TW: loss/death
***
SABI nila malalaman mo raw kung nahirapan ba o hindi ang isang tao bago siya kunin sa mundong ito. Habang nakatitig sa labì ni Lolo Hymn masasabi kong umalis siya na magaan ang kanyang puso. Maaliwas tingnan ang mukha niya at para lang siyang natutulog.
Walang sakit si Lolo, pero iniwan niya kami habang natutulog. Bago raw sumapit ang gabing iyon ilang ulit niyang sinabi kay lola kung gaano siya nagpapasalamat na nakilala niya ito at kung gaano niya ito kamahal. Kaya si Lola hindi ko makitaan ng sakit sa pagkawala ni lolo. Siguro dahil inaasahan na nilang may mawawala isa man sa kanila anumang oras dahil pareho na silang matanda. O dahil pareho nilang nasulit ang mga oras na magkasama.
Habang pareho kaming nakatayo ni Felix sa harapan ng puting kabaong ni lolo at tahimik siyang pinagmamasdan, isang bagay ang pumasok sa isip ko...
"Sana kapag nawala ako sa mundong ito katulad ni lola ang mararamdaman ng mga mahal ko sa buhay. Sana hindi kayo gaanong masaktan. Sana hindi kayo umiyak nang umiyak. Sana agad ninyong mahanap ang kapayapaan sa puso ninyo."
Nilingon ko si Felix. Salubong ang kilay nito habang nakatingin sa akin. Halatang hindi nagugustuhan ang naririnig mula sa akin. Ngumiti ako.
"Kapag ganoon, makakarating ako sa tabi Niya na may ngiti sa labi. Kasi alam kong hindi kayo masasaktan nang lubos sa pagkawala ko."
"Paano bang hindi masaktan nang lubos kapag nawala ang taong mahal na mahal mo, Asher? Kasi palagay ko mahirap iyon." Tiningnan niyang muli si Lolo. "Si Lolo Hymn hindi ko naman kamag-anak. Lolo siya ng taong mahal ko na kalaunan itinuring ko na rin na sarili kong lolo dahil napamahal na sa kanya. Ito ako, sobrang nasasaktan dahil nawala na siya at hindi na makikita pa. Si Lola Rita, sigurado akong mas nasasaktan siya kanino man. Hindi niya lang iyon ipinapakita sa atin o baka naibuhos na niya sa isang iyakan. Sa lahat ng pagkawala, dadaan tayo sa oras na masasaktan tayo nang lubos. Depende lang iyon kung paano natin ipapakita sa iba at kung paano natin dadalhin sa puso natin."
"Pero gusto ko ng ganoon, Felix. Pakiramdam ko sobra akong masasaktan kung malalaman kong maiiwan ko kayo na mabigat ang puso."
Mabigat ang naging bumuntong-hininga niya. Tinitigan ko siya at nginitian nang ubod ng tamis. Muli siyang nagpakawala ng malalim na buntong-hininga.
"Kung ang sinabi mo kanina ang magiging kapayapaan ng puso mo, susubukan kong hindi masaktan nang lubusan."
Palagay kong sinagot niya lang ako para matahimik ako.
"Ako rin, susubukan kong hindi masaktan nang lubusan," nakangiti kong ani.
Ngumiti siya at inakbayan ako. Kinabig ako palapit sa kanya hanggang ang akbay lang ay naging yakap. "Kung anu-anong naiisip mo."
Kung may makakarinig man sa pag-uusap namin ni Felix nang mga oras na 'yon, baka isipin nilang nababaliw na kami pareho dahil kamatayan pa rin iyon. Pero totoong ang sinabing iyon ni Felix at ang sinseridad sa mga mata niya ay nagbigay ng kapayapaan sa puso ko.
Aaminin kong punong puno ng sakit at takot ang puso ko sa mga oras na ito. Hindi ko alam kung gagawin kong pampalubag ng loob ang mga bagay na napapansin ko habang tinitingnan si Lolo Hymn para magkaroon man lang ng kagaanan ang puso ko.
Nang tumawag si Lola para ipaalam na wala na si Lolo para akong nabibingi.
Dalawa na sa pinakamamahal ko ang nawala sa akin. Agad kong kinwestyon kung bakit ganoon. Bakit kailangan mawala ang mga mahal ko sa buhay. Hanggang ang lahat ay naging takot. Takot na mawalan pa ng taong mahal ko at takot na maski ako ay mawala sa mundong ito. Ngunit gusto kong labanan ang takot na iyon. Sa paraan na isiping ang kamatayan ay tadhana ng bawat tao. Na lahat naman ay roon pupunta nang naaayon sa oras at panahon na itinakda Niya. May oras na nabubura niyon ang takot pero may oras din na ayaw magpatalo ng utak ko. Pilit isinusuksok ang takot na iyon.
BINABASA MO ANG
The Unfinished Love Story: Felix and Asher
General Fiction"Walang istorya ang hindi nagtatapos. Kaya bibigyan ko ng wakas ang ating pagmamahalan. Masayang wakas." Matalik na kaibigan, iyan si Dion Felix Romano sa buhay ni Tamara Asher Ligayu. Nang malaman ang nararamdaman sa isa't isa ay ipinahinatid ng b...