Sa sinabi ni Dri, hindi alam ni Yara kung ano ang isasagot. Ni hindi niya alam kung paano susuklian ang mga ginawa nito para sa kaniya. Kung monetary, madali lang sana.
Yara was torn between trusting Dri or letting him go.
Ayaw niyang masaktan pa ulit. She had been hurt so much at ayaw na sana niyang magpapasok pa ng tao sa buhay niya. Ayaw niyang sa huli, iiwanan na lang ulit siyang mag-isa.
Dumating sila sa sementeryong tahimik lang. Nanatili ang tingin ni Yara sa bintana para hindi na siya kausapin ni Dri. Nauna na rin itong bumaba bago siya sumunod.
Hawak ni Dri ang bulaklak na binili nito at nasa likuran siyang nakasunod. Napansin niyang mukhang matagal nang hindi nakabibisita si Dri dahil medyo may karumihan na ang lugar kung saan nakalibing ang mommy nito.
"Simula pandemic, hindi na ako nakabisita rito." Tinanggal ni Dri ang mga dahong nakakalat sa nitso. Naupo rin ito sa damuhan. "Alam mo, sobrang sakit noong nawala si Mommy. Hindi ko alam kung paano ako magsisimula knowing nawala na ang kakampi ko."
Tahimik si Yara na nakaupo sa harapan ni Dri. Yakap niya ang binti at nakapatong ang baba sa tuhod.
"Simula noong ilibing si Mommy, hindi na ako umiyak kasi ayaw kong masaktan." Ngumiti si Dri. "Ikaw, kagabi—"
"Huwag mong ibahin ang usapan, Dri. Makikinig ako. Nakikinig ka sa akin, kahit hindi ako nagsasalita, nakikinig ka," sabi ni Yara. "This time, ako ang makikinig sa 'yo. Hindi ako magaling magpayo, malamang din na wala kang maririnig sa akin kasi hindi ako good sa words, pero makikinig ako."
Huminga nang malalim si Dri. Yumuko siya at tinanggal pa ang ilang tuyong damo sa gilid ng puntod ng mommy niya. "Galit na galit ako sa daddy ko noong iniwan niya kami para sa asawa niya ngayon. Nasaktan ako kasi mahal na mahal siya ng mommy ko, pero sinaktan niya. Naisip ko, wala namang ginagawang masama si mommy sa kanilang lahat, pero bakit nila sinaktan ang mommy ko."
Nagulat si Yara sa tono ng pananalita ni Dri, pero hindi niya iyon ipinahalata. Malayo iyon sa Dri na nakasama niya nitong nakaraan. Masayahin, nagpapatawa, at palaging nakangiti.
Ang Dri na nasa harapan niya at nakayuko, nakakuyom ang mga kamao, at mababa ang boses habang isinasalaysay sa kaniya ang nakaraan. Para itong batang sinaktan.
Tumingin si Dri sa kaniya at tipid na ngumiti. "Aaminin ko, takot akong pumasok sa relasyon, Yara," anito bago muling yumuko. "Sasabihin ko sa 'yo kasi kaibigan kita at alam kong hindi mo 'ko huhusgahan dahil alam mo ang pakiramdam, 'di ba?"
Tumango si Yara nang walang sinasabi.
"Takot akong pumasok sa relasyon kasi natatakot akong makasakit katulad ng ginawa ng daddy ko. Natatakot akong makita ang isang tao na umiiyak nang dahil sa akin, ayaw kong dumating ang araw na mang-iiwan ako, iiyak siya, tapos kasalanan ko," malungkot na sabi ni Dri. "Siguro, isang rason din 'yun kaya wala akong girlfriend. Kasi natatakot ako."
Ngumiti si Yara at iniabot niya kay Dri ang isang rosas galing sa bouquet. "Normal na matakot, normal na masaktan . . . pero kung apektado na niyon 'yung future decisions mo, may mali na."
"Parang ikaw?" tanong ni Dri. "Ikaw, napansin kong masyado kang takot sa mangyayari. You're overthinking, you built walls so you won't get hurt . . . you . . ." Huminto si Dri. "You push people away."
Yumuko si Yara dahil may katotohanan iyon. Mas gusto niyang walang taong pumapasok sa buhay niya para hindi masyadong masakit. Ayaw na niyang masaktan.
"Self defense." Mababa ang boses ni Yara. "Kapag kasi pakiramdam mo, masakit na . . . kapag nasaktan ka nang paulit-ulit, pakiramdam mo, lahat ng tao sa paligid mo, ganoon na. Pakiramdam mo, hindi mo na sila mapagkakatiwalaan. Parang ganoon." Pinilit niyang ngumiti. "Bihira akong umiyak, Dri. Bihirang-bihira."