"AYAW mo bang dito mag-aral?"
Nilingon ko si Dion. Nakatingin ito sa akin. Kanina ko pa naman nararamdaman, hindi ko lang binibigyang pansin. Maging ang paglapit niya sa akin kanina ay hindi ko na nagawang sitahin dahil sa iniisip ko. Magmula kasi noong mabanggit ulit kanina ni lola ang tungkol sa pag-aaral namin dito ay hindi na naging maganda ang pakiramdam ko.
Hindi ko siya sinagot. Tumutok ang tingin ko kay Theo na abala sa pagkakalikot ng saranggola niya.
"Bakit ayaw mo rito, Asher? Maganda naman ang Santa Isabela. Sigurado akong mamahalin mo ang lugar na 'to kung mas kikilalanin mo lang."
"Hindi naman sa ayaw ko..."
Nagdadalawang isip pa ako kung sasagutin siya pero mayroon sa akin na gusto kong masabi ang nararamdaman. Kahit na kanino. Kahit pa sa kanya
Malalim akong napabuntong-hininga bago ipinagpatuloy ang sinasabi, "Natatakot lang akong sumubok ng mga bagong bagay. Kasama na roon ang paglipat sa bagong lugar."
"Bakit ka natatakot? Narito naman si Theo at sina Lola Rita, ah? At ako." Humina ang boses nito sa huling sinabi
"Wala naman kasi akong kaibigan dito. Wala rin ako kahit isang kakilala."
Hindi ko naman pwedeng itanggi maski sa sarili ang totoong dahilan kung bakit labis ang lungkot ko sa paglipat namin dito. Kahit pa nga saglit lang. At mas natatakot ako kung magtatagal.
Hindi naman kasi ako gano'n kagaling sa lahat ng bagay maski sa pakikipagkilala at pakikipagkaibigan. 'Yung mga kaibigan ko naman kasi sa Maynila kaklase ko na simula preparatory kaya parang otomatik na na kaibigan ko na sila hanggang ngayon. Kaya naman natatakot talaga ako ngayon na nasa bagong lugar ako. Mas sanay ako sa Maynila.
"Eh, 'di ako."
Napasimangot ako at inirapan si Dion. "Ayoko nga!"
"Oh, bakit? Ako na nga nakikipagkaibigan para hindi ka na mahirapan, ayaw mo pa no'n?" parang proud pa na sabi niya.
"Basta ayoko!" mariing tanggi ko.
Napanguso siya. "Kung magkakaroon ka ng kaibigan dito okay lang sa 'yo na mag-aral na rito sa Santa Isabela?"
"Siguro," kibit-balikat ko.
"Eh, 'di tanggapin mo na ang pakikipagkaibigan ko para okay lang na rito ka na mag-aral," ngising asong aniya.
"Ayoko nga! Ayoko pa rin!"
"Ito, ang sungit! Bawal tanggihan ang pakikipagkaibigan, Asher."
Inirapan ko siya ulit. "Kanina ko pa napapansin panay ka Asher."
"Bakit? Pangalan mo naman iyon, ah?"
"Mas sanay akong tinatawag na Tamara."
Ngumisi siya. "Eh, 'di ayos. Ako lang tatawag sa 'yo ng Asher."
"Bahala ka nga!" tanging nasabi ko. Makulit naman siya kaya ano'ng saysay ng pagpipigil kong tawag niya ako sa Asher! Baka mainis lang ako sa kanya!
Natahimik ako at ganoon din siya. Tumakbo na naman tuloy ang isip ko.
Paano nga kung magkaroon ako ng kaibigan, mabago kaya nararamdaman ko? Gustuhin ko na rin kaya rito?"Hindi pa rin talaga... na maging kaibigan?" tanong muli ni Dion makalipas ang ilang minutong katahimikan.
Tiningnan ko siya nang 'di inililikot ang ulo. Nakapatong ang pisngi niya sa mga braso niya at nasa akin ang tingin. Naisip ko pa kung hindi ba siya nangangalay dahil wala siyang inuupuan. Hindi naman kami kakasya rito sa duyan. Pero kahit na kasya kami rito hindi ko pa rin siya patatabihin!
BINABASA MO ANG
The Unfinished Love Story: Felix and Asher
General Fiction"Walang istorya ang hindi nagtatapos. Kaya bibigyan ko ng wakas ang ating pagmamahalan. Masayang wakas." Matalik na kaibigan, iyan si Dion Felix Romano sa buhay ni Tamara Asher Ligayu. Nang malaman ang nararamdaman sa isa't isa ay ipinahinatid ng b...