Note: Please listen to the above video for additional feels. 🥰
Chapter 9
"Marahuyo"
Year: 1997, Batanes (Past)
"Tagutaguan maliwanag ang... ano nga ulit ang maliwanag?" tanong ni Adam. Nagsimula itong humalakhak. Abala ito sa pagbibilang habang nakatalikod sa likod ng punong Narra nang makalimutan ang kanyang sasabihin.
"Buwan! Nakakainis ka naman Kuya Magic, eh!" sigaw ni Nico sa malayo. Hindi ito mapakali dahil halatang hindi marunong maglaro ang binatang kasama nila. Pilit itong nagtatago sa pulumpong ng mga bulaklak hindi kalayuan sa puwesto ni Adam.
"Sorry na, wala kasing ganitong laro sa amin, Nico."
"Kuya Adam. Wala ka bang kalaro noong bata ka?" saad ni Noah. Namumula pa ang kanyang pisngi habang nakatayo lamang sa likod ng binatang may suot ng masikip na damit. Tila ayaw na nitong pahirapan si Adam sa paghahanap.
Marahan siyang nilingon ni Adam. May kaunting kirot na dala ang tanong ng batang si Noah. Nakasandal pa rin ang mga kamay ni Adam sa puno nang sumagot ito. "Hindi, eh. Madalas kasi akong maglaho kaya iniiwasan ko ang makipaglaro sa ibang mga bata noon."
"Kawawa ka naman." Bigla siyang niyakap ni Noah. Bagamat hanggang hita lamang niya ito, ramdam ni Adam ang pamilyar na yakap ng batang magiging nobyo niya pagdating ng panahon.
"Okay lang iyon." Mabilis na naalis sa pagkakadantay ni Adam sa puno. Marahan itong yumuko at sinimulang haplusin ang buhok ni Noah. "Nakakalaro ko naman kayo ngayon dahil sa kakayahan ko."
"Noah, nakakainis ka naman! Magtago ka na," bulyaw ni Nico. Sa lakas ng boses niya ay agad na natukoy ng dalawang kalaro nito kung saan siya nagtatago. Napalingon sina Noah at Adam sa likod ng palumpong ng gumamela habang pinipigilan ang mga tawa nila.
"Oh, sige na. Nagagalit na iyong batang madungis. Magtago ka na, dali," saad ni Adam. Mabilis itong tumalikod habang maliksing humarurot si Noah patungo sa pinagtataguan ni Nico.
"Doon ka sa iba magtago. Ang daya mo naman, eh," reklamo ni Nico. Nakatuwad pa ito at nilagyan pa niya ng mga dahon at gumamela ang kanyang ulo para magmukhang halaman.
"Alam na niya kung saan ka nagtatago, baliw!" tumatawang saad ni Noah. Maingat nitong inalis ang mga bulaklak sa ulo ni Nico at dinala ito sa likod ng isa pang puno. "Dito tayo magtago."
Sa kanilang puwesto ay kitang-kita nila si Adam na nakatalikod. Ang masikip na suot nitong bestida ay kumukurba sa malaki niyang katawan at matambok niyang puwet. Panay ang halakhak ni Nico nang nagsimulang maghanap si Adam.
"Nico, huwag kang maingay," saway ni Noah. Natatawa na rin ito habang pinagmamasdan ang pinsan niya kanina pa humahagikgik. Panay ang bulungan nila sa likod ng malayong puno.
"Kasi naman, ang pangit ng suot niya," bulalas ni Nico. Bahagyan narinig ni Adam ang tawa nito at marahang naglakad patungo sa kanilang direksyon.
"Bakit kasi damit ni Tita Norma ang dala mo?" reklamo ni Noah. Ang bilis ng tibok ng puso nito dahil iniisa-isa na ni Adam ang mga halamang malapit sa kanila.
"Ikaw nga dapat nagdadala ng damit niyan, eh. Pinakiusapan mo lang ako kasi galing ka school mo," sagot ni Nico.
"Shhh! Ayan na siya!"
Sabay silang napayuko. Naririnig nila ang mahinang hakbang ng taong naghahanap sa kanila mula sa kabilang bahagi ng talampas. Ang mga kaluskos ng damo na tinatapakan nito gayundin ang mga tuyong sangang nababali dahil sa kanyang bawat paghakbang. Nakapikit sina Noah at Nico habang naghihintay na mahanap sila ni Adam.
BINABASA MO ANG
Kiss the Rain (The Time Traveler's Boyfriend Book 4)
Science FictionThe Time Traveler's Boyfriend Book 4