"ASHER!"
Hindi pa man kami nakakalayo sa bahay nang marinig ang pamilyar na boses na iyon. Natigilan si Lola sa paglalakad. Dahil nakakakawit ang braso ko sa kanya kaya natigil din ako. Tama nga ang hula kong si Felix iyon nang malingunan siya. Patakbo itong lumalapit sa amin.
"Magandang umaga po, Lola Rita," bati niya kay lola kasabay ng pagmamano.
"Kaawaan ka ng Diyos," nakangiting ani lola.
"Saan po ang punta n'yo?"
Itinaas ko ang hawak na basket. Muntik pa 'yong tumama sa mukha niya na mahina kong ikinatawa. Umangat ang kamay niya. Bago pa ako naakilag ay naabot na niya ang pisngi ko at pinisil iyon.
"Aray!" daing ko at hinampas ang kamay niya. Sisipain ko pa sana siya pero mabilis ang naging kilos niya palayo habang natatawa.
"Tamara," mababa at nanaway ang boses na tawag ni lola sa pangalan ko nang iangat ko ang basket at tangkang ipapalo kay Felix
Napanguso ako at masamang tingin ang ipinukol kay Felix. Mahina siyang natawa at isang beses na hinagod ang likod ng ulo ko. Inis kong tinabig iyon.
"Mamamalengke po kayo?" tanong niya kay lola. "Kami na lang po ni Asher, 'La," dugtong niya hindi pa man nakakasagot si Lola.
"Nako, ay okay lang ba?"
Sus si Lola kunwari pa. Gusto rin naman.
"Oo naman. Si Lola talaga."
"Ay siya sige, Dion." Sinabi ni Lola kay Felix ang mga bibilhin. Wala na yatang tiwala sa akin. Minsan kasi nang pabilhin niya ako sa palengke ay wala ang iba. Kasalanan ko bang nakalimutan ko? "'Wag mong kalimutang sabihin kay Wena ang order kong hipon, ha? Gagawin ko 'yong alamang," baling niya sa 'kin bago tumingin muli kay Felix. "Ipaalaa mo nga, ha, Dion?"
"Opo, 'La," natatawang ani Felix.
"Lumakad na kayo at tanghali na. Mag-iingat kayo," aniya habang nag-uumpisa ng bumalik sa bahay.
"Hintayin mo ako rito. Kukunin ko lang ang bisikleta."
Hindi na hinintay ni Felix ang sagot ko at nagtatakbo na muli pabalik sa kanila. Ilang saglit lang ay nakabalik na rin siya agad. Kinuha niya ang basket sa kamay ko at isinabit iyon sa manibela.
"Hindi ba uuntog ang tuhod mo riyan?"
"Hindi. Malayo naman." Sasakay na sana ako nang hawakan niya ako sa braso. "Teka lang. Isuot mo 'to," aniya pero siya na ang naglagay sa ulo ko ng isang kulay puting ball cap. Doon ko lang napansin na may suot na rin siya, kulay asul ang kanya.
"Kumapit ka, Asher," aniya nang mag-umpisa siya sa pagpedal.
Kumapit ako sa magkabilang bewang niya. Nakagat ko ang ibabang labi nang makaramdam ng pagkapahiya. Hindi naman iyon ang unang beses na mahawakan ko ang bewang niya pero ngayon lang ako nahiya roon. Dahan-dahan ko tuloy inalis ang pagkakakapit ngunit hindi ako nagtagumpay roon nang hawakan niya ang kaliwang kamay ko at hinila iyon. Tuloy ay umabot iyon hanggang sa kanyang tiyan. Pagkatapos niyon ay ang kanang kamay ko naman ang isinunod niyang hilahin.
"Kumapit ka nang maayos. Baka mahulog ka."
Pakiramdam ko ay namula ang mukha ko sa huling sinabi niya. "Nahulog na nga, eh," nakangiwing bulong ko.
Kagat-labi akong tahimik na natawa nang makaisip ng kalokohan. Bahagya kong pinisil ang tiyan niya. Medyo malambot iyon. Tipid siyang lumingon.
"Aba aba! Bakit mo ako tyinatyansingan, ha?"
"Tyansing ba 'yon?" nakangusong ani ko. Nag-iinit ang pisngi ko. Dahil yata sa sikat ng araw.
"Dinadama mo ang abs ko."
BINABASA MO ANG
The Unfinished Love Story: Felix and Asher
Fiksi Umum"Walang istorya ang hindi nagtatapos. Kaya bibigyan ko ng wakas ang ating pagmamahalan. Masayang wakas." Matalik na kaibigan, iyan si Dion Felix Romano sa buhay ni Tamara Asher Ligayu. Nang malaman ang nararamdaman sa isa't isa ay ipinahinatid ng b...