"'Tol, bakit ka nga ba nagpakulay ng buhok?" puno ng kuryosidad na tanong ni Kuya Shadow. Gamit ang cue stick ay tinira niya ang numero tres na siyang tumama sa numero kwatro at nahulog sa side pocket. "At red pa talaga?"Nangunot ang noo ni Kuya Rocket. "Hindi ko pa ba nakwento sa inyo?"
"Magtatanong ba kami kung hindi," naiiling na wika ni Ate Gretel saka nagbaba ng baraha.
Nandito kami ngayon sa bilyaran, nakatambay dahil Linggo, walang pasok sa eskwelahan at walang trabaho ang kapatid ko.
"Ang tagal na nating magkakaibigan, hindi mo pa rin kinukwento," sabi ko naman.
Sobrang bilis ng araw dahil mahigit isang taon na rin nang mabuo ang aming barkada. Pamilya na nga ang turingan namin dahil kapag may problema ang isa ay tumutulong agad ang tatlo.
"Wala namang espesyal na istorya kung bakit pula ang buhok ko," buntong-hininga niya saka tinira ang numero nuwebe. "Nagpakulay ako ng pula dahil paborito ni nanay ang kulay na 'yon. Nang pinakita ko sa kaniya ang buhok ko, nagustuhan niya. Gustong-gusto niya dahil nakikita niya raw sa akin ang tatay kong umabandona sa amin. Na hanggang ngayon ay mahal na mahal pa rin niya."
Awtomatiko kaming natahimik. Masyadong sensitibo at malalim na ang kaniyang hugot. Kapag ganoon ay pinakikinggan lang namin siya dahil iyon ang mas makabubuti. Kaysa magkomento ng "okay lang 'yon kasi maayos naman ang buhay niyo ngayon", "makakarma rin siya", "alam mo ba kung nasaan siya?", "may balita pa ba kayo sa kaniya?". Hangga't maaari ay iniiwasan naming magsalita ng mga ganoon dahil ramdam namin kung gaano kalalim ang sugat ng iniwan ng kaniyang ama sa kanilang pamilya. Hindi kailanman namin inusisa ang mga bagay na iyon sa kaniya dahil naiintindihan namin na kapag gusto niyang ikwento ay ikukuwento naman niya sa tamang oras at kung kailan siya handa.
"Hindi ba't may pangkulay na permanent at temporary?" patuloy niya. "Ang plano ko lang ay pangtatlong buwan. Pero hindi pala kami nagkaintindihan ng baklang 'yon sa salon dahil permanent ang kinulay niya sa akin."
Nagkatinginan kami ni Ate Gretel at sabay na natawa.
"Buhay pa ba ang salon na 'yan?" untag ko pa.
"Oo, pucha." Talagang naasar siya sa nangyari. "Ginawan din yata ng ritwal dahil hanggang ngayon hindi maalis sa buhok ko."
"Hayaan mo na, 'tol." Ngumisi si Kuya Shadow. "Malay mo, dahil sa pulang buhok mo, d'yan ka sisikat."
Lalong nangunot ang noo niya. "Sisikat? Saan?"
"Sa sabong."
Humagalpak kaming tatlo sa pagtawa saka nag-high five.
"Dino-dog show niyo na naman ako," naiiling na aniya. Ang maganda kay Kuya Rocket ay hindi siya mabilis mapikon. Kaya lagi namin siyang inaasar, eh. "Si Gretel naman ang tanungin niyo kung bakit violet ang buhok niya."
"'Wag mong ibahin ang usapan," agad na kontra ni Ate Gretel. "Ipanglalaban ka pa namin mamaya sa manok na asul ni Mang Kanor."
Muling umalingawngaw ang malakas naming pagtawa sa buong bilyaran dahilan para mapaalis kami ng may-ari. Nagising kasi ang anak niya sa ingay namin. Humingi na lamang kami ng pasensya saka umalis na doon.
"Saan tayo ngayon?" kumakamot sa ulong tanong ni Kuya Shadow. "Hangga't libre pa ang oras ko."
"Kung hindi lang kayo nag-ingay kanina, eh, 'di sana nando'n pa rin tayo sa bilyaran," ngingisi-ngising bigkas ni Kuya Rocket. "May free lunch na rin sana tayo."
BINABASA MO ANG
Last Heartbeat
RomanceI was named as a traitor. I broke my friends' trust. I killed my biological family, my clan. That's why I feel like I'm not worthy of his love. I just want to protect him from behind. Even if it costs my life. He is my first heartbeat. Would he be m...