Napaluha ako nang marinig ko ang katagang kay tagal ko nang hinihintay na marinig mula sa kaniya. Ito ay ang katagang "Pakakasalan kita," at ang sumunod ay ang "Pumapayag ka bang iharap kita sa altar at makipag-isang dibdib sa akin, mahal?"
Sa totoo lang ay sari-saring emosyon ang aking naramdam nang marinig ang mga iyon mula sa minamahal ko. Biglang nanumbalik ang mga taon, buwan, linggo, at araw na magkasama kami. 'Hindi mapaghiwalay' ikaw nga nila dahil oras-oras, minu-minuto, segu-segundo ay magkasama kaming dalawa.
Bigla kong naalala ang mga panahon kung saan kami unang nagkita, unang tingin na kung saan ay hindi ko, namin, inaasahan na maggiging magka-kapit-bisig kami sa dulo. Naalala ko rin kung paano ako unang makaramdam ng kaba kapag kasama ko siya. Ngunit ang hindi ko maaalala ay kung bakit nga ba o kailan kaming dalawa'y naging magkadikit at magkasangga, maging matalik na kaibigan katulad ng iba.
Rinig ko ang mga bulungan ng mga tao mula sa parke kung saan siya'y lumuhod at humingi ng pahintulot na siya ay pakasalan at hayaang iharap ang babaeng mahal sa simbahan upang sila ay pag-isahing dibdib ng Maykapal.
Ang iba ay daig pa ang lalaking mahal ko kung paano umiyak at kabahan dahil baka ang maging sagot ay 'hindi'. Ang iba naman ay daig pa ang tinanong dahil sila pa mismo ang sumasagot ng 'oo' para sa niluhuran.
Muli, napaluha ako-o tamang sabihing, napaiyak at napatakbo paalis ng parke kung saan siya ay lumuhod at kung saan siya'y humingi ng pahintulot na siya ay pakasalan.
Sino nga bang hindi mapapaiyak nang lubha kung ang taong matagal mo nang inaasam ay nagsabi na ng "Pakakasalan kita" ngunit iwinika niya ito para sa iba?
Bigla kong naalala na matalik nga lamang pala kaming magkaibigan at hindi magka-ibigan.
"Pakakasalan din kita, mahal!"
Sa wakas ay nasambit na rin niya ang pinakahihintay ng lalaking mahal ko. Magpapakasal na silang dalawa ng kaibigan ko.
Dali-dali akong umalis at nang pagkauwi ay may nakita akong mensahe sa aking telepono na nagsasabing...
"Bakit ka nawala kanina? Pumayag na siya. Salamat nga pala sa tiyaga at suporta noong nililigawan ko pa lamang siya. Ngayon ay malapit na kaming ikasal, nais ko sanang ikaw ang unang maging taga-pagdalo't abay sa amin."
"Salamat sa lahat ng nagawa mo, kaibigan!"
Napapikit ako nang mariin at dinama ang mainit na likidong tumutulo mula sa aking mga mata.
Una pa lamang ay nais ko na talagang isambit sa kaniyang harapan ang katagang "Pakakasalan kita", ngunit hindi ko magawa dahil ang katagang iyan ay siya ang dapat magwika... ngunit isinambit niya para sa iba.
-hulyo 1, 2022
![](https://img.wattpad.com/cover/286465954-288-k465231.jpg)
YOU ARE READING
Untology [Stories]
Acakthe art of studying untold stories -random genres ahead 2019-2022