Habang nakahiga si Yara sa kama katabi si Jea, nakasalampak naman si Dri ng upo at nakasandal sa sofa. Nanonood sila ng Breaking Dawn kung saan kasal nina Bela at Edward kasabay ng pagtugtog ng Flightless Bird, American Mouth by Iron & Wine.
"Naisip mo bang mag-aasawa ka?" biglang tanong ni Dri. Napatingin si Yara dito na nakatingin sa kaniya. "Wala lang, gusto ko lang makipagkuwentuhan."
Ngumiti si Yara at ibinalik ang atensyon sa TV. "Parang halos lahat naman ng babae, gustong ikasal. Siyempre, gusto ko . . . gustong-gusto. Pero sa tuwing iniisip kong hindi ako enough para sa mapapangasawa ko, ayaw ko na pala."
"Bakit mo ba kasi iniisip na hindi ka enough?" Komportableng sumandal si Dri sa sofa na nasa likuran nila ni Yara. "You're being too hard on yourself. Lahat naman tayo, enough, Yara."
Matagal bago sumagot si Yara. Nakita ni Dri na nakatitig ito kay Jea na natutulog at hinahaplos ang mahabang buhok ng batang binabantayan nila.
"Alam mo, gustong-gusto kong magkaanak. As in, gusto ko. Gusto ko 'yung katulad ng mga ginawa ko kay Jea. Paliliguan ko siya tapos gusto niya ng bubbles, iipitan ko ang mahabang buhok niya, bibihisan ko siya ng mga dress." Ngumiti si Yara nang hindi inaalis ang tingin kay Jea. "Ang cute, sobra."
"Bakit hindi mo gawin?" tanong ni Dri.
Umiling si Yara. Nakatitig pa rin ito kay Jea. "Natatakot akong magluwal ng bata sa mundong 'to. Mapanghusga, magulo, ipararamdam na hindi ka sapat, aalilain ka, at hindi natin alam kung ano pa. I had a rough childhood, hindi man ako physically sinasaktan ng kahit na sino, pero emotionally, na-drain ako sa kanilang lahat." Mahina itong natawa.
Natahimik si Dri sa sinabi ni Yara.
"Lahat sila, lahat ng taong nakasasalamuha ako, pakiramdam ko, hindi ako sapat sa kanila. Siguro nga, I'm just being too hard on myself, pero hindi rin kasi alam ng ibang tao ang totoo," pagpapatuloy ni Yara.
"Kasi you're not speaking up," ani Dri. "Puwede mong sabihin sa mga tao sa paligid mo ang nararamdaman mo, you don't have to keep it to yourself at maraming nagbubuwis ng buhay dahil diyan."
Ayaw mang sabihin ni Dri ang tungkol doon dahil baka triggering, pero kailangan din. Maganda na ang topic nila, lulubusin na niya.
"Alam ko. But you know that it will never be easy to talk about emotional and mental health." Umayos ng upo si Yara at paharap na tumingin kay Dri. "Bata pa lang ako, ramdam ko na. Imagine waking up for twenty-three years thinking you're not good enough? I am twenty-seven, but I was four when they told me I wasn't like my sister."
Nagsalubong ang kilay ni Dri. Mababa ang boses ni Yara at halos pabulong silang mag-usap para hindi magising si Jea. Hindi rin ganoon kalakas ang TV.
"Ayaw ko man, simula nang maramdaman ko 'yun, nagkukunwari ako sa harapan ng ibang tao na maayos lang ang lahat, pero hindi. Deep inside, those words were eating me alive." Yara forced a smile. "Sa school, na-bully ako kasi mataba ako. Maasim daw ako kasi mataba ako, maitim daw ang leeg ko, hindi raw ako maganda. Ang mga salitang 'yun, dinadala ko 'yun hanggang sa ngayon."
Yumuko si Yara. "Simula n'on, hindi na ako masyadong kumakain. I restricted myself, kaya ako payat. Nag-suffer pa nga ako sa bulimia noong college para lang kahit paano, mag-lose ng weight. Nag-exercise ako kahit mahirap, sinubukan ko."
Hindi nakapagsalita si Dri. He became the listener this time. Hindi ito ang panahon ng pagbibiro, panahon ito ng pakikinig sa taong kailangang maglabas ng hinaing kaya naman hinayaan niyang magsalita lang si Yara.
"Hindi ako matalino kasi wala ako sa top, hindi ako magaling sa kahit ano . . . I was practically nothing," nakangiting pagsasalaysay ni Yara habang nakatingin kay Dri. "Nakuwento ko sa 'yo ang nangyari n'ong elementary ako. Doon nagsimula ang insecurity ko pati na ang pagiging mailap ko sa iba."
