Sa sinabi ni Dri, hindi nakasagot si Yara. Pareho na lang nilang ibinaling ang tingin at inobserbahan ang paligid hanggang sa makarating sila sa lugar na sinasabi ng ibang maraming stranded.
Nagulat sila na ang iba, nasa bubong na dahil halos abutin na ang mismong bubong ng baha.
Sa TV lang nakikita ni Yara ang ganoong sitwasyon noon lalo na at hindi nila iyon naranasan sa probinsya. Noong nakatira naman siya sa Manila, hindi naman ganoon kalala ang inaabot ng lugar nila.
Naunang bumaba ang mga nakasakay sa bangkang nasa gilid nila at nagsimulang mag-rescue. Dumiretso pa sila at sumunod sa isa pang bangkang nagpunta naman sa kanan, sa isang eskinita.
Nakita ni Yara na may mga taong basang-basa sa ulan, walang masisilungan, walang malalapitan. Sa naisip niya, bigla siyang ngumiti.
"Bakit ka nakangiti riyan?" tanong ni Dri na parang nagtataka. "Para kang kinikilig na hindi ko maintindihan."
"Wala kang pakialam," pasungit na sagot ni Yara, pero nakangiti pa rin siya.
Hindi naman niya gustong magbiro sa ganitong sitwasyon, pero umayon lang talaga ang kanta sa nakikita niya. Naalala rin niyang ganoon ang sitwasyon niya noong umalis siya sa condo at malamang na basang-basa rin siya sa ulan kung walang Dri na tumulong sa kaniya.
Nagpatuloy sila sa pagsasagwan hanggang sa makita nila ang isang pamilya na basa sa ulan at nasa bubong ng kaniya-kaniyang bahay. Seeing the entire situation, sobrang lala. Mukhang makakailang balik sila sa lugar para tulungan ang iba pa.
Muling tumingala si Yara at tiningnan ang kalangitang mukhang nagbabadya na naman ang malakas na ulan. Kung sa ibang pagkakataon, kung hindi siya sumama kay Dri, malamang na humahagulhol na naman siya sa condo dahil mag-isa siya.
Samantalang pasimpleng nakatingin si Dri kay Yara dahil iniisip niya kung ano na naman ang tumatakbo sa isip nito. Bukod sa malamlam ang mga matang nakatingin sa kung saan, kita niyang nilalaro nito ang sariling mga kuko.
Nabasa niya iyon noon sa isang post na sign iyon ng anxiety. Gusto man niyang magtanong o magsalita, alam niyang ayaw iyon ni Yara. Ibinaling na lang niya ang tingin sa paligid. Kung hindi pa sila kikilos, mas magiging malala ang sitwasyon lalo na at parating na rin ang mata ng bagyo.
Tumayo si Dri mula sa pagkakaupo nang matigilan dahil hinawakan siya ni Yara sa kamay. Tiningnan niya ito at bumalik sa pagkakaupo.
"Bakit?" nagtatakang tanong ni Dri. "Okay ka lang ba?"
"I-Ingat ka."
Ngumiti si Dri. Isang nakalolokong ngiti. "Yes, misis," pagbibiro niya, pero nagulat nang hampasin siya nito sa braso at itulak sa baha. "Hoy, ano ka ba?" singhal niya.
Inirapan lang siya ni Yara na ikinatawa niya. Nagpaalam siya sa mga kasama at nagsimulang lumangoy papunta sa isang bahay kung saan may mga stranded na isa-isa nilang tinulungan. Nakikita niya si Yara mula sa kinaroroonan niya na tinatakpan ng tuwalya ang matandang iniligtas niya, pinupunasan din nito ang batang basang-basa, at pilit na pinangingiti dahil mukhang natatakot.
Patalikod siyang lumangoy habang nakatingin kay Yara. Pinaupo pa nito ang bata sa legs at ipinagpatuloy pagtutuyo sa basang buhok ng bata.
Hinarap ni Dri ang kasama at sinundan ang lugar na mayroon pang mga stranded. Karamihan ng nahihirapang lumikas ay mayroong mga batang kasama, matatandang hirap nang kumilos, at mga alagang hayop na hindi maiwan.
Busy siya sa pag-rescue sa ilan pa kaya laking gulat niya nang makitang wala si Yara sa bangka at lumalangoy ito kasama ang isang rescuer na papunta sa isang bahay pa na may tatlong tao sa bubong.