Chapter 38
THIRD PERSON
Nagtataka man sa ikinikilos ng kaniyang itinuturing na apo ay pinabayaan na lamang ni Crown Prince Adelfino si Elena sa pagpapaalam niya.
Kilala na nito ang dalaga at alam nitong hindi siya basta-basta magsasabi ng saloobin. Nararamdaman ng matanda na may itinatago ang dalaga at nag-aalala ito para sa kaniya.
Ipinokus nalang nito ang atensyon sa dalawang nilalang na kararating lang sa loob ng bulwagan.
Si Prinsipe Sans naman ay agad na hinanap ng mga mata ang dalaga lalo na at siya lamang ang dahilan kung bakit ito dumalo sa pulong. Nawala na sa pagpupulong ang isipan ng binata at agad nagpaalam sa ama para umalis. Nagdududa ito dahil alam nitong sabik na marinig ng dalaga ang usapan ng pagpupulong kaya nga ito nakiusap sa Crown Prince na isama siya.
"Did you see Elena?" Pagtanong ng binatang prinsipe sa kawal na nagbabantay sa labas ng bulwagan.
"I did not, Your Highness. Subalit.."
"Subalit ano?" Kunot ang noo nito habang hinihintay ang sagot ng kawal.
Yumuko ang kawal at nagsabing, "May naramdaman akong enerhiya sa isang silid-panauhin noong napadaan ako roon bago pa ako pumalit dito. Maaaring iyon ay kapangyarihan ng iyong hinahanap na binibini, mahal na prinsipe."
"Salamat, Nier."
Tuluyan nang umalis ang binata saka dumiretso sa harapan ng isang silid. Ramdam nito ang malakas na mahikang bumabalot sa buong silid kaya hindi nito maiwasang magtaka.
Habang mahimbing namang natutulog sa loob ng silid ang dalaga at hindi ininda ang kirot na dala ng lason sa katawan niya.
Kung titingnan ay normal lamang ang kondisyon ng dalaga ngunit ang totoo ay malubha na ang kalagayan ng katawan niya dulot ng lason.
"Elena!" Pagtawag ni Prinsipe Sans ngunit walang tugon itong narinig.
Sinubukan nitong hawakan ang seradura ng pinto ngunit isang pwersa ang tumulak dito palayo.
Sa isipan ng binata, hindi na ito dapat magtaka pa dahil noon pa man ay ugali na ng dalaga na maglagay ng harang sa kwarto niya. Maski gusto nitong kausapin ang dalaga, pinili nalang ng binatang umalis.
Sa kabilang banda, tatlong araw nang hindi mahanap ang dalaga sa mundo ng mga tao. Balot ng pag-aalala ang pamilya ni Elena sa kung ano na ang kalagayan niya.
Walang kahit ano'ng palatandaan na makapagtuturo kung nasaan man ang dalaga. Ang mga munisipal na pulis ay isinantabi muna ang kaso dahil ayon sa kanila maaaring naglayas lang ang dalaga at babalik naman pagkalipas ng ilang araw.
"Ang Ate niyo, hindi niyon kayang mag-isa. Paano na siya?" Mahinang wika ni Syrena, ina ni Elena. Pinipilit nitong h'wag ipakita sa mga anak ang kaba at tahimik lang na napausal sa isipan na sana ligtas ang kaniyang panganay na anak.
"Ma, I'm sure okay lang si Ate. Alam mo naman na kakambal yata no'n ang swerte eh," pagpapalakas ng loob na saad ni Blasia habang hinahagod ang likod ng ina.
Humugot ng malalim na hininga ang ina nila saka ngumiti. Tiningnan nito ang apat na mga anak at inisip ang asawang nagtatrabaho.
"Babalik si El, kaya magpakabait kayo tulad ng palagi niyang sinasabi."
BINABASA MO ANG
With This Magic (Book 1)
FantasySi Elena ang babaeng aksidenteng napunta sa mundo ng mga mahika. Isa na ba siya sa mga masuwerteng nilalang o malas sa tadhanang kinahahantungan niya? Marami itong nakilala, ang iba'y naging kaibigan. At ang iba'y naging kaaway. Ang pangungulila sa...