Simula

211 13 2
                                    


Walong taong gulang pa lamang ako noon nang magsimula akong magkagusto kay Rocket.


Una ko siyang nakita sa bangketa na nagtitinda ng sigarilyo, candy at tubig sa mga sasakyang naiipit sa matinding trapiko. Marungis pa siya at may butas ang damit. Ngunit ang mas nakaagaw ng pansin ko ay ang mga pasa niya sa mukha, braso at binti.

"Bibili ka ba?" kunot-noong tanong niya. "Kanina ka pa nakatingin sa'kin, eh."

Kinapa ko ang bulsa sa palda ko pero singkwenta sentimos na lamang ang natira dahil pinambili ko ng lapis nang mabali ang luma kong pangsulat. Lihim akong ngumuso at muling tumingin sa kaniya nang magpakawala siya ng mahinang tawa.

"Ang ganda ng uniporme mo pero wala ka pa lang pera."

Imbes na mainsulto at mainis ay tinabihan ko siya sa gilid ng kalsada. Lalong nagsalubong ang kilay niya at nagtatakang pinanatili ang mga mata sa akin.

"Ilang taon ka na?" tanong ko. "Saan ka nakatira?"

Umusog siya ng kaunti palayo sa akin saka mahinang nagmura. "Ikaw siguro 'yong batang kasama ng puting van, 'no? 'Yong ginagawang pain para makakuha pa ng mga bata at dadalhin sa liblib--"

Natigil siya sa pagsasalita nang malakas akong tumawa. "Kung kasapi ako ng mga kidnapper, kanina pa sana kita tinulak do'n!" Saka ko tinuro 'yong puting van na nakaparada sa tapat ng sikat na restawran.

Bigla siyang napatayo habang mahigpit ang kapit sa kaniyang mga paninda dahilan para lalo akong matawa.

"Takot ka pala, eh!" pang-aasar ko pa.

Dismayado siyang napailing. "Ang aga mong nabaliw," aniya pa sabay talikod at nagdadabog na umalis.

Napahawak ako sa tiyan dahil sa matinding pagtawa. Parang iyon lang, natakot na siya. Kalalaki niyang tao. Pero kunsabagay iyon naman talaga ang karaniwang panakot sa mga bata ngayon na sobrang bilis nilang pinaniniwalaan.

"Hoy!" Napaigtad ako nang may tumapik sa likod ko. "Anong nakakatawa? At sino na naman pinagtitrip-an mo?"

"Bella!" natutuwang sambit ko. Kaklase ko siya sa maliit at hindi tanyag na pampublikong eskwelahan sa south border ng Royal Empire. "Sayang, hindi mo nakita 'yong batang lalaki kanina."


"Oh, bakit iba 'yang ngiti mo?" mapanuring asik niya. "Crush mo?"

Halos mapunit na ang labi ko sa sobrang pagngiti. "Medyo..."

"Ay, sus!" Inakbayan niya ko at sabay kaming lumakad pauwi. "Gwapo ba?"

"Oo."

"Anong itsura? Taga-saan?" puno ng kuryosidad niyang saad. "Anong pangalan?"

"Gwapo at kulay pula ang buhok," kinikilig kong sambit. "Kaya lang hindi ko natanong ang pangalan. Masyado siyang seryoso sa buhay, eh."

"Pula?" Kumunot ang noo niya. "Saan nag-aaral? Pinayagan siyang makapasok sa paaralan nang ganoon ang kulay ng buhok?"

"Parang hindi naman siya nag-aaral. Nagbebenta siya ro'n sa bangketa kanina."

"Anong binebenta? Teka, parang--" Nahinto siya sa pagdaldal nang sa malayo pa lang ay nakita na niya ang kuya ko. Dahilan para maghugis puso na naman ang mga mata niya. "Ang gwapo talaga ng kuya mo, sis!" Sabay hampas sa akin.

Last HeartbeatTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon