Chapter 14
"Kilometrong Layo"
Year: 2013, Batanes (Present)
Adam's POV:
Abala ako sa pagmunimuni habang nakaupo sa eroplano. Kagagaling ko lamang sa J.S. Prom ng taong 2006. Nakangiti pa ako habang inaalala ang mga kaklase ko sa Saturnino High School. Ang kakaiba naming samahan. Ang nobyo kong iniwasan ako noon gaya ng ginagawa niya ngayon.
Tanging si Noah ang lumulutang sa isip ko. Kung ano ang ginagawa niya. Kung kumain na ba siya. Kung nakakatulog ba siya nang wasto. Kinakagat ko ang aking mga labi. Pinipigilan ko ang muling pangbanggit sa pangalan niyang paulit-ulit kong binibigkas mula pa noong isang araw.
"Ngayon ko lang nauunawaan ang lahat," bulong ko. Lumilipad ang aking isipan habang inaalala ko ang nangyari sa Prom. Ang ginawang pagtakbo ni Noah patungo sa katawan kong muntikan nang maglaho sa gitna ng buong paaralan. Ang mainit niyang yakap. Ang mga katagang binitiwan niya sa akin noon. "Pambihira talaga ang tadhana. Kung hindi niya isinulat mga liham niya para sa batang bersyon niya, malamang-"
Natigilan ako sa pagmunimuni nang biglang kumirot ang mga sugat ko. May isa sa pulso at mayroon ding sa braso. Bagamat nagamot naman nang maayos, sariwa pa rin halos ang mga ito. Mga sugat na sanhi ng dinala kong mga pilas ng papel sa 2006 at nang dalhin ko si Owlie sa 1996.
"Rule number one," bulong ko. Tila kinakausap ko ang aking sarili sa salamin ng bintana. Umaapaw ako sa tuwa dahil maging ang buo kong pangalan ay naalala ko na. "Hindi ka puwedeng magdala ng kahit ano, Adam Banawag Ambrosi."
Muling akong napabuntong hininga habang nagbibilang ng mga ulap. Kumikinang ang mga ito na tila nilinyahan ng pilak at ginto. Tinitiis ko ang mga sugat na sanhi ng pagdadala ko ng mga bagay sa aking pagtalon sa ibang panahon.
Walang sinabi ang mga sugat na ito sa mga magagandang regalo na kapalit ng aking mga sakripisyo.
"I can't believe it!" bulalas ni Sky. Bumalik ang diwa ko sa kasalukuyan nang bigla siyang napasigaw. Panay ang tayo nito kahit bumabalentong na ito sa loob ng eroplano. Mahigpit ang kapit nito sa upuan at pilit na nililingon ako. "Buhay ka talaga! Saan ka galing? Bakit ngayon ka lang nagpakita?"
"Umupo ka nga!" sigaw sa kanya ni Nico. Mahigpit ang kapit nito sa kanyang nobyo. Kanina pa ito nananaway dahil panay ang gewang ni Sky sa loob ng eroplano. "Mr. Sky Fajardo! Kapag ikaw talaga hindi umupo, iyang leeg mo lalagyan ko ng seatbe-"
"Teka lang! Gusto kong malaman ang lahat!" giit ni Sky. Pinisil nito ang pisngi ni Nico na ayaw siyang tantanan.
"Mamaya ko na ikukuwento sa iyo. Umupo ka muna!" utos ni Nico. Pumuputok na halos ang ugat nito sa leeg kahahatak sa katabi niya. Nagkakagulo ang magkasintahan sa eroplano. Para silang maiingay na estudyante sa isang klase. Umaalingawngaw ang kanilang mga boses hanggang sa magkabilaang dulo ng private jet ng mga Fajardo.
"Quiet!" hiyaw ni Regina. Nakalimutan kong katabi ko nga pala siya. Ginitgit ang sarili niya sa tabi ko mula nang sumakay kami sa eroplano. Nanlilisik ang mata nito habang nakahalukipkip sa kaliwa ko. "Ang iingay ninyo!"
Mabilis na napaupo si Sky. Inilagay nito ang kanyang seatbelt at tila masunuring bata kung sumunod. Si Nico ay agad ding napatikom ang bibig. Kinakabahan ito sa ate niyang halatang umuusok na ang ilong habang nakaupo sa kanyang likod.
"Sky, baby. May sako ka ba diyan. Mukhang kakailangan ko ulit isalpak kay ate." Natahimik si Nico nang may lumipad na takong sa kanyang ulo. Agad akong nilingon ni Regina at pinipilit pa nitong ngumiti.
BINABASA MO ANG
Kiss the Rain (The Time Traveler's Boyfriend Book 4)
Science FictionThe Time Traveler's Boyfriend Book 4