Kabanata 24

19 1 0
                                    

KUNOT-NOO kong tinitigan ang cell phone ko. Tatlong minuto na lang ay alas nuwebe na ng umaga pero wala pang reply si Felix sa text ko kagabi. Morning person ang isang iyon kaya imposibleng tulog pa iyon. Hinayaan ko muna iyon. Inisip ko na baka abala lang siya. Minsan kasi ay marami rin talagang ginagawa sa window and door shop ni Tito Roque niya. Baka tumutulong.

Bumaba ako at kumain ng agahan saka muling umakyat. Sinilip ko pa ang cell phone ko bago muling bumaba para maligo pero wala pa ring reply si Felix.

Ah, siguro walang load ang isang 'yon! isip-isip ko.

Madalang 'yong mawalan ng load kasi palagi siyang tumatawag sa mama niya pero baka ngayon natyempuhan. Kaya hindi na ako naghintay pa ng text niya hanggang makarating ako ng university. Siguradong nasa klase na iyon ngayon kaya pupuntahan ko na lang siya mamaya. Sabay naman ang lunch namin.

Natapos ang nag-iisang klase ko sa umagang iyon. Noong lunch break ay nag-abang ako sa labas ng Lab Room. Alam kong doon ang room nila sa oras na ito.

Tiningnan ko ang cell phone ko nang mag beep iyon. May text doon ang classmate at kaibigan kong si Joyme.

Joy: Narito na kami sa kainan. Nasaan ka na?

Agad akong nagreply: Mauna na kayong kumain, Jo. Hintayin ko lang si Felix.

Joy: Okay, sige. Mauna na kami.

Eksaktong naglabasan naman ang mga estudyante sa Lab Room. Umalis ako sa pagkakasandal sa railings nang makita ko sila Krissy.

"Hi!" masigla kong bati.

"Oh, Tamara. Naligaw ka?"

"Si Felix?" Lumilinga ko pang tanong pero sila na yata ang huling lumabas.

"Si Felix?" Nagkatinginan ito at mga kaibigan nila ni Felix.

"Hindi pumasok si Felix, Asher," si Harold ang sumagot.

"Oo, hindi," duftong pa ni Krissy.

"Ha?" Lumingon pa muli ako sa likod ng mga ito. "Bakit?"

"Hindi nga namin alam, eh. Wala rin siyang reply sa mga text namin. Kahit sa tawag namin hindi sumasagot. Hindi mo ba alam kung bakit absent siya?"

Napasimangot ako at lalong nagtaka. Ito ang unang beses na lumiban si Felix sa klase. Magkakasakit na lang 'yon at lahat pero hindi 'yon kailanman lumiban. Kaya nga pinapagilatan namin iyon ng mga kaibigan niya.

"Hindi, eh." Tiningnan ko ang cell phone ko. Wala pa rin siyang reply sa text ko kagabi. Agad na nabuhay ang kaba sa puso ko. Naikuyom ko ang mga kamay. "Wala ba siyang sinabi kahapon bago siya umuwi?"

Nagkatinginan muli ang mga ito saka umiiling na humarap sa kanya.

"Ah, wait," ani Marjay. "Baka may sakit? Kahapon kasi idinadaing niya 'yong ulo niya."

"Kahapon?" sabay nilang tanong ni Krissy.

"Oo. Noong nasa gym kami. Panay daing niya na masakit ang ulo niya, eh. Sabi ko baka sa init."

Bakit hindi ko alam? Hindi siya nagsabi noong nagkita kami nang hapong iyon bago umuwi.

"Oh, sige. Salamat, ha?"

Taranta at hindi ko na nagawa man lang na magpaalam sa kanila. Narinig ko pa ang tawag ni Krissy pero hindi ko na siya nagawang lingunin. Tumakbo ako pababa ng building, kahit noong palabas ng university ay lakad-takbo ako. Nagtungo ako sa gilid ng university kung saan tumitigil ang mga jeep para magbaba at magsakay ng pasahero. Nag-abang ako roon. Pupuntahan ko si Felix. Nagpadala ako ng text message kina Joyme at sinabing aabsent ako ngayong hapon. May reply sila pero hindi ko muna nagawang tingnan dahil tinawagan ko si Felix. Ilang ring ay walang sumagot sa una at pangalawa kong tawag. Lalo akong nataranta.

The Unfinished Love Story: Felix and AsherTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon