[00] STARTING POINT

82 2 2
                                    

<<ASTORIA KINGDOM - 2620>>

Mataman na pinagmamasdan ko ang lumang aklat na nasa aking mga kamay. Ang ilan sa mga pahina nito ay punit na. Hindi kumpleto ang mga tala. Sa kabila nun ay binasa ko pa rin ito. Dahil, iyon ang utos ni Ama.

Ang mga sumusunod na taon ay mahalagang detalyeng naiwan pa mula sa dating Daigdig (Planet Earth) bago ito tinawag na Arcadius- 2033-2510 isinulat ni Dr. Kilon Rayger.

Taong 2033, naitala ang kauna-unahang pagkalikha ng worm hole o portal.

Taong 2034, unti-unting natutuyo ang mga anyong tubig.

Taong 2040, sumiklab ang WW3. Dito nagsagupaan ang naglalakihang bansa na may mataas na lakas pangmilitar, Ang mga bansang America kasama ang Nato, Russia, Japan, China at North Korea ilan pang bansang kapanalig nila. Maraming nasawi at nasira ang kapayapaan.

Taong 2043, nagkaroon muli ng epidemic. Isang nakakahawang sakit na hatid ng maruming hangin. Ang tinatawag nilang dark miasma. Sinalanta nito ang bansang Israel at ang ilang bansa sa middle east na ikinamatay ng bilyon-bilyong katao.

Taong 2050, naganap ang the 'big ones' sa bansang Pilipinas, na siyang naging sanhi ng paglamon ng karagatang pacific sa buong kalupaan nito.

Taong, 2056, mas tumindi ang climate change. Natunaw ang yelo sa north and south pole.

Taong 2058, mas tumindi pa ang epekto ng dark miasma at nagkaroon ng mutation sa bawat nabubuhay na organismo. Dito nagsimulang magsilitawan ang mga nilalang na akala ng lahat ay sa myth lamang makikita.

Taong 2059, nadiskubre ang kakaibang enerhiya mula sa kapaligiran na tinawag nilang pure energy o mana.

Taong 2066, isang malaking meteorite ang tumama sa buwan. Ito ang dahilan kung bakit hindi kumpletong bilog ito. At ang mga malalaking tipak ng buwan ay bumulusok patungo sa iba't ibang parte ng daigdig. Halos kalahati ng kabuuang bilang ng populasyon ang isang iglap naglaho. Nasira ang balanse ng daigdig. Lumutang ang ilang mga kalupaan sa himpapawid.

Taong, 2069, patuloy ang pagpinsala ng dark miasma sa mundong ibabaw.

Taong, 2071, natuyo ang halos kalahati ng anyong karagatan sa daigdig. Dito nagsimulang magbago ang lahat.

Taong 2082, binago ang pangalan ng Daigdig at ginawa itong Arcadius na binubuo ng tatlong naglalakihang kuntinente. Ang Ysteria, Aster at Lydria.

Taong 2083, tinatag ang maraming colony o kaharian sa bawat sulok ng Arcadius.

Taong 2096, nakagawa ng prototype ozone layer na hugis dome ang bawat colony at kaharian laban sa matinding sikat ng araw.

Napakunot ang aking noo dahil maraming pahina ang nawala. Ilang beses kong hinanap ang ilan sa mga ito ngunit nabigo lang ako.

Taong 2500, ang taon kung kailan unang lumusob ang evil ones sa Arcadius sa pamamagitan ng isang portal. Dito rin ang simula ng pagtatag sa samahan ng mandirigmang tinatawag na Zoix-

"Anong binabasa mo?" singit ng isang tinig na ikinatigil ko sa pagbabasa.

"O? Auburn, ikaw lang pala." Isinara ko ang lumang aklat at itinabi iyon sa drawer ko.

Ngumuso ang pitong taong gulang kong kapatid. "Ang damot! Nakita ko kaya 'yon?"

Umiling ako bilang tugon sa kaniyang tanong: "Pinababasa sa 'kin ni Ama ang tungkol sa kasaysayan ng lumang Daigdig bago pa ito naging Arcadius."

Sandaling napahawak sa maliit niyang baba si Auburn bago nagsalita. Lumiwanag pa ang kaniyang mga mata. "Ah? Hindi iyan kumpleto. Mula sa taong 2096 nawala ang maraming datos hanggang sa 2500 na ang kasunod."

Pasimple akong umiling. Hindi mahalaga na basahin ko pa ang librong 'to. "'Di bale na. I won't be reading this, because tomorrow, father will sent me to Thurna."

Tumingin ako sa kakaibang kulay ng buhok ng kapatid ko. Kulay itim ito ngunit may halong lila, samantalang ang sa 'kin ay itim na itim, na hindi pangkaraniwan sa aming angkan. Itinuturing ang mga Astorian na may dugong bughaw. Sila ay may natatanging kulay ang buhok, hindi mawawala ang highlights. Tanging ako lamang ang nag-iisa sa aming angkan na may itim na buhok.

Napansin ko ang paglukot ng ekspresyon ng mukha ni Auburn. "Aalis ka talaga? Papayag ka sa nais ni Papa?"

Pumayag nga ba ako? Bilang isang ampon, wala akong karapatang magmatigas ng ulo at maging suwail na anak. Palaging 'oo' ang sagot ko sa nais niya — nila.

Nagpakawala ako ng mahinang buntong hininga habang pinaglalaruan ang dulo ng aking mga daliri. "Wala akong choice. Kailangan kong gawin 'to."

Mabilis na umangal si Auburn dahil sa sagot ko. "Pero, Ruka! Bakit ikaw lang ang pinapaalis nila dito sa Astoria? Bakit ikaw pa? Bakit ang iba na mas matanda sa 'yo, tulad nina Ate Reshia at Kuya Maxhel ang ipadala sa mundong ibabaw?"

Minsan naiinggit ako sa lakas ng loob ng kapatid kong ito. Siya lang ang nag-iisang tumanggap sa akin, maliban pa kay Lolo.

"Ang utos ay utos," pinal kong pahayag.

Nanlulumo siyang umupo sa tabi ko. "Pero 'di ibig sabihin kailangan sundin."

"Kung para sa ikabubuti ng ating kaharian ang gagawin kong pag-alis, bakit 'di ako susunod?"

"Pero kahit na!"

Marahan kong hinaplos ang kaniyang malambot na buhok. "Huwag na matigas ang ulo, Auburn. Alam ko na nag aalala ka para sa kapakanan ko. Pero, kailangan ko 'tong gawin."

"Ang unfair lang kasi, Ruka." Nagsimula na siyang humikbi. "Narinig ko ang usap-usapan ng ibang mga Astorian. Posibleng 'di na kita makitang muli. Ayaw ko nun!"

Bahagya akong nagulat nang mahigpit niya akong yakapin. Tila, ayaw niya akong pakawalan. Parang piniga ang puso ko dahil sa kaniyang reaksyon sa aking pag-alis.

"Maging si Mama, payag sa pag-alis mo. Ako lang ata ang nag-iisang ayaw kang paalisin dito."

Ginantihan ko ang kaniyang yakap habang marahang hinahaplos ang nanginginig niyang likuran. "Alam naman natin na mula pa noon, hindi na nila ako gusto. Siguro, magandang bagay na rin ang paglisan ko."

Tumunghay siya sa akin. "Iiwan mo ako?"

Nasaksihan ko ang paglandas ng mga luha sa kaniyang malungkot na mga mata.

"..." Hindi ako nakatugon sa tanong niya. Ayaw ko siyang saktan o paasahin.

"Maari bang dumito ka na lang?"

Kung maari ay ayaw kong umalis. Pero, kailangan.

Umiling ako. "Darating ang panahon, muli tayong magkikita. If that time comes, I won't leave again."

Nagliwanag ang mukha ni Auburn dahil sa narinig niya mula sa akin. "Promise?"

Lihim akong napalunok. Sana balang araw ay matupad ko ang pangakong ito.

Ngumiti ako sa kaniya: "Promise."

Ngunit hindi ko inakala na hindi ko matutupad ang pangakong iyon sa aking kapatid. Isang pangyayari ang babago sa buhay ko maging sa kalagayan ng Arcadius. At iyon, kailanman, ay 'di ko pinagsisihan.

...

PLANET ARCADIUS: Zoix WarriorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon