Kabanata 21

12 1 0
                                    

NAG-UMPISA ang unang taon namin ni Felix sa kolehiyo. Magkaiba ang schedule namin kaya naman gumagawa kami ng paraan para makapagkita pa rin sa kabila ng pagiging busy. Lunes at Huwebes ay halos pareho ang schedule ng pasok namin kaya naman nagkakasabay kami ng pagla-lunch. Sa ibang araw ay hindi pero hinihintay niya naman ang out ko sa araw-araw para magkaroon kami ng time sa isa't isa bago umuwi. At ganoon din naman ako kapag klase ko ang unang natatapos.

Kapag may program sa school ay madalas na magkasama kaming dalawa. Dahil doon ay naging kaibigan ko na ang mga naging kaibigan niya sa university at ganoon din siya sa mga kaibigan ko roon.

Kapag weekends, katulad ng sinabi niya ay tumutulong siya kay Tito Roque. Minsan kapag natapos siya sa trabaho roon ng Sabado ay pumupunta pa siya sa amin at hindi nawawalan ng pasalubong na palaging si Theo ang mas nakikinabang. Minsan naman, dahil patuloy akong nag-iipon, kaya madali sa akin ang pumunta na lang kina Tito Roque. Pinapayagan naman ako ni mama. Isang sakay lang din naman ng jeep mula roon hanggang sa bahay kaya hindi ako natatakot. Sa ibang parte kasi ng Maynila takot na akong bumiyahe dahil pakiramdam ko maliligaw ako. Mabuti nga at isang sakay lang din ng jeep ang patungo sa university.

Tuwing Linggo ng hapon ay sumisimba kami nila mama at palagi ay sumasabay si Felix sa pagsisimba namin. Bago umuwi ay kumakain muna kami sa labas, minsan naman ay sumasa siya sa bahay kapag inaanyayahan ni mama.

Kapag exam weeks, hindi na muna kami ganoong nagkikita. Inilalaan namin ang mga oras na nasa bahay sa pag-aaral. Sa university naman ay sabay kaming nagre-review.

Naging ganoon ang routine namin ni Felix sa buong taon. Napakasarap talaga sa pakiramdam na may tao sa paligid mo na tutulungan ka at i-e-encourage ka kapag nararamdaman mo sa sarili mo ang pagod. Ganoon si Felix sa akin. Bukod kina mama, isa siya sa dahilan kung bakit mas na-mo-motivate akong pagbutihan pa ang pag-aaral ko.

Nang sumapit ang bakasyon ay umuwi si Felix sa Santa Isabela kaya sa cell phone ulit kami nagkakausap. Kulang-kulang dalawang buwan din kaming hindi nagkita pero hindi na ako ganoong nalungkot doon dahil alam ko namang babalik siya rito sa Maynila.

Maayos na si Tito Roland. Bagaman nakakapaglakad na siya pero hindi pa ulit siya nakakabalik sa pagta-trabaho. Sumama siya sa pangingisda kaya naman nang bakasyon ay iyon din ang pinagkaabalahan doon ni Felix.

"Ate!"

Nagising ako sa malalakas na katok at sa malakas din na tawag ni Theo. Nababalik ako sa pagkakatulog pero maguvulat lang din sa malakas niyang sigaw. Padabog akong bumangon at nagtungo sa pinto.

"Ano ba, Theo!" sigaw ko rito nang mapagbuksan siya ng pinto.

"May tao sa baba. Hinahanap ka."

Nangunot ang noo ko. "Tao? Sinong tao?"

Nakanguso siyang nagkibit-balikat. "Ewan ko. Hindi ko kilala. Bumaba ka na lang."

Sinubukan kong silipin ang ibaba namin pero wala namang tao sa sala. Napapakamot na bumalik ako sa kwarto.

"Sabihin mo maghihilamos lang ako."

"Okay."

Naghilamos nga lang ako at nagsuklay saka bumaba.

"Nasaan?" tanong ko kay Theo na nanonood ng T.V.

"Nasa labas." Turo niya pa sa pinto.

"Hindi mo man lang pinapasok," pagsusungit ko.

Nagtungo ako sa pinto. Nang buksan ko iyon ay wala namang tao. Baka nakaalis na? isip-isip ko.
Isasara ko na sana ulit ang pinto nang may kumulbit sa likuran ko. Mabilis akong napalingon dama ang takot. Pero agad 'yong nabura kapalit ng panlalaki ng mga mata ko nang makita kung sino iyon.

The Unfinished Love Story: Felix and AsherTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon