ang Santa Isabela."

Napasimangot siya na ikinatawa ko.

"Ikaw naman ang kahulugan ng lugar na ‘to para sa akin, eh. Kapag sinabi kong Santa Isabela, ikaw ‘yon. Namiss ko ang Santa Isabela."

"Sabi na nga ba't namiss mo ako, eh!" malapad ang ngiti na aniya.

"At mahal na mahal ko ang Santa Isabela, Felix."

Ang magandang pagkakangiti niya ay unti-unting nawawala kaya mabilis kong inabot ang kanyang mukha at hinaplos iyon.

"At gusto kong masaya lang ang Santa Isabela. Palagi."

"Akala ko handa ka ng palayain ako, Asher?"

Mabilis na nag-init ang mga mata ko at pumatak ang mga luha roon.

"K-Konti pa. Kaunti na lang. Please? G-Gusto pa kitang makasama, Felix."

"Oh, sige. Hindi na ako, aalis. Huwag ka ng umiyak, Asher."

Nangatal ang baba ko at tahimik na napahagulgol nang maramdaman ko ang yakap niya. Mabilis kong ipinulupot ang mga braso ko sa kanya at mahigpit siyang niyakap.

"Sasama na lang ako sa 'yo."

Mabilis ang kilos niya nang akmang lalayo sa akin pero hinigpitan ko ang yakap ko sa kanya. Ayaw ko siyang pakawalan.

"Hindi pwede, Asher! Asher!"

Paulit-ulit siyang kumakalas habang isinisigaw ang pangalan ko. Mas hinihigpitan ko pa ang pulupot ng mga braso ko sa kanya kasabay ng bawat hagulgol.

"Kapag sumama ka sa akin, paano mo matutupad ang pangako natin sa isa't isa? Asher!"

Nagising ako sa pagkakatulog at napabalikwas ng bangon. Mariin akong napapikit. Naitukod ko ang mga braso ko sa mga binti ko at nahahapong sinapo ang aking mukha.

"Nanaginip ka na naman?"

Napalingon ako sa kanan ko. Nakaupo si Felix sa kama. Inabot niya ang pisngi ko at hinaplos iyon.

"Halika, Asher."

Humiga siya. Idinipa niya ang kaliwang braso kung nasaan ang unan ko. Humiga akong muli at umunan sa braso niya. Marahang humahaplos ang kamay niya sa aking ulo, habang ang isa ay marahang tumatapik sa aking balikat.

"Paggising ko bukas nariyan ka pa ba?"

"Oo, Asher. Nandito lang ako."

Mahigpit ko siyang niyakap. Idinikit ko ang kanang tenga ko sa kaliwang dibdib niya at pinakiramdaman iyon. Napapikit ako nang marinig ang mararahang tibok ng puso niya roon.

***


𝚂𝚎𝚙𝚝𝚎𝚖𝚋𝚎𝚛 𝟸𝟶𝟷𝟽

NANG mga sumunod na araw ay dumalas ang pagliban ni Felix. Sa tuwing tatawag ako, madalas na hindi siya sumasagot. Kung sasagot man, agad na magpapaalam siya at palaging sinasabi na may gagawin siya. Kapag tinatanong ko naman siya kung bakit absent siya, palagi niyang sinasabi na masama ang pakiramdam niya.

Ramdam ko ang mga pagbabago sa kanya. Parati siyang irita sa tuwing sasagutin niya ang tawag ko. Agresibo kung magsalita; wala na ang lambing. Na para bang ang pagtawag ko ay isa ng malaking abala para sa kanya. At sa tuwing sasabihin ko na pupuntahan ko siya ay nagagalit siya at basta na lang din ibababa ang tawag. Kaya naman pumupunta na lamang ako kina Tito Roque nang hindi nagsasabi sa kanya. Pero sa ilang beses na iyon hindi niya ako hinarap.

The Unfinished Love Story: Felix and AsherTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon