Chapter 11
"Their First Meeting"
Year: 2013, Metro Manila (Present)
Adam's POV
Maulan. Mausok. Mahamog. Ewan ko ba kung anong nakain ko at tumuloy pa rin ako sa sinasabi nilang Christmas Party. Kalahating oras na akong palibot-libot sa lugar na nakasaad sa papel na hawak ko pero hindi ko makita ang sinasabi nilang Marahuyo Hotel.
Pambihira talaga!
Ang nakakainis pa, wala akong dalang payong. Mukha akong tanga sa suot ko. Tuxedo na kulay itim pero nakasumbrerong pang delivery guy na ginagamit naming pang sideline ni Tristan. Wala, eh. Kailangan ko ng pantakip sa mukha ko. Kung wala akong taklob, malamang hindi na ako nakalayo sa apartment nang walang nagkakagulo sa itsura kong ito.
Saan nga ba ako nagmula? Malalaman ko na kaya?
Anak ng tokwa! Ang malinis kong pantalon na iningatan kong hindi mabasa biglang naputikan. Ito ay natalsikan ng nagmamadaling taxi.
Bad trip!
Gumilid muna ako sa isang sulok at nagpatila ng ulan. Kaunti na lang at malapit na talaga akong umuwi. Tinignan ko ang mga sasakyang hindi gumagalaw sa aking harapan. Madilim na. Sinasalo ng malakas na ulan ang lahat ng ilaw sa kalsada. Sa gilid ng eskinita ay may pila ng mga taong pasakay ng bus. Pinagmasdan ko ito. May driver na hinihingal at ang ilang bahagi ng sasakyan ay kinakalawang na. Siningkitan ko ang aking mata. Sa apat na buwan ko rito sa Maynila, bakit hindi nga ba ako sumasakay ng bus? Tumila na ang ulan. Sinubukan kong humakbang patungo sa pila ng sasakyan.
Isa..
Dalawa...
Napahinto ako. Biglang bumilis ang tibok ng aking dibdib. May kakaibang takot na bumalot sa aking katawan na siyang nagpatigil sa akin sa pagpunta sa bus.
Hindi ko maintindihan.
Biglang kumidlat. May mga imaheng lumitaw sa aking isipan. Imahe ng isang binatang hinahatak ko patayo sa aming sinasakyan. Nagpupumiglas siya habang pinipilit ko siyang hatakin patalon. May bangin. May bato. May gubat. May dagat na may malalakas na alon. Hindi ko na nakita ang mga susunod na nangyari dahil lalong sumakit ang ulo ko. Napaupo ako sa aspalto. Ang likod ko ay nakasandal sa pader sa madilim na eskinita. Inipit ko ang aking ulo sa pagitan ng dalawa kong tuhod. Huminga ako nga malalim hanggang sa mawala ang pananakit nito.
Ilang minuto pa ay tumila na ang ulan. Nagbuga ako ng mainit na hangin habang ninananam ang paggaan ng aking isipan. Wala na ang mga imahe. Nakatingala ako habang nakatingin rin sa langit na walang buwan. Walang liwanag. Walang bituin.
"I'm just a speck in the universe." May biglang bumulong sa ulo ko.
Ayan na naman ang kakaibang boses. Boses na tila may kausap na ibang tao. Muli akong napayuko. Pinilit kong takpan ng aking palad ang aking mga tainga. Nangingibabaw ang malabong boses sa aking utak kahit malakas ang busina ng mga sasakyan sa aking harapan. Naririnig ko ang mga bulong ng isang tao. May mga sinasabi siyang hindi ko naiintindihan. Higit sa lahat, may dalang lungkot ang bawat himig na kanyang pinapakawalan. Pinikit ko ang aking mga mata. Tanging silweta ng isang binata ang nakikita ko.
Nakangiti. Walang pangitaas. Hinahaplos ang buhok ko.
"You are my universe in a speck!" bigla kong isinigaw sa eskinita. Kusang lumabas ang mga salitang iyon sa aking bibig. Mabilis na napalayo sa akin ang mga taong dumadaan sa pag-aakalang nababaliw na ako.
Hindi ko alam kung saan ko nakuha iyon.
Kung bakit ko nasabi.
Kung para kanino.
BINABASA MO ANG
Kiss the Rain (The Time Traveler's Boyfriend Book 4)
Science FictionThe Time Traveler's Boyfriend Book 4