Panay ang tingin ni Dri sa phone niya dahil limang araw na, wala pa ring paramdam si Yara sa kaniya. Simula nang ihatid niya ito sa bahay nina Rhian, hindi na ito nag-message o nakipag-usap sa kaniya.
Humikab siya at minasahe ang batok. Katatapos lang niyang magtrabaho.
Maayos naman silang naghiwalay, maayos naman silang nagpaalam sa isa't isa, pero walang news na kahit ano. Minsan siyang nagtitingin sa mga mutual friend nila kung mayroon bang update, pero wala. Kahit mismong account nina Rhian at Diether, tiningnan na rin niya.
Pagka-out ni Dri sa office, kaagad siyang dumiretso sa parking ngunit pagsakay pa lang niya sa sasakyan, nag-ring na ang phone niya at si MJ iyon. Simula rin noong naihatid niya si Yara kina Rhian, hindi na ulit sila nagkausap ni MJ.
Pilit niyang itinatanong kung magkano ang babayaran sa accommodation, pero ayaw nitong sabihin sa kaniya.
"Oh, pre, bakit?" Humikab muli si Dri at isinandal ang likuran sa komportableng upuan ng sasakyan. "Pauwi pa lang ako, ano'ng meron?"
"Busy ka, pre? May relief operations kasi kami sa mga nasalanta, eh. Mamimili at magpa-pack kami ng reliefs," sabi ni MJ. "Medyo marami naman na, pero kung gusto mo lang magpunta, ise-send ko sa 'yo ang address."
Tumingin si Dri sa orasan at sandaling napaisip. "Sig—"
Hindi na niya natuloy ang sasabihin nang muling magsalita si MJ. "Nandito nga si Yara, nagulat kami. Akala ko ba, umuwi na siya sa probinsya?"
"Nandiyan si Yara?" Gulat na tanong niya dahil wala rin naman kasi siyang alam. "Nasaan ba kayo? Sa warehouse mo ba?"
"Oo," sagot ni MJ. Naririnig din ni Dri na medyo maingay kung saan man ito naroon. "Kasama niya sina Dominic. Kung sasama ka, diretso ka na lang dito. Laki tulong ng auto mo, eh." Kapatid ng boyfriend ni Rhian si Dominic.
"Sige, susunod na lang ako riyan." Binuksan ni Dri ang sasakyan. "Uwi lang ako sandali tapos pupunta na lang ako."
Nag-agree naman si MJ at masaya nitong sinabing maghihintay sa kaniya.
At habang nagmamaneho, napapaisip si Dri kung kumusta na ba si Yara. Ang akala rin niya ay nakauwi na ito sa probinsya. Maraming tumatakbo sa isip niya, pero hindi niya iyon masasagot kung hindi rin siya magtatanong.
Panay na ang hikab niya habang nagmamaneho kaya dumaan na muna siya sa isang café na mayroong drive thru. Mabuti na lang din at wala na siyang pasok kinabukasan at wala rin naman siyang gagawin. Naligo na muna siya sa apartment niya at kumuha ng ekstrang mga damit.
Pagdating sa warehouse ni MJ, agad niyang nakita si Yara na nakaupo sa isang monobloc na seryosong nakatingin sa kung saan. Tulala ito at parang malalim ang iniisip. Tahimik ito hindi tulad ng iba na nakikipagkuwentuhan sa kung sino man.
Sinalubong kaagad siya ni MJ. Nandoon nga si Rhian na kaibigan ni Yara, sina Diether, Dominic, pati na rin si Renzo, at iba pang barkada nila. Iyon pala ang donation drive na inumpisahan ng isa pang kaibigan nila at nakakalap ng malaking halaga.
Sandali muna siyang nakipag-usap sa mga kaibigan niya ngunit paminsan-minsang tinitingnan si Yara na mukhang hindi pa alam na nandoon siya. Ni hindi man lang lumilingon sa kung saan sila nakatayo.
"Mabuti nakapunta ka," sabi ni Diether. "Malaki 'yung kotse mo, marami tayong mailalagay kapag bumili pa tayo mamaya ng mga gamit. Dala rin naman ni Macky 'yung pick-up niya kaya dagdag din 'yun para hindi tayo pabalik-balik," dagdag nito.
"Kaya nga, eh." Tinapik ni Renzo ang balikat niya. "Wala kang pasok bukas?"
Umiling si Dri. "Wala. Mag-overtime sana 'ko kaso tumawag kayo kaya sige lang. Wala naman akong ibang gagawin."
![](https://img.wattpad.com/cover/248441832-288-k812635.jpg)