Tinungga ni Dri ang isang bote ng tubig at muling ipinalibot ang tingin sa buong warehouse. Katatapos lang nilang maglagay ng mga kahon sa mga sasakyan at sobrang sakit ng katawan niya.
Nararamdaman niya ang pagpintig ng kalamnan niya sa legs pati na rin ang sakit mula sa talampakan.
Late na rin silang natapos sa pagpa-pack ng relief goods. Halos lahat sila, nakasalampak lang sa sahig habang kumakain ng burger na binili nina MJ at Mika para sa kanilang mga nag-volunteer.
Magkakaibigan at magkakakilala naman lahat ng kasama. Ang ilan ay bago sa paningin ni Dri, pero common friends lang din mula sa mga kaibigan din niya. Halos lahat ay professional na at may kaniya-kaniyang personal na ginagawa na sandaling isinantabi para makatulong kahit sa maliit na bagay.
Marami pa ring evacuee ang hindi pa nakauuwi sa kani-kanilang bahay dahil may kataasan pa raw ang baha at halos hindi pa humihinto ang ulan. Minsang lalakas, minsang hihina.
Saktong humikab si Yara nang mapatingin si Dri sa gawi nitong kausap ang mga kababaihan. Kausap naman niya sina Renzo, MJ, Dominic, at Diether na mukhang napansin kung saan siya nakatingin.
"Buti naging close kayo ni Yara," ani Renzo at umiling. "Medyo mailap kasi talaga siya sa ibang tao. Pili lang ang kinakausap, kahit noong college. Kasi alam mo 'yun, parang may trust issues?"
Tahimik lang si Dri na nakatingin sa burger na hawak niya.
"Kahit noong college, parang medyo naging problema pa siya nina Karol kasi madalas 'yang hindi sumasama sa mga gala lalo kapag may ibang kasama," dagdag ni Renzo. "May boyfriend 'yan for four years. Nako, sinasabi ko sa inyo, ang lala."
Sinalubong ni Dri ang tingin ni Renzo. Hindi siya nagtanong kung bakit, pero si Dominic ang mukhang interesadong malaman.
"Away, balikan, away, balikan." Mahinang natawa si Renzo. "Grabe 'yun. Sobrang toxic nilang dalawa kaya minsan hindi na pinapansin si Yara sa group chat. Hanggang sa isang araw, nagulat kami na fed up na rin pala. Mabuti na rin."
Naalala ni Dri ang nakita niya noong nanghihingi ng tulong si Yara sa mga kaibigan nito ngunit lahat ay nag-seen lang, pero walang sumagot. Yara didn't know he saw it on her screen.
"Nasaan na 'yung lalaki?" tanong ulit ni Dominic. "Base rin kasi sa nakikita ko kay Yara nitong mga nakaraan, medyo mahirap siyang kausapin? Ang tahimik tapos hindi mo alam kung paano mo gagawin 'yung conversation."
Nagsalubong ang kilay ni Dri habang nakikinig. May katotohanan naman ang sinasabi ni Dominic, pero halatang wala itong alam sa totoong nangyayari.
"Parang siya 'yung tipo ng babaeng independent at hindi aasa sa isang lalaki. Parang siya 'yung girlfriend na kahit iwanan mo, wala siyang pakialam sa 'yo," pagpapatuloy ni Dominic na mayroong nakalolokong pagtawa.
Mahinang natawa si Dri sa pagkaka-describe ni Dominic. Kung alam lang nito kung paano hina-handle ni Yara ang anxiety, kung paanong nagdudugo ang gilid ng mga kuko nito, kung paanong nanginginig ang mga kamay, at halos hindi makapagsalita kapag inaatake ng anxiety, hindi nito magagawang matawa.
Siya mismo ang nakakita at hindi niya iyon masabi sa mga kaibigan dahil hindi niya alam kung gugustuhin ba ni Yara na malaman iyon ng iba.
Paniguradong hindi.
Ngumingiti nga kahit hindi naman dapat, hindi ba?
Kung alam lang ng mas malalapit nitong kaibigan, kailangan ni Yara ng masasandalan. Yara looked strong on the outside, but the woman would break anytime soon.
"Oh, wait!" Dumiretso ang upo ni MJ at tumingin kay Dri. "Kailan pala uuwi ng probinsya si Yara? I might need to ask some favors since kakilala naman na natin siya."