Pinilit ulit ni Yara ang sarili na matulog para makalimutan ang pag-iisip, pero nagising siyang parang may nakadagan na kung ano sa dibdib niya. Pakiramdam niya, lunod na lunod na siya.
Para siyang tumakbo nang sobrang layo dahilan ng paghangos niya, para siyang nasa ilalim ng tubig na hindi makasagap ng hangin, pakiramdam niya, pipikit na ang mata niya.
Naririnig din niyang tumutunog ang oxygen meter niya kasabay ng pagdating ng mga nurse para bigyan siya ng gamot. Pangatlo na ngayong araw dahil nahihirapan siyang huminga. Tumataas din ang lagnat niya at lalong sumasakit ang katawan na parang nabugbog.
Nakita rin niya na mas dumami ang rashes niya sa katawan lalo na sa may bandang kamay. Hindi siya sigurado kung parte ba iyon ng COVID at ayaw na niyang alamin.
Guminhawa ang pakiramdam niya, pero nagdidilim ang paningin niya.
Hindi nawawala ang pakiramdam ng nakadagan sa dibdib niya na nagiging dahilan ng malalim na paghinga. Paisa-isang singhap na rin ang ginagawa niya. Naririnig niyang may sinasabi ang mga tao sa paligid niya, pero hindi na nagpoproseso sa isip niya hanggang sa maramdaman niyang gumagalaw ang kama na parang itinutulak, hindi niya alam.
Bawat dinadaanan, ilaw ang nakikita niya sa kisame. Hindi na basta oxygen sa ilong ang tumutulong sa kaniya sa paghinga. Naramdaman niyang covered na ang ilong at bibig na niya ang ang sakop noon.
Yara was about to completely close her eyes when they entered a room full of glass. Gusto niyang ipalibot ang tingin sa area na may kadiliman. Bumalot din sa kaniya ang malamig na pakiramdam ng nasabing kuwarto nang makarinig siya ng kakaibang tunog.
She completely opened her eyes and saw a man lying on a bed. Nakapikit ito, maraming nakadikit sa dibdib at tumutunog, nakatubo na rin ang bibig.
Kilala niya ang lalaking iyon at nang magproseso na sa isip niya ang nangyayari, parang bumagal ang lahat. Parang tumigil ang mundo niya nang makita si Dri sa kuwartong iyon.
"Dri," mahinang sambit ni Yara. "Dri . . . ."
Walang sagot.
Parang lumabo ang buong paligid, bumilis ang galaw ng mga taong kasama niya, pero nanatili ang tingin niya sa lalaking nakahiga hanggang sa malampasan niya iyon.
"Bed three," narinig niyang sabi ng isang doctor na lumapit sa kaniya. In-explain nito na nasa ICU na siya. Sinaksakan siya ng mga gamot sa dextrose, nilagyang ng cardiac monitor, at sinabihan na for close monitoring siya dahil bumababa ang oxygen level niya kaya sumisikip ang dibdib niya.
Sinubukan niyang lumingon kung nasaan si Dri, kung tama ba ang nakita niya o nagha-hallucinate na siya dahil sa mga gamot na isinasaksak sa kaniya, pati na rin sa anxiety na nararamdaman niya.
She was having panic and anxiety attacks lately that she couldn't even eat. Sa tuwing susubukan niyang kumain, nasusuka siya.
"'Y-Yung k-kasama k-ko."
"Ano 'yun?" mahinahong tanong ng doctor. Naka-full PPE ito at mata lang ang nakikita niya.
Inangat ni Yara ang kamay para ituro ang kama na malapit kung nasaan siya. May isang kamang pagitan, kurtina na nagtatakip, pero naririnig niya ang tunog ng cardiac monitor.
"K-Kasama k-ko s-siya. A-Adriano," hingal na sambit ni Yara. "Kasama ko siya."
Nakita ni Yara na nagsalubong ang kilay ng doctor na nasa harapan niya, nagbago ang expression ng mga mata, pero walang sinabi.
Sinubukan niyang magtanong, pero hindi ito sumasagot at sinasabing magpahinga siya at huwag munang magsalita para hindi na siya mahirapang huminga.
Ang dami niyang gustong itanong, ang dami niyang gustong sabihin.
